Chapter 2

4.7K 66 0
                                    

MADALAS gabi at madaling araw nagsusulat si Sia. Kapag araw naman tulog siya o kung gising man kapag paniguradong nagbabasa siya o may kung anong pinagkakaabalahan.

Matapos muling makita si Ruen sa katawang-lupa nito, magdamag siyang dilat na walang naisusulat at walang ginawa maghapon kundi matulala. Daig pa niya ang nakahithit ng droga. Kung naroon ang mga magulang ni Sia, nasisiguro niyang mapapagalitan siya ng mga ito dahil nawawala na naman siya sa katinuan.

Kasalukuyang nasa Canada ang parents ni Sia dahil hindi pa maiwan ng mga ito ang bagong branch ng business nila roon. Inuungutan na siya ng mga itong sumunod tutal ay maaari pa rin niyang ituloy ang pagsusulat kahit naroon, pero ayaw niya.

Isang tawag ang nagpabalik sa naglalagalag niyang utak.

"Sia," bungad ng nasa kabilang linya. "Ipinapaalala ko lang sa 'yo na binyag na ng baby ko sa isang araw, baka naman sa kakakulaot mo sa bahay makalimutan mo pa."

Ang kapwa writer na si Analita iyon na mas kilala sa pen name nitong 'Amethyst'. Kinuha siyang ninang sa binyag ng anak nito at ganoon din ang iba pa nilang co-writers para raw masigurong hindi mabuburaot sa paskuhan ang anak nito. Napakautak ng isang ito, lalo pa at kinuha nitong ninong sa kasal ang Publisher ng BGP.

"Naku, oo nga pala!" Napabangong bigla si Sia. "Mabuti na lang talaga tumawag ka, nawala sa isip ko."

"Lucresia, subukan mo lang talagang hindi magpakita sa binyag ng anak ko. Kalapit-lapit lang naman niyang inyo sa amin."

"Ateng, two hours kaya ang biyahe simula sa amin hanggang diyan. Ano'ng malapit doon?"

"Tigilan mo ako, 'di bale sana kung nasa Visayas ka pa."

Natawa siya. "Ipapa-LBC ko na lang 'yong pakimkim at gift ko."

"Gusto ko nandito katawang-lupa mo. Period," giit nito.

"Oo na..."

"Maigi kung gano'n." Naputol na ang tawag.

Kinuha lang ni Sia ang bag at lumayas na ng bahay para bumili ng regalo. Kakaligo lang naman niya two hours ago at desente naman ang suot niyang damit. Ipinusod na lang niya ang buhok nang tinamad siyang suklayin iyon.

Sa department store kaagad ang diretso niya pagdating sa mall.

Abala siya sa pagtitingin ng mga cute na feeding bottles nang biglang mahagip ng kanyang mga mata ang isang pamilyar na pigura.

Shit, si Ruen!

Nakita na naman niya ang binata. Masama pa naman iyon sa kalusugan niya. Grabe... hindi pa nga siya nakaka-getover noong nakaraan niyang kita rito. Buwiset din ang tadhana kung minsan, nananadya!

Yumuko si Sia para magtago nang makitang papalapit ito sa kinaroroonan niya, pero sa kasamaang-palad natabig ng ulo niya ang feeding bottles. Nanlaglag ang mga iyon.

Kapag nga naman talaga minamalas ka, oo! Ang saklap!

Nagkukumahog na pinulot niya ang mga iyon nang biglang may mga kamay na tumulong sa kanya. Bahagya pang nagulat si Sia nang maramdamang parang nakoryente siya nang magkadaiti ang mga kamay nila ng taong iyon.

"Salamat, Kuya..." aniya. Nahabag marahil ang salesman kaya tinulungan siya. Pero pinanlakihan siya ng mga mata nang makitang si Ruen iyon at hindi ang inaakala niya. "R-ruen!"

"Sia, ikaw pala 'yan?" Nginitian siya nito.

Nangilo ang lahat ng ngipin ni Sia sa lintik na ngiting iyon ni Ruen. Ngalingali niyang maihambalos dito ang hawak pero hindi niya itinuloy. Matigas ang bungo nito kaya paniguradong mawawasak iyon kapag inihampas niya, magbabayad pa siya.

Chasing Hearts 1: Yesterday's DreamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon