Chapter Two

5.4K 97 11
                                    

Chapter Two

“WILL YOU marry me?” iyon ang tanong ng isang guwapong lalaki na nagpatigil sa pagtibok ng puso ni Zel. Sa tinanong nitong iyon ay nagbalik ang lahat ng alaala ni Charlie sa kanya. Ilang linggo na ba itong nasa isip niya? Ilang gabi na ba siya inuusig ng kanyang konsensiya? Ah, kung hindi lang niya iniisip ang kapakanan ng pamilya niya, kung tinanggap na lang sana niya ang alok nitong tulong sa kanya na pag-aralin ang mga kapatid niya… Eh, di sana ay buhay pa ito. Eh, di sana magkasama pa sila nito ngayon at masaya.

            Ilang gabi na ba sa isip niya ang mga katagang iyon? Sa bawat gabi, sa tuwing dadaan siya ng Aficionado’s, ay nagsisibalikan ang lahat ng alaala nito sa kanya, ang lahat ng masasayang sandali na kasama niya ito. At halos hindi siya makatingin sa restaurant na iyon na naging paborito nila at naging sangkot pa sa pagwawakas ng kanilang pagmamahalan.

            Hindi na niya kayang palampasin pa ang mga ganitong pagkakataon. Hindi na siya magsasayang ng oras upang makamit niya ang sariling kaligayahan. “Yes,” sagot niya rito. Hindi na niya pinansin ang sigawan ng mga kasama nito.

            Pagkatapos ay hinawakan siya nito sa mga kamay at hinila siya patungo sa labas. Doon ay inangkin nito ang mga labi niya. Ang mundo ay tumigil sa pag-ikot, tanging tibok ng kanya-kanyang puso lamang ang naririnig nila.

            Kumalas lamang ito nang kapwa sila habol ng kanilang hininga. “Sigurado ka bang papakasal ka sa 'kin?”

            Tumango siya. Pagkatapos ay muli itong tinanggap. Paano kung palampasin pa niya ito at magsisi na naman siya? Hindi na. Tama na ang isa, at natuto na siya.

            Dinala siya nito sa malapit na parke. Umupo sila isang bench doon. Nang mapagmasdan ito ay saka siya nakaramdam ng kaba. Ang mga makakapal na kilay nito ay bumagay sa hugis ng mukha nito. Maninipis ang mga labi nito na parang kay sarap muling halikan. Matangos ang ilong nito na bigla siyang nakaramdam ng insecurities. Hindi kasi matangos ang ilong niya at hindi rin naman pango. Kumbaga katamtaman lamang iyon.

            Bigla siyang nakaramdam ng pagod sa leeg, napakatangkad kasi nito. At kailangan pa nitong hawakan ang buong mukha niya upang magtama ang kanilang mga mukha. Chinito ito, bagay na gustung-gusto niya sa isang lalaki.

            “Halika,” yaya nito.

            Tumayo siya at sinamahan ito sa paglalakad. Nakatingala siya rito. Five eleven yata ito sa tantiya niya at five seven lang siya.

            “Bakit ka magpapakasal sa akin?” tanong nito.

            Hindi agad siya nakasagot. Parang may bumikig sa lalamunan niya. “Puwede ka pang umayaw,” anito.

            Napansin niya ang pasa sa mukha nito. “Ano’ng nangyari sa 'yo?” Kibit-balikat lang ang naging tugon nito. Nagpatuloy sila sa paglalakad. Nagbuntong-hininga siya. Nakaka-intimidate ang taas nito sa totoo lang. “Sigurado na ako. Sigurado na ako sa 'yo,” sagot niya. Ah, hindi niya alam kung sasabihin ba rito ang totoong rason kung bakit siya pumayag na magpakasal dito.

            Sa tingin niya ay hindi iyon ang importante sa ngayon. Ang importante ay ang puso niyang muling nagbukas para rito.

            “Ako rin,” anito. “By the way, ano ang pangalan mo? Gusto kong matawa. Pagkatapos nating… you know, saka lang natin malalaman ang pangalan ng isa’t isa.”

The Fake Proposal (To Be Published in LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon