GINABI na sa pag-uwi si Pau dahil nag-enjoy silang magkakaibigan sa mini reunion nila. Nakakatuwang malaman na makalipas ang ilang taong pagsusunog ng kilay ay successful na ang mga ito sa kanya-kanyang career. