Chapter 4

3.4K 66 0
                                    

NGINITIAN ni Abby si Sia nang makasalubong siya nito paglabas niya ng banyo. Nagpalit siya ng pajama kagaya ng suot ng mga kasama, ayaw pumayag ng mga kaibigan niya na hindi siya nakasuot ng pajama dahil slumber party daw iyon. Ewan ba niya at kakaiba ang takbo ng hangin sa utak ng mga kaibigan niya ngayon. Kung hindi lang cute na teddy bears ang design ng pajama hindi niya isusuot iyon.

"Parang medyo masikip," ani Sia. Masikip ang pajama top niya sa may parteng dibdib.

"Ang yaman mo naman kasi sa boobelya, Tets." Humagikhik si Abby.

Nagkibit lang siya ng balikat at bumalik sa kuwarto para i-hanger ang mga hinubad niyang damit. Pagbalik sa sala nakasalampak na ang mga kasama niya sa sofa, ang iba ay sa sahig nakahilata, habang si Abby ay inaasikaso na ang panonoorin nila. Pinili ni Sia ang sahig, doon siya naupo sa tabi ni Genel. Inabutan siya ng throw pillow ni Pau na prenteng nakahiga sa sofa ala-Cleopatra habang nangungutib ng popcorn.

"Dati ginagawa natin ito noon kapag may pinagluluksaan tayong pusong pumanaw." Nag-angat siya ng tingin kay Genel na nakaupo sa kabilang sofa. "So, kaninong puso ang pumanaw ngayon?"

Humarap sa kanila si Abby. "Hindi ba puwedeng ginagawa natin ito ngayon to celebrate kasi nagkita-kita uli tayo?"

"Yeah! Tama si Abby, let's be happy. 'Yon naman talaga ang goal ng bawat gatherings natin, ang maging happy," pagsang-ayon ni Mela.

Napabuntong-hininga na lang si Sia. Kung nalalaman lang ng mga kaibigan niya na naghihingalo ang kanyang puso.

"Saka, dapat talaga mag-celebrate tayo dahil makulay ang love life natin ngayon." Abby sighed dreamily.

"Kumusta crush mo?" panggagaya ni Pau sa isang tv advertisement.

"Ako, as usual walang love life. 'Yang si Sia pumapag-ibig na uli..." Sinipa niya ang binti ni Mela. "Kay Ruen na naman."

"Well, hindi ko matukoy kung ano ang sa amin ni Earl." Naghikab si Genel, halatang bored na ito. "Ano ba, manonood pa ba tayo ng pelikula?"

"Ano bang pelikula ang gusto n'yong panoorin natin?" tanong ni Abby sa kanila. "The Conjuring ba?"

"Huwag!" Biglang pumaltok si Mela. "Maawa kayo sa akin."

Nagkatawanan sila. Masyadong matatakutin ang dalaga at ikamamatay nito ang panonood ng horror movies.

"The Vow kaya?" suhestiyon ni Genel. "Maganda raw 'yon sabi noong co-teacher ko."

"Duh! Pagkatapos hindi n'yo naman mae-enjoy ang panonood dahil iiyak lang kayo buong duration ng movie," pagkontra ni Pau.

"Fifty Shades of Grey," suhestiyon ni Sia.

Kaagad naman siyang pinandilatan ng mga ito.

"What? Ayaw n'yo ng horror, ayaw n'yo ng nakakaiyak, sa nakakahapo na lang tayo!"

"That's killer!" magkakasabay na sabi ng mga ito.

"Aha!" Napangisi na lang siya nang hindi kumontra ang mga ito. "Well, ang great ko talaga."

Napanood na iyon ni Sia sa sinehan, pero kahit ilang beses niyang ulitin iyon panay pa rin ang tili niya kapag nakikita ang explicit scenes. Pinagbababato na tuloy siya ng popcorn ng mga kasama.

Sa kalagitnaan ng panonood iniwan ni Sia ang mga kasama para magbanyo. Habang nakaupo sa toilet seat naulinigan niyang tumutunog kanyang ang cellphone. Dali-dali niyang tinapos ang pag-ihi at patakbong pumunta sa kuwarto ni Abby kung saan niya iniwan iyon kanina.

Hindi man registered sa phonebook ni Sia ang number ng caller, sinagot pa rin niya ang tawag.

"Ate..." ang garalgal na tinig ng isang babae ang bumungad sa kanya.

Chasing Hearts 1: Yesterday's DreamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon