Chapter Twelve

1.8K 40 7
                                    

            Chapter Twelve

KINAGABIHAN ay hirap pa ring makatulog si Zel. Umuukilkil pa rin sa kanya ang sinabi sa kanya ng kanyang ina. Kung hindi man kayo magkabalikan. "Kaya ko ba?" tanong niya sa sarili. Sinulyapan niya ang sarili sa salamin. Namamaga na ang gilid ng kanyang mga mata. Pinilit niyang makatulog.

            Kinaumagahan ay nagdesisyon siyang tumungo sa condo ni Manuel. Labag man sa kanyang kalooban ay pinilit niya ang kanyang sarili alang-alang sa kanyang ipinagbubuntis. Napag-isip-isip niyang hindi magandang palakihin niya ang kanyang anak na walang kinikilalang ama. At lalo pa, ay hindi magandang ipagkait niya ang kanilang anak ni Manuel dito. Ito pa rin ang ama ng dinadala niya, may karapatan pa rin ito kahit pa sabihing niloko lang siya nito.

            Nagpaalam siya sa kanyang ina na tutungo lang sa grocery. Wala siyang planong ipalam iyon dito. Siguradong mamimilit itong sumama sa kanya, gayong ayaw niyang makita nito si Manuel.

            Nasa harap na siya ng condo ni Manuel. Nagbuga siya ng hangin para mabawasan ang kabang nararamdaman niya. Sigurado na siya sa gagawin niya: sasabihin niyang anak nito ang dinadala niya. Desidido pa rin siyang hindi makikipagbalikan dito. Ano pa ang saysay n'on? Para sa bata? Hindi naman siguro siya magiging unfair sa kanyang anak kung hindi siya makikipagbalikan sa ama nito.

            Kakatok sana siya nang mapansing nakaawang ang pinto ng condo ni Manuel. May naririnig siya sa kuwarto. Hindi nga lang iyon malinaw sa kanyang pandinig. Para mas klaro sa kanyang ang naririnig ay pumasok na siya. Biglang tumahip ang dibdib niya nang marinig niya ang pangalang "Jessica." Jessica, ulit niya sa sarili. Kung hindi siya nagkakamali ay iyon ang ex ni Manuel.

            Kausap pa ni Manuel si Jessica sa kuwarto nito? Mas lalo siyang kinabahan.

            "I still love you, Manuel. Iniwan ka na niya." Narinig niyang sabi ni Jessica.

            Kung mag-uusap lang ito ay bakit sa kuwarto pa ni Manuel. Puwede namang sa labas, sa sala, o sa kusina.

            Napalunok siya.

            Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Manuel. "I still love you, Jessica..." sagot ni Manuel dito. Humakbang pa siya palapit sa pinto ng kuwarto. Pero nang marinig na niya ang sinabi ni Manuel ay umatras na siya. May sinabi pa si Manuel, pero hindi na niya masyadong naintindihan iyon.

            Dahan-dahang inihakbang niya ang mga paa niya palabas ng condo ni Manuel at doon ay bumagsak na ang kanyang mga luhang kanina pa niyang pinipigilang bumagsak. Ang sikip-sikip ng dibdib niya. Ngayon niya mas lalong napatunayan na hindi talaga siya nito mahal. Niloko lang talaga siya nito. At ito siyang tangang sumugod pa rin doon.

            Nagpara siya ng taxi.

            "Zel!" Narinig niyang may tumawag sa kanya. Nilingon niya iyon. Si Manuel.

            Lumuluha pa rin ang mga mata niya. Paghinto ng taxi ay walang lingong-likod na sumakay na siya ng taxi. Doon sa taxi ay iyak pa rin siya nang iyak, hangga't sa makarating siya ng bahay nila. Nagtanong ang inay niya kung bakit siya umiiyak pero dumiretso lang siya sa kuwarto. Sa unan ay binuhos niya ang lahat ng sakit na nararamdaman niya.

            Ano ba ang nagawa niya? Karma ba ito sa kanya? Hindi niya mapigilang tanungin ang sarili kung ginagantihan ba siya ni Charlie sa nagawa niya. Sa altar ng kanyang maliit na kuwarto ay lumuhod siya. Luhaan pa rin. "Charlie... tama na. Ayoko na. Oo, nagsisisi ako. Alam kong napakalaki ng kasalanan ko sa 'yo. Ito ba ang ganti mo sa akin? Mahal ko siya, Charlie." Huminga siya, dahil naninikip na talaga ang dibdib niya. Saka siya nagpatuloy. Ayaw mo ba akong maging masaya? Oo, kasalanan ko kaya ka nawala. Alam kong, naiintindihan mo 'ko. Hindi ko alam kung masaya ka ba sa kung nasaan ka man ngayon."

The Fake Proposal (To Be Published in LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon