Chapter 1

10.8K 111 1
                                    

MAAGANG dumating si Sia sa branch ng bookstore kung saan nakatakdang maganap ang kanyang first ever solo book signing. Iyon ang unang pagkakataon na magpapakita siya sa mga readers. Sa loob ng halos limang taong pagsusulat, ngayon lang siya makiki-mingle sa madla. Sociable naman si Sia sa mga readers sa social media, pero hindi sa personal. Hindi kasi siya mahilig lumabas ng lungga dahil kina-career niya ang pagiging full-time writer ng Black & Gold Publishing.

Matapos ang mahabang panahon ng pagtatago sa lungga, napilitan na si Sia na magpakita sa mga readers. Nahahabag na siya sa admin ng SNS accounts ng BGP, kulang na lang sumabog iyon sa dami ng notifications mula sa mga readers na nagre-request ng isang book signing event.

Sinalubong kaagad si Sia ng staff pagdating niya sa bookstore. Iginiya siya nito sa bahaging inilaan talaga para sa kanya. Malawak ang kabuuan ng lugar kaya hindi siya makakaabala sa mga mamimili kung sakali.

"Ma'am, magsisimula na po ba ang book signing ni Miss Cresia?" tanong ng staff na si Jessie sa kasama niya.

"Hindi pa naman, one pm pa ang simula ng book signing niya," tugon dito ni Caroline, ito ang nag-aasikaso ng mga book signing at iba pang mga events ng BGP.

Napabuga ng hangin ang staff at nagkukumahog na kinuha ang mga librong isinulat niya para ihilera sa display window ng bookstore.

"Pasensiya na, ha... kaka-time in ko pa lang kasi. Akala ko naman naayos noong pang-morning shift," hingi nito ng paumanhin.

"Pasensiya na ri kung medyo napaaga kami," ani Sia.

Nilingon siya ng staff na binigyan lang niya ng nag-aalangang ngiti.

"Parang pamilyar ka sa akin, Miss Cresia." Nilapitan siya ni Jessie nang matapos ito sa ginagawa. Titig na titig ito sa kanya.

Malamang nga na maging pamilyar si Sia sa staff dahil doon siya madalas bumibili ng libro sa branch na iyon, tumatambay pa nga siya roon kung minsan at kapag ganoon tinutulungan niya itong mag-ayos ng mga libro sa shelf kapag may delivery. Hindi siya nagpapakilala kay Jessie na siya ang writer na si Cresia. Nagpakilala siya rito bilang si Sia, isang book lover.

Sa tuwing maliligaw siya roon mukha siyang ewan, may suot na eyeglasses na ubod ng laki ang lenses at nakataas ang buhok sa isang magulong pusod. Kaya siguro hindi siya nakilala nito ngayon sa ayos niya dahil nagmukhang tao na siya na nalalaman kung ano ang sibilisasyon.

Kinusot ni Sia ang ilong at hinawi ang bangs niyang kahapon lang umeksena para itago ang malapad niyang noo.

"Masyado kasing ordinaryo 'tong pagmumukha ko, kaya siguro ang dami kong kamukha. Nakakatakot naman 'yon..." biro niya.

"Naalala ko tuloy iyong novel mong A Doppleganger's Love." Malapad ang naging ngiti ni Jessie.

"Nagbabasa ka pala ng mga gawa ko?"

Nire-require ng publisher nila na magbasa ang mga staff kapag may libreng oras nang sa ganoon ay maayos na mai-endorse sa mga customer ang mga libro.

"Yes, Miss Cresia, reader mo ako! Sayang nga lang hindi ko nadala ang mga kopya ko ng libro mo dahil hiniram ng kapatid ko at dinala sa dorm niya..."

"Kumuha ka na lang ng mga bagong kopya at pipirmahan ko. Ako na lang ang magbabayad," nakangiting sabi ni Sia.

"Aba! Nakakahiya naman," tugon ni Jessie.

"Okay lang 'yon, basta ba sa susunod na tinulungan kitang mag-ayos dito ililibre mo ako ng milk shake." She winked at her.

Noon niya nakitaan ng rekognisyon ang mukha nito. "Lucresia?"

Chasing Hearts 1: Yesterday's DreamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon