PAGDATING ni Pau sa bahay ng kaibigang si Abby, antimano ay sumalampak na siya sa sofa na ang pose ay parang si Cleopatra. Feel at home na siya roon dahil ang kaibigan lang naman niya ang mag-isang nakatira roon. Ni hindi na nga siya nag-doorbell at diretso na kaagad sa loob ng kabahayan dahil nakabukangkang naman ang pinto. Iyon lang ang kagandahan sa mga lugar na wala sa Kamaynilaan, kahit iwan mong nakabukas ang pinto walang dapat ipangamba na bigla ka na lang papasukin ng masasamang loob. Mas nakabubuti rin na ang mga nakatira sa paligid ay mga kamag-anak basta huwag lang masama ang ugali.
Nang lumabas ng silid si Abby ay hindi man lang ito nagulat na naroon na siya sa loob ng bahay nito. "Hi," nakangiting bati sa kanya ng dalaga at nagtungo sa kusina.
"Nasaan na sila?" malakas na tanong ni Pau, tinatamad siyang tumayo para sundan ito.
"Ang sabi ni Mela sa akin malapit na sila. Si Genel paalis pa lang daw sa bahay," pasigaw ding tugon nito.
"Eh, si Sia pupunta ba?" Napatingin siya sa kisame nang makakita ng dalawang butiking naghahabulan.
"Oo, kasabay siya ni Mela. Kompleto tayo ngayon."
Nakrinig si Pau ng tunog ng pumuputok na popcorn sa kawali, nang humalimuyak ang amoy niyon ay kaagad siyang tumayo at sumunod na sa kusina. Dumakot kaagad siya ng popcorn nang makitang may laman na ang bowl. Tinampal naman ni Abby ang kamay niya nang makita siyang nanginginain na.
"Aray naman!" reklamo niya.
"Para mamaya 'to kapag nag-movie marathon na tayo, hindi ka makapaghintay."
"Para kaunti lang, eh, ang damot mo naman!"
Tinitigan siya sandali nito na may kunot sa noo at pagkatapos ay tumawa. "Alam mo, may bago sa 'yo ngayon."
Hindi naiwasan ni Pau na tumaas ang isang kilay dahil sa sinabi nito. "At ano naman 'yon?"
"Noong kasing nagkita tayo sa mall iba ang aura ng mukha mo, alive na alive ang aura mo ngayon. Hindi ko lang siguro masyadong napansin 'yan kahapon dahil ipinagtabuyan mo kaagad ako."
Nagbuga ng hangin si Pau. "Aburido kasi ako noong mga panahong 'yon. Ikaw na ang mawalan ng trabaho pagkatapos ay pataihin ka pa ng pera, ewan ko na lang. At correction, hindi kita ipinagtabuyan dahil ikaw ang kusang nagpaalam. 'Wag kang ano diyan."
Kumurba ang isang nakakalokong ngiti sa mga labi ni Abby, at hindi niya gusto ang ngiting iyon dahil alam na alam na niya kung ano ang kasunod—iintrigahin siya nito.
"Aminin mo na kasi, Pau. Para namang hindi ko alam, kaibigan mo 'ko at kilala kita. May something between you and that guy boarder, ho-ho-ho!" tudyo nito na ikinainit kaagad ng kanyang mga pisngi.
Hindi inaaasahan ni Pau na ganoon ang magiging reaksiyon niya sa panunukso ng kaibigan sa kanilang dalawa ni Wilmer.
"Hoy!" Awtomatikong nag-landing ang palad niya sa braso nito. "Biruin mo pa ako nang lalo akong matuluyan!"
Nanlaki ang mga mata nito at tumili. "Hindi nga? Hala, hala, hala!"
Ipinagpag niya ang mga kamay at sumandig sa lababo.
"Alam mo sa totoo lang 'di ko inaasahan 'tong pakiramdam na 'to..." Bumuntong-hininga si Pau. "Siguro nga kung 'di mo 'ko biniro kay Wilmer hindi ko mapagtatanto ang nararamdaman kong 'to, eh."
"Talaga? So... Wilmer pala ang pangalan, ha." Hinango ni Abby ang laman ng kawali at naglagay ng panibagong mga butil. "Eh, ano mahal mo na?"
"Ano?" eksaheradang tanong niya. "Mahal na agad-agad? Ni hindi pa nga kami masyadong magkakilala at wala pang masyadong namamagitan sa aming dalawa—what?" Sa hitsura ni Abby mukhang sa ibang dimensiyon tumatakbo ang isip nito, nag-aakusa ang tingin nito at ilang segundo rin ang lumipas bago napagtanto ni Pau kung bakit ito ganoon. "I'm not talking about sex here!"
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 2: Double Rainbow
RomanceLife is ironic, isn't it? Kung kailan feeling mo hindi ka na magmamahal uli, saka naman darating ang taong totoong nagmamahal sa 'yo. Kapag natutunan mo nang mahalin ang taong iyon, saka naman gagawa ng paraan ang tadhana para guluhin kayo. Will Pau...