Patawad Mahal ko sapagka't muli na naman kitang binigo. Matahimik mong buhay aking ginulo para lamang ika'y masaktan.Ginawa ko ang lahat mapasa akin lamang ang matamis mong OO.
Pinuno kita ng mga pangakong iyong panghahawakan. Ngunit akin kitang sinaktan, iniwang luhaan sa gitna ng kasiyahan.
Nagsimulang tumibok ang aking puso noong una kong masilayan ang iyong matatamis na ngiti at mala-anghel na mukha.Pinangarap kita.
Hinangad kong mapasa-akin ka, dahil gusto kitang protektahan at alagaan. Sa mga kwentong aking naririnig tungkol sa iyo, mas lalo lamang akong nahulog, hirap nang umahon sa dagat ng pagmamahal ko para sa iyo.
Natatakot ka raw magmahal dahil paulit-ulit ka nalang nilang sinasakatan at iniiwang luhaan. Naduduwag kang muling buksan ang iyong mga puso sapagka't hindi mo na nais na muling maramdaman ang mala-impyernong sakit na dulot nito.
Alam mo ba ang sinabi ko? Sabi kong poprotektahan kita, iingatan at ilalayo sa mga sakit na dulot ng mga taong nais kang pahirapan.Inamin mo sa aking mahal mo ako ngunit natatakot kang mawala ako sa iyo. Napakasaya ko, alam mo ba iyon? Gustong-gusto kong isigaw sa buong mundo na pareho tayong nagmamahal. Pinangakuan kita ng kaligtasan at kaligayan. Ang tanging sinabi mo sa akin ay "gawin mo h'sag mong sabihin."
Sa unang mga pangyayari kay sarap sa pakiramdam. Sa unang pagtatagpo ng ating mga puso, tila isang kalangitan na napupuno ng mga bahag-hari ang ating kapaligiran. Wala tayong pakialam sa ibang tao, ang mahalaga sa atin ay tayong dalawa lamang. Ikaw at ako, masaya at kuntento.
Tila isang malaking bato ang makadagan sa aking dibdib ng makita kita. Ngayon dapat kita susorpresahin sa iyong kaarawan ngunit isang di inaasahang pagkakamali ang aking nagawa.Ramdam ko lahat ng sakit. Sa bawat pagbuka ng iyong mga labi, dama ko lahat ng mga pagkukulang at pagkakamali ko.Nasasaktan ako pag nakikita ko ang maamo mong mukha na nilatayan ng sakit.
Kahit kailan hindi ko nais na bigayan ka ng bagay na makakapanakit sa iyo.Mahal ko, ako sana'y patawarin mo. Alam kong pinangakuan kita ng kaligtasan at kaligayahan sa piling ko, pero binigo kita.
Muli ka na namang nabigo at nasaktan. Nagawa ko ang mga bagay na naranasan mo na. Katulad lamang ako ng iba, sasaktan at walang ginawa kung hindi pahirapan ka. Hindi kita nabigyan ng proteksyon ng may mga palasong nakatutok sa likod mo, hindi kita na iligtas sa sakit na dulot nito. Hindi kita nabigyang pansin ng unti-unti ka na palang nahuhulog sa kadiliman na iyong ginawa para sa iyong sarili upang hindi mo masaksihan ang mga taong masasaya sa piling ng kanilang mahal.
Patawad aking mahal dahil tulad nila, sinaktan kita at hinayaang magisa ngunit lagi mong alalahanin na ang puso ko ay tunay at dalisay na nagmamahal sa iyo.