Chapter 1

8.7K 76 0
                                    

IBINAGSAK ni Pau ang sarili sa kama nang makarating na sa bahay. Nananakit ang batok niya dahil sa kakatrabaho sa maghapon. Nadoble ang trabahong ginagawa niya dahil sa pagre-resign ng isang kasamahan sa trabaho. Nagtatrabaho si Pau bilang isang encoder sa isang malaking kompanya. Mahigit isang taon na rin siyang nagtatrabaho roon. Kahit na minsan ay naiinis na hindi niya sinusukuan ang trabaho dahil ang katwiran niya, hindi siya makakapulot ng pera, ang lahat ng sarap sa buhay ay may kaakibat na hirap.

Pipikit na at lahat ang mga mata ni Pau nang biglang nag-ingay ang kanyang cellphone na hindi niya kaagad nagawang sagutin dahil kinuha pa niya iyon sa loob ng bag. Palibhasa pinagsasaksak na lang niya ang gamit kanina, hindi tuloy niya kaagad nakita ang cellphone.

"Hello, anak."

Mariing naglapat ang mga labi ni Pau nang marinig ang tinig na iyon ng kanyang ina sa kabilang linya. Naroon ito ngayon sa Cagayan dahil isinama ng kapatid niya, taga roon ang napangasawa ng kapatid niya at doon nakatira ang mga ito. Kahit na hindi sabihin ng kanyang ina alam na niya kung ano ang pakay nito. Atat na nag-asawa ang kapatid niya pero hindi pa naman pala financially ready, kaya naman siya ang napeperwisyo. Hindi siya makatanggi sa hinihingi ng kapatid niya dahil naroon ang kanyang ina sa poder nito.

"Po?" inaantok na tugon ni Pau.

"Baka naman p'wede mong i-advance 'yong allowance na ipapadala mo sa 'kin, anak? Kasi 'tong kapatid mo kailangan ng pera dahil nilalagnat ang pamangkin mo ilang araw na, patitingnan namin sa doktor."

"'Ma, alam n'yo naman na wala pa ang katupasan kaya ibig sabihin din no'n wala pang suweldo si ako. Hindi ko kayo mapapadalhan." Nagbuga siya ng hangin at bumangon. "'Tsaka siya 'tong magulang, di siya ang gumawa ng paraan para maipagamot ang anak niya. Kaunting kibot palagi na lang sa inyo nakaasa ang mga iyan, ah!"

"Pau, naman." Narinig niyang umubo ang ina. "Alam mo naman ang sitwasyon ng pamilya ng kapatid mo dito, ikaw 'tong mayroon kaya ano ba naman 'yong tulungan mo sila. Isa pa, magulang ako at anak ko iyon. Hindi ko naman kayang panoorin na lang sila, siyempre tutulong ako sa abot ng makakaya ko."

Umahon yata ang lahat ng dugo ni Pau sa ulo sa sinabing iyon ng ina.

"Aba, Mama, ano ba ang gusto n'yong palabasin? Hindi ba simula noong mag-asawa 'yang si Paulo wala na 'kong ginawa kundi ang magpadala diyan!" Hindi na siya nakapagpigil pa, tumaas na ang boses niya. "Ewan ko ba naman sa inyo kung bakit nagtitiyaga pa kayo diyan, samantalang p'wede naman kayong umuwi dito sa atin. Pinadalhan ko kayo ng pamasahe noon pero ano ang ginawa n'yo? Ibinigay n'yo lang sa magaling kong kapatid kesyo gagamitin sa mapagkakakitaan. Pagkatapos ano ang nangyari? Monkey business pala ang tinamaan ng magaling!"

Hindi niya gustong sermunan ang ina pero minsan kailangan din nitong malaman na hindi palaging ito ang tama.

"Kung tutuusin ginagawa lang naman kayong pang-black mail niyang si Paulo para magpadala ako ng pera d'yan. Narinig ko kayo, inuubo kayo pero hindi n'yo man lang naisip na magpatingin sa doktor at ilalaan n'yo pa sa iba ang perang ipapadala ko. Ni hindi nga yata kayo makabili kahit Solmux man lang gamot diyan sa ubo n'yo, eh!"

"Nanggagalaiti ka na naman, Pau." Mahinahon ang pagkakasabi nito. "Ikaw naman, hindi naman ibang tao ang anak ng kapatid mo at apo ko 'yon."

"Ah basta, papadalhan ko kayo pero huli na 'to. Sa susunod na padala ko pamasahe n'yo na 'yon pauwi. Uuwi na kayo dito sa akin! Kapag hindi pa rin kayo umuwi, kalimutan n'yo na ring anak n'yo ako!"

"Wala naman akong pinagkakalibangan diyan kaya ayokong umuwi, eh. Dito kahit paano naaaliw ako sa mga apo ko sa kapatid mo."

Parang biglang may kumalampag ng batingaw sa tapat ng tainga ni Pau. Alam na niya kung ano ang pupuntahan ng usapan nilang iyon ng ina. Panganay siya pero naunahan pa siyang mag-asawa ng nakakabatang kapatid. Kung hindi lang naman kasi nagkandaloko-loko ang love life...

Chasing Hearts 2: Double RainbowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon