Chapter Seven

3.1K 63 3
                                    

Chapter Seven

NAKARATING na sila ng bahay nang wala pa rin silang imikan. Hinihintay lang ito ni Zel na magsalita. Hindi niya kasi alam ang sasabihin dito.

            “Let’s stay here outside,” basag ni Manuel sa pananahimik nila. Hinawakan siya nito sa mga kamay upang matigil siya sa paglalakad papasok sa bahay.

            Hindi siya umimik. Nagpaubaya na lamang siya dito. Umupo sila sa bermuda grass. Natatakpan sila ng isang puno doon, malapad kasi ang lilim doon. “Madalas ako sa baywalk, alam mo ba 'yon?” pagbubukas nito ng usapan.

            “Talaga?” sagot niya. Tumitig siya dito. Parang may gusto itong sabihin sa kanya. Mataman siyang nakinig. Hindi niya dapat palampasin ang pagkukuwento nito dahil baka sa susunod ay hindi na sila magkita. Nagbuntong-hininga siya. Ngayon pa lang ay gusto na niyang maiyak sa katotohanang baka pagdating nila sa Maynila ay hindi na siya nito pansinin o marahil baka hindi na niya talaga ito makita. Malayo siya sa babaeng gusto nito.

            “Oo. Paborito ko kasi ang lugar na iyon. Noong matapos iyon, palagi na 'ko doon. Pinapagalitan nga ako ni Mama dahil halos 'di na niya 'ko makita dito sa bahay.” Tumawa ito ng mahina.

            “Dito ka talaga sa Bicol lumaki?” Marami pa siyang gustong malaman tungkol dito. Kung nakailang girlfriends na ba ito? Kung lahat ba magaganda? Ah, mali yatang itanong niya iyon dito, dahil siguradong masasaktan lang siya sa sasabihin nito.

            Tumango ito. “Dito ako nag-aral ng elementary at high school, noong college ay sa Maynila na. Ayaw ko nga noon, pero sabi ni mama ay may mas magandang opurtunidad daw doon kesa dito. Doon rin naka-base ang negosyo namin.”

            “Hindi mo ba nagustuhan sa Maynila?” Kapag sinabi nitong hindi ay baka manlumo siya, kasi ibig sabihin niyon ay baka pinagsisihin rin nitong nakilala siya. Ah, ano ba itong mga negatibong mga nasa isip niya? Ang O.A. naman yata niya.

            “Noong una, hindi. Pero kailangan. Doon ako mag-aaral ng limang taon, eh. Nagustuhan ko na rin naman. Pero kung ako ang papapiliin, dito ko pa ring gustong tumira. Tahimik, konti ang tao, walang gaanong sasakyan.”

            Ano ba itong mga tinatanong niya? Talagang hinihintay niya ang isang bagay para lang masaktan siya. “Hindi naman malabong mangyaring maging kagaya na rin ito ng Maynila, ah. Paano kung iyon ang mangyari? Dito ka pa rin ba?”

            “Hindi na. Maghahanap ako ng lugar na tahimik, doon ko ititira ang pamilya ko.”

            Nagbuntong-hininga siya. Isa kaya siya magiging miyembro ng pamilya na bubuuin nito? Malabo. Pero bakit hindi niya hayaan ang sarili na umasa kahit sa loob man lang niya? Ah, naghahanap talaga siya ng sakit sa puso. “Kailan naman kaya 'yon?”

            “Sa lalong madaling panaho,” anito, saka makahulugang tinitigan siya.

            Nag-iwas siya ng tingin dito. “Lakas mong maka-big brother, ah,” biro na lamang niya. Tawa ito nang tawa. Pagkatapos n’yon ay parang may dumaang anghel. Natahimik ito. Nahuli niya itong nakatitig sa kanya.

“Palagi na lang kitang nahuhuling nakatitig sa akin. Palagi ba akong may dumi sa mukha?” Na-conscious tuloy siya sa mukha niya.

            “Iyon ba ang dahilan kung bakit tumititig ang isang lalaki sa isang babae? Paano kung nagagandahan lang sila dito?”

            Ayaw niya sa mga ganoong sagot nito. Pinapaasa siya nito. Napalunok siya. Nagagandahan ito sa kanya? Imposible! “'Wag kang mambola ng ganyan, madali pa naman akong maniwala sa ganyan.” Sinundan niya iyon ng pekeng tawa.

The Fake Proposal (To Be Published in LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon