PANDALAS na si Sia sa pagpasok sa simbahan, late na siya sa binyag. Nag-uumpisa na ang misa nang dumating siya. Nahihiya na siyang magpunta sa unahan dahil tiyak na makakakuha siya ng atensiyon sa mga tao, naghohomiliya na ang pari. Kaya doon na lang siya sa likod pumuwesto, standing ovation na siya dahil puno na ang mga upuan.
Tinanghali ng gising si Sia dala ng pagkawili sa panaginip. Paano ba namang hindi niya gugustuhing manatili sa dreamland kung sa panaginip niya magkapiling sila ni Ruen. Iyon nga lang masyadong X-rated ang panaginip na iyon. Napaghahalata tuloy si Sia na may malaki pagnanasa sa binata. Pero hindi iyon ang tamang oras para balikan ang panaginip na iyon dahil nasa loob siya ng tahanan ng Panginoon. Nakakahiya naman! Nagmimisa pero makamundo ang itinatakbo ng isip niya. Delete! Delete!
Hindi nagtagal at natapos na sa paghohomiliya ang pari. Mayamaya ay tinawag na ang mga ninong at ninang sa harapan para sa seremonya ng binyag. Nagmamadaling pumaroon si Sia, pero parang itinatakwil siya ng simbahan dahil sa makamundong isiping baon niya noong pumasok siya roon dahil natalisod siya sa nakausbong na carpet. Mabuti na lang at may matatag na mga brasong umagapay sa kanya kaya hindi natuloy ang pagda-dive niya. Grabeng kahihiyan iyon kung nagkataon.
"Salamat..." Sinalubong siya ng pares ng singkit at nakangiting mga mata ni Ruen. Oo, ngumingiti ang mga mata nito. "R-ruen?"
Tinulungan siya nitong makatayo nang maayos, akay-akay pa siya papunta sa harap. Biglang naalala ni Sia noong nagkita sila nito sa mall at kapwa bumili ng panregalo sa baby. Kung ganoon ay isa rin pala ito sa mga ninong. Oh no!
Nilapitan niya si Analita.
"Bawal pag-usapan ang kahit na anong related sa trabaho. Bawal akong tawaging 'Cresia', maliwanag?"
Nakakunot ang noong nilingon siya nito. "Bakit naman?"
"Basta!"
Pasimple niyang nilapitan ang iba pa nilag co-writers para sabihan, pagkatapos bumalik siya sa tabi ni Ruen nang hindi nito namamalayan.
"Okay, picture-picture na tayo!" anunsiyo ni Brian, ang asawa ni Analita, nang matapos ang seremonya ng binyag.
Nagpakuha ng larawan si Sia habang buhat ang inaanak niya. Ibabalik na niya ang bata sa ina nito nang humirit ang bagong kumpare.
"Huwag ka munang umalis diyan, Sia. By pair naman para masaya." Hinila nito si Ruen at pinapuwesto sa tabi niya. "Ayan. Okay... say cheese!"
Nai-imagine na ni Sia ang ganoon noon, siya at si Ruen sa isang larawan kasama ang anak nila. Pero nang sandaling iyon nakaramdam siya ng kaunting pagkailang, masyado kasing malapit ang binata sa kanya at nakahawak pa ang isang kamay nito sa braso niya kaya nagmukha tuloy yakap-yakap siya nito. Alanganin tuloy ang naging ngiti ni Sia, pilit niyang kinakalma ang sarili. Ang bilis ng tibok ng puso niya!
Pagkatapos ng pictorial magkakasabay silang lumabas ni Ruen ng simbahan. Malapit lang naman doon ang bahay nina Analita kaya maaaring lakarin.
"How are you related to them?" tanong niya kay Ruen habang naglalakad sila.
"Empleyado ko si Brian. Ikaw?" Nilingon siya nito.
"A-ano... ahm, reader ako ni Analita, 'yon. Then naging close friends kami sa kaka-chat namin." She bit her lower lip.
"Ah..."
Nakahinga siya nang maluwag nang hindi na ito nag-usisa.
Dumistansiya si Sia sa mga co-writers pagdating sa bahay nina Analita, baka kasi makahalata si Ruen kung makikita nitong masyado siyang komportableng kausap at kasama ang mga iyon. Kaya habang nagkakagulo sa harap ng videoke ang mga kasama nila tahimik na lang na nangutib ng gelatin si Sia sa terrace.
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 1: Yesterday's Dream
RomanceSi Ruen ay bahagi ng kahapon ni Sia na kailanman ay hindi niya nagawang kalimutan. It was so hard to forget the man who gave her so much to remember. Kaya ang status niya: FOREVER LOVING RUEN, FOREVER WAITING FOR HIM TO LOVE HER. At makalipas ang il...