Kabanata I

16 1 0
                                    

Filipinas 1916

Noong unang panahon, bago pa ang panahon ng Hapon, ay may tatlong binibining nagsisilabahan sa Ilog Bumalong na matatagpuan sa puso ng Barrio Baron. Nakapalibot sa ilog na ito ang mga malalaking punong-kahoy at mga maliliit na bahay-kubo.

"Milagros, ano na nga ba ang iyong balak? Hindi sapat ang paglalabada at paglalako ng bibingka lamang," tugon ng isang morena at purong indio na si Remedios.

"Sa aking palagay ay maninilbihan akong katulong ni Señora Constancia sa kaniyang patahian upang makalikom ng karagdagang salapi para sa aking mga kapatid," sagot naman ng isa pang binibini na kulot ang buhok at kayumanggi ang balat. Siya ay si Milagros.

"Ate, kailangan mo ba talagang magtrabaho pa sa bayan? Nakakakuha ka naman ng pera sa paglalabada at paglalako ng bibingka," ani ng katorse años na dalagitang maputi ang kutis kumpara sa dalawa niya pang kasama. Ang dalagitang ito ay si Dolores, nakababatang kapatid ni Milagros.

Ilang taon nang magkakasama sina Milagros, Remedios at Dolores bilang mga lavandera. Sila ay naninirahan sa munti ngunit tahimik na Barrio Baron.

"Ngunit, Dolores, hindi pa ito sapat upang mapakain tayong lahat. Kailangan ko paring magtrabaho upang mabigyan kayo ng magandang kinabukasan," sagot ni Milagros sa nakababatang kapatid sabay ngiti rito. Tumango na lamang si Dolores. Gustuhin niya man na tulungan ang kaniyang panganay na kapatid sa iba pang trabaho bukod sa paglalabada ay hindi niya magawa dahil masyadong mahina ang kaniyang resistensya.

"Sandali lamang, ako ay may naalala!" nakangiting banggit ni Remedios, "Mayroong sinabi saakin ang ating mabait na kaibigang si Valeria. Diba ay mayroong bagong-tayong panciteria sa bayan malapit sa municipio?"

"O, ano naman kung ganoon?" tanong ni Milagros.

"Naghahanap si Aling Sepang ng mga bagong katulong upang maging katuwang sa pagluto at pagsilbi sa panciteria. Kung sakali ay mapadaan ka sa may municipio ay magtanong ka na duon. Sa tingin ko ay matatanggap ka, Milagros. Naghahanap si Aling Sepang ng mga mahuhusay magluto at masipag na katulong," natutuwang suhestiyon ni Remedios.

"Maganda nga ang iyong ideya, Remedios. Salamat sa iyong suhestiyon. Ngunit akin munang pagninilayan ang iyong sinabi," ani Milagros.

"Walang anuman, Milagros. Nasisiyahan akong ika'y tulungan sapagka't napakasipag mo at matiyaga ka pagdating sa trabaho," sagot ni Remedios.

Nagpatuloy ang tatlo sa paglaba sa Ilog Bumalong. Panay ang kuwentuhan nila upang malibang habang nililinisan ang maduduming damit ng Kastilang si Don Bienvenido at ng kaniyang familia.

"Salamat sa Dios at tapos na ang ating pagalalaba," ani Remedios sabay unat ng kaniyang mga braso.

"Humayo na tayo, Remedios, at ating isampay ang mga ito. Bumalik na tayo sa mansion," tugon ni Milagros sabay tindig, "Dolores, mararapat na ikaw ay umuwi na sa bahay at simulan mo na ang pagluluto ng ating pananghalian. Kami ni Remedios ay tutungo na sa mansion ni Don Bienvenido."

"Opo, Ate." Umalis na si Dolores at bumalik sa kanilang maliit na bahay-kubo. Samantalang sina Milagros at Remedios naman ay nagsimula nang maglakad habang bitbit ang mga batia na mayroong lamang mga damit.

Habang tumatawid sa munting tulay na yari sa kahoy ang dalawang lavandera ay nagsimula silang mag-usap patungkol sa panciteria.

