MALAKI ang pagkabuwiset ni Pau sa binata dahil sa pinaggagagawa nito sa buhay at nadagdagan pa iyon nang makita niyang namumungay ang mga mata nito sa labis na kalasingan.
"'Di ba nasa house rules ko na bawal ang inuman dito?!" Wala siyang magawa kundi ang sigawan ito. Gustuhin man niyang manapok, hindi niya magawa. Simula nang dumating si Wilmer sa bahay niya maraming bagay na ang hindi niya magawa, isa na roon ang pagpipigil—hindi na niya magawang pigilan ang sarili na mahulog dito.
"Hindi naman ako nagdala ng kainuman, don't worry..." Napakislot siya nang umangat ang kamay nito at pinisil ang baba niya. Para bang nakuryente siya sa ginawa nito, at sa kasamang-palad naiwan yata ang kuryente sa kanyang puso. "Walang magiging gulo."
"Walang gulo?" palatak niya. "Ano ang tawag mo sa pagkakandado ng pinto? Gulo ang tawag doon dahil kinailangan ko pang umuwi nang wala sa oras para lang kalampagin ka rito! Kung bakit ba naman kasi ayaw mong magpapasok?"
Tumuloy na si Pau sa loob ng bahay at pabagsak na naupo sa sofa. Gustong niyang sumigaw nang makita ang kalat sa sala—mga balat ng junk foods at mga bote ng alak. Ngayon lang naging ganoon karumi ang bahay niya.
"Ano 'tong ginawa mo sa bahay ko? Napakakalat!" nanlalaki ang mga matang binalingan niya ang binata na hindi pa rin umaalis sa pagkakasandal sa hamba. At ang tinamaan ng kulog ay nginitian lang siya.
"Nag-happy-happy lang ako." May nalalaman pang pagkiling ng ulo ang binata. Okay, lalo itong nagiging kaakit-akit kapag ganoon at naging dahilan iyon ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Hahapuin pa yata siya ng wala sa oras!Diyos ko, Lord, sagipin po N'yo ako!
"Happy mo ang mukha mo!" Dumampot siya ng isang bote at akmang ibabato rito, pero siyempre ay hindi niya tototohanin iyon, acting lang. Mas kapani-paniwala kasi kung may props. "Siguraduhin mo lang na bukas ng umaga hindi ko na aabutan ang mga kalat na 'to paggising ko, dahil kung hindi ay talagang mapo-force evict ka rito!"
Humakbang ang binata, lalapit sana sa kanya ngunit hindi na natuloy dahil bigla na lang itong bumulagta sa sahig.
"Wilmer!" malakas na sigaw niya at kaagad itong dinaluhan.
"Aray!" anas nito habang nananatiling nakahilata sa sahig.
"Nakita mo na, tumimbuwang ka na sa kalasingan mo!" Sinipa ni Pau ang braso nito ngunit mahina lang. "Bangon diyan, dalian mo!"
Ngunit hindi naiingli ang binata. Naiiling na napabuga na lang siya ng hangin, balak niyang hayaan na lang ito roon hanggang sa magkamalay para matuto ng leksiyon subalit nang marinig niya ang pag-ungol nito kasunod ang pagnguyngoy may hindi nakikitang kamay ang humaplos sa puso niya. Mayamaya pa ay narinig na niya ang mahinang paghilik nito.
May mabigat ba itong pinagdaraanan kaya ito naglasing?
Naupo siya sa tabi nito, tinapik-tapik sa pisngi ang binata upang gisingin. "Wilmer... hoy!"
Ngunit nakailang tapik na siya ay hindi pa rin nagigising ang binata. Tumayo siya at umakyat sa itaas para sana humingi ng tulong sa mga kasama nila ngunit naunahan siya ng hiya nang makitang tutok na tutok ang dalawa sa pag-aaral. Bumalik na lang si Pau sa ibaba at pumasok sa kuwarto niya para kumuha ng panlatag. Inilatag niya iyon sa sahig sa sala at nagsumikap na maitulak ang katawan ni Wilmer papunta roon.
Pagkatapos ng ilang beses na paghugot ng malalim na hininga at labis na pagod nagtagumpay siyang maitulak ang binata sa latag. Hihinga-hinga siya nang maupo sa sofa habang nakatanghod sa natutulog na binata. Hindi na napigilan pa ni Pau ang sariling pagmasdan ang guwapong mukha nito at sauluhin ang bawat detalye noon. Sinasaulo niya ang hitsura ng mukha ni Wilmer dahil natatakot siyang baka isang araw ay magising na lang siyang wala na iyon, natatakot si Pau na baka ang lahat ay isa lang panaginip.
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 2: Double Rainbow
RomanceLife is ironic, isn't it? Kung kailan feeling mo hindi ka na magmamahal uli, saka naman darating ang taong totoong nagmamahal sa 'yo. Kapag natutunan mo nang mahalin ang taong iyon, saka naman gagawa ng paraan ang tadhana para guluhin kayo. Will Pau...