Chapter 7

3K 48 0
                                    

AGANG-aga nang makatanggap ng text message si Pau mula sa kaibigang si Sia, nakikiusap ang dalaga na kung maaari ay samahan niya ito sa Sanctuario. Kinutuban na kaagad siya na may hindi magandang nangyari sa kaibigan partikular na sa puso nito dahil natatandaan niya pa noong huli silang magpunta roon. Without any hesitation, she head to the beach resort. To lend her ears and shoulders.

Pagdating doon hindi lang pala siya ang sinabihan ni Sia, dahil kompleto silang anim. Nag-iiyak kaagad ang dalaga nang makita sila. Hinapo pa ito na labis na ikinatakot nilang lahat dahil baka kung mapaano na ito. Nakahinga lang sila nang maluwag nang bumuti na ang kalagayan ng kaibigan. Nag-umpisa na rin itong magkuwento ng problema nito, at hindi siya nagkamali dahil ang dahilan nga ay may kinalaman sa puso. Muli, nasaktan na naman ito dahil kay Ruen. Hanga rin naman si Pau sa kaibigan dahil napakadakila nito kung magmahal. Kahit yata harangan ng sibat hindi ito susuko, pero nang mga sandaling iyon mukhang may balak na ring bumitaw ito. They comforted Sia, dahil alam ni Pau na iyon lang ang magagawa nila para dito. Iyon lang din naman talaga ang kailangan nito. Nang tuluyan na itong tumahan at mukhang nabuo nang muli ang nagkalasog-lasog na sarili nagpaalam ang kaibigan sa kanila na babalik sa clubhouse ng resort.

Pero hindi nagtagal ay naisipan nilang sundan si Sia, para bang lahat sila ay nagtaasan ang invisible antenna at may nasagap. And their instincts were right all along, dahil inabutan nila ang isang makabagbag-damdaming tagpo sa pagitan nina Ruen at Sia. Natatawang pumalakpak na lang siya nang sa wakas ay magkaayos na ang dalawa, nakigaya naman ang iba pa sa ginawa niya.

"At last, dream come true!" nakangiting sabi ni Mela sa mga ito.

"O, happy ever after na talaga 'yan, ha?" paniniguro pa ni Pau. "Nakakagutom love story n'yo magpakain ka naman, Sia!"

"Ay, tama!" pagsang-ayon ni Abby sa huling sinabi niya.

Tinawanan lang ni Sia ang mga sinabi nila.

"Busy siya," segunda ni Genel dito. "At mas magiging busy pa 'yan."

"Tama... kaya gumawa tayo ng sarili nating buhay. Mag-swimming tayo," yaya ni Pau sa mga ito. "Ngayong maayos na ang dalawang 'yan, 'wag na nating sayangin pa ang pagkakataon na mag-enjoy!"

"Sa beach ba tayo o sa pool?" tanong naman ni Abby.

"Sa pool na lang tayo para hindi pa masyadong matao," suhestiyon naman ni Mela.

And so, they headed to the pool area.

PERO ang pag-e-enjoy na sinasabi ni Pau ay hindi naman niya nagawa dahil may bumabagabag sa dibdib niya. At mukhang napaka-vulnerable niya sa bagay na iyon dahil may nakapansin sa kanya. Mayamaya ay lumapit sa kanya si Abby, tinabihan siya.

"Nagyaya kang mag-swimming pero heto ka lang naman sa tagiliran, nakalubog at hindi naglalangoy." Nilingon niya ang kaibigan. "Pau, 'yong totoo..."

Nagbuga siya ng hangin, at mukhang napalakas iyon dahil nagsipaglingunan sa kanya ang mga kasama nila sa pool. Isa-isa namang naglapitan sa kanya ang mga kaibigan.

"Mukhang may session number two ang heart to heart talk, ah." Humilera rin si Genel sa kanila ni Abby.

Hanggang sa lima na silang magkakahilera sa bahaging iyon, mga nakasandig sa dingding ng pool at nakatingala sa langit. Lima lang sila ngayon dahil si Sia naroon na kapiling ang lalaking minamahal at tinatamasa ang tunay na ligaya.

"Baka may problema ka rin, Pau, sabihin mo na sa amin at baka may maitulong kami..." Naramdaman niya ang paghawak ni Mela sa kamay niyang nasa ilalim ng tubig, lumingon siya sa kanyang kanan, sinalubong siya ng nakangiti nitong mukha na mayroong kasamang pag-unawa. Sa kanilang lahat, ito talaga ang masasabi niyang puwedeng patungan ng halo sa ulo.

Chasing Hearts 2: Double RainbowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon