Kabanata III

7 1 0
                                    

"Hindi ba maayos ang iyong kalagayan, Remedios?" nag-aalalang tanong ni Milagros sabay dinampian ang noo ng kaibigang nakahiga sa banig.

"Mukhang hindi muna ako makakapunta sa panciteria ngayon, Milagros. Ipabatid mo na lamang kay Aling Sepang na ako ay hindi maaaring magtrabaho," pakiusap ni Remedios.

Tumango-tango naman si Milagros, "Mabuti nga iyan, huwag ka munang pumasok dahil baka ay tumaas pa ang iyong lagnat."

Ilang araw na ang lumipas matapos ang unang araw ng pamamasukan ang dalawang dalaga sa panciteria bilang kusinera't katulong.

"Humayo ka na, Milagros at baka ay mahuli ka pa," tugon ni Remedios. Nagpaalam na si Milagros at tumungo sa bayan nang mag-isa.

Naglalakad si Milagros sa kalsada malapit sa municipio nang tumama sa mukha niya ang isang puting sombrero. Napapikit si Milagros sa sakit at napatigil sa pagyapak.

"Pasensya na, binibini!" tinig ng isang lalaki. Dahil sa boses na narinig ni Milagros ay tinanggal niya ang sarili niyang kamay na nakatakip sa kaniyang mata.

"Ayos ka lang ba, binibini?" nagmamalasakit na tanong nito sabay dampot ng sombrerong puti na nakasakit sa mukha ni Milagros. "Tinangay kasi ng hangin ang aking sombrero. Paumanhin."

"Ayos lamang ako, señor. Huwag na kayong mag-alala pa," pinilit na nginitian ni Milagros ang lalaki sa harap niya.

Matangkad at matikas ang lalaki. Nakasuot ito ng amerikana. Hindi siya kasing-itim tulad ni Milagros at napakatangos ng kaniyang ilong. Hindi malabong masabi na mayroong lahing dayuhan ang lalaki.

"Sigurado ka ba?"

Tumango na lamang si Milagros bilang kasagutan sa tanong ni lalaki. Itinapat nito ang puting sombrero sa dibdib at nagbigay-galang sa dalaga. Bahagya ring yumukod si Milagros. Lumakad na ang lalaki at lumiko pakanan sa isang eskinita na daanan patungo sa daungan.

Umusad naman si Milagros at pumasok sa panciteria. Agad na sumalubong sakaniya si Lota na nasa puertahan ng kainan.

"Bakit ba kaytagal mong dumating?" nagmamadali nitong tanong sakaniya.

"Ipagpaumanhin mo sana, Lota, ngunit masyado akong naabala sa aking pagparito," tugon naman ni Milagros.

Hinatak ni Lota si Milagros papunta sa isang lamesa kung saan nakaupo ang dalawang Amerikano.

"Hindi ako marunong magsalita ng Ingles! Ikaw na lamang ang kumausap sakanila!" nangangambang sambit ni Lota.

"Nako! Hindi rin ako marunong, Lota! Nasaan ba si Aling Sepang?" tanong ni Milagros.

"Siya ay nasa palikuran pa kaya kung puwede ay ikaw na muna ang magsilbi sa dalawang dayuhan." Biglang tumakbo si Lota papasok sa kusina at iniwan si Milagros nang mag-isa.

"Where's my food?" padabog na tanong ng Amerikano. Nagtaka naman si Milagros at napakamot sa ulo.

"Hindi ko po kayo maintindihan, ginoo. Pasensya na ho." Hindi mapakali si Milagros.

"Don't just stand there, you idiot! We've been waiting here for so long!" dagdag pa ng isa pang Amerikano.

"No... I-ingles," nauutal na banggit ni Milagros.

"That's it! We're out of here!" Tumayo ang dalawa at inis na lumabas ng panciteria.

"Pasensya na po, mga ginoo!" pagmamakaawa ni Milagros.

"Stupid monkeys, so lazy and irresponsible!" pahabol pa nito. Agaw-pansin ang eksena kung kaya't nagsitinginan ang mga tao kay Milagros nang makaalis na ang dalawang kano. Nabalisa siya sa harap ng lamesa at tumulo ang luha sa mata niya. Kahit wala siyang naintindihan sa mga sinabi ng mga dayuhang iyon ay damang-dama niya ang kahihiyan.

Mga Bulaklak Para Kay MilagrosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon