"CONGRATULATIONS sa bagong kasal," masayang bati ng mga bisita kina Nicole at Enzo. Nagpalakpakan ang lahat. Maluha-luha si Brenna sa tabi niya at tinawanan ito ni Karma. Nakangiting umirap ang kaibigan niya sa kanya.
"Parang ikaw naman ang ikinasal," mapang-uyam na wika niya rito.
Siniko siya ni Brenna. "Kinikilig lang ako sa kanilang dalawa. Nakikita ko kasi na mahal na mahal nila ang isa't-isa."
Nangingiting muli niyang tiningnan ang bagong kasal. Totoo ang sinabi ni Brenna. May kakaibang kislap sa mga mata nina Nicole at Enzo kung tumingin sila sa isa't-isa. Nahihiya man siyang aminin ngunit lihim siyang naiinggit. Hindi dahil may pagtingin siya kay Enzo, kundi dahil ganoon sila ni Leo noon.
Lihim siyang napasimangot. Bakit ba niya iniisip ang binata at ang nakaraan nila? Hindi na kailangan pang isipin iyon dahil matagal na silang wala. Three years to be exact. Nag-move on ka na, diba? Huwag ka ng bumalik pa sa nakaraan, lihim na kastigo niya sa sarili habang nilalaro ang pagkain sa harap niya gamit ang tinidor.
"Try mo ang lemon asparagus pasta, I'm sure magugustuhan mo." Untag ni Brenna sa kanya. Sinubukan niya ang pagkaing sinabi nito at nagustuhan nga niya iyon. Sa dessert ay chocolate-raspberry cake lang ang kinain niya. Habang kumakain ay nakikipag-chikahan siya kay Brenna at ng iba pang mga bridesmaids na kasama nila sa kanilang mesa. Nang maramdaman niyang may nakatingin sa kanya, napatingin siya sa may hindi kalayuang mesa. Nagtama ang paningin nila ni Leo at pansamantala siyang natigilan. Para bang may kakaibang mahika na lumukob sa kanya. Kung hindi siya ulit siniko ni Brenna ay hindi siya kukurap at iiwas ng tingin. Lumunok siya at pilit na itinuon muli ang atensiyon sa mga kausap. Dahil nakakatuwa ang kanilang usapan, hindi siya nahirapang i-divert ang kanyang atensiyon. Maya't-maya pa ay hindi na siya nakaramdam na may nakatitig sa kanya. Curious, napatingin siya ulit sa kinauupuan ni Leo. Wala na ito sa upuan nito. Hindi niya napigilan ang sariling hanapin ito.
Lihim na kinurot niya ang sarili. What the hell, Karma? Huwag mo nga siyang hanapin!
"Hey," napalingon siya sa kinaroroonan ng boses. Hindi lang siya pati na rin si Brenna at ang iba pang mga bridesmaids. Si Zac iyon at nakangiti kay Brenna. "Pwede ba kitang maisayaw, Brenn?" Tanong nito na nakalahad pa ang isang kamay. Mula sa head table ay tumayo rin sina Nicole at Enzo para sumayaw. Nakangiting inabot ni Brenna ang kamay ni Zac at saka tumayo. Nagsunuran na rin ang iba pang mga bridesmaids dahil niyaya rin silang sumayaw ng mga groomsmen at naiwan siyang mag-isa sa mesa.
Karma squirmed in her seat. Malakas ang kutob niya na ilang segundo mula ngayon ay dadating si Leo upang yayayain rin siyang sumayaw. Hindi nga siya nagkakamali dahil nakaramdam siya ng presensiya sa likuran niya. Kumabog agad ang dibdib niya.
"Karma?"
Wait, hindi ganyan ang boses ni Leo. Lumingon siya, ang nakangiting mukha ni Sean ang nakadungaw sa kanya. Pinsan ito ni Nicole sa father side, iyon ang pakilala ng bride kahapon nang dumating ito galing sa Singapore. Doon na raw kasi ito nanirahan matapos maging isang successful businessman sa nasabing bansa.
"It would be an honor if you'd dance with me." Nakangiti parin ang lalaki nang ilahad nito ang isang kamay. Ngumiti siya rito bago inabot ang kamay nito. Nang makita sila ni Brenna ay kumindat ito. Inirapan lang niya ang kaibigan. Ang totoo, nagu-gwapuhan naman siya kay Sean. Pero sa ngayon kasi ay wala pa siyang balak na pumasok sa isang relasyon. Nag-eenjoy pa siya sa pagiging single.
Naramdaman niya ang mga kamay nito sa kanyang baywang at siya naman ay inilagay ang mga kamay sa balikat nito. Sa paraan ng pagtitig nito sa kanya, hindi maipagkakailang interesado ito. Hindi niya mapigilang malungkot. Para sa kanya, hindi rin kasi madali ang i-reject ang isang tao. Kahit papaano ay nasasaktan rin siya.
BINABASA MO ANG
Loving Karma [COMPLETED]
RomansaHindi inakala ni Leo na makikita niyang muli si Karma Camille Reyes, ang ex-girlfriend niya. It's been three years since he last saw her, at marami na ang nagbago rito. Ang mataas nitong buhok noon ay maiksi na ngayon. And she was no longer the smil...