"Milagros, amiga," panimula ni Remedios, "Kung gugustuhin mo ay maaari kitang samahan sa panciteria bukas ng umaga. At kung sakaling ikaw man ay mamamasukan bilang tagapagluto sa panciteria ay nagagalak akong gayun din ang gawin."

"Natutuwa ako sa iyong suporta, Remedios. Pupuntahan na lamang kita sa inyong bahay bukas ng umaga kung sakaling mapagdesisyunan kong mamasukan sa panciteria," sagot naman ni Milagros.

Sa pagalakad ay narating din nila ang bayan na mararating pagtawid lamang ng tulay sa Ilog Bumalong.

Humantong sila sa tarangkahan ng isang malaking mansion na malapit lamang sa ilog. Pinagbuksan sila ng mga guardia personal ng familia Bienvenido.

Tumungo sila sa likod na bahagi ng mansion, kung saan naroroon ang sampayan. Nagsimula na sila sa pagtrabaho nang dumating ang mayor doma ng mga katulong sa mansion.

"Kayo pala'y naririto na. Heto ang inyong suweldo," striktong sambit ni Feliciana, ang mayor doma.

"Opo, Señora. Salamat po," sagot ni Milagros habang kinukuha ang apat na piso na inabot sakanila ni Feliciana.

"Bueno, kayo ay magpatuloy sa inyong ginagawa at ako ay mayroon pang aasikasuhin sa taas," sabi ni Feliciana sabay alis.

Tinapos na ng dalawa ang pagsasampay ng damit at saka hinati ang salaping natanggap.

"Halika na, Milagros, sapagka't ako ay nagugutom na," tugon ni Remedios. Tumango naman si Milagros at nagsimulang maglakad.

Nakarating ang dalawa sa Barrio Baron at sila ay umuwi na sa kaniya-kaniyang mga tahanan. Nadatnan ni Milagros sina Dolores at Santino na nagluluto sa pugon.

"Mukhang malinamnam ang niluluto ninyo sapagka't amoy pa lamang ay alam kong magugustuhan natin ang putaheng inyong inihanda," pagpuri ni Milagros sa mga kapatid.

"Maraming salamat, Ate. Heto at inyong tikman," binigay ni Santino ang sandok sa kaniyang kapatid at nilasahan naman ito ni Milagros.

"Magaling! Mahusay na kayong magluto ng kusido! Alam niyo ba? Paborito ni Inay ang kusido, kaya nga ako'y nasisiyahan at napasa sainyo ang sikreto ng Inay sa masarap na pagluto ng kusido," nakangiting tugon ni Milagros sabay tapik sa balikat ng mga kapatid.

"Atin nang ihain ang luto, Tino," tugon ni Dolores. Tumango si Santino at tinulungan ang kapatid sa paghain ng palayok sa mesa sa kanilang munting comedor (dining room).

"Tino, iyong tawagin na sina Camilo at Joaquin nang tayo ay makakain na," utos ni Milagros sa bunsong kapatid. Tumakbo si Santino palabas ng puerta (pintuan).

Inayos na rin nina Milagros at Dolores ang lamesa. Ilang sandali pa ay dumating na si Camilo na kakatapos pa lamang magsibak ng kahoy at si Joaquin na nag-igib ng tubig sa poso ng barrio.

"Tayo ay magsikain na," pangangalok ni Dolores sa mga kapatid. Nagsiupuan na ang lima sa paligid ng lamesa. Nagdasal sila at kinain ang masarap na kusidong niluto nina Santino at Dolores.

Masaya ang pamilya nila, ngunit ay hindi kumpleto dahil ang kanilang ina ay namatay na at ang kanilang ama ay kasalukuyang nasa sabungan at laging walang pakialam. Buhay man at humihinga pa si Matias na padre de pamilya nila ay maituturing na ring patay sapagka't nakaligtaan niya ang responsibilidad sa pamilya.


Chapter Display Photo from Pinterest

Mga Bulaklak Para Kay MilagrosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon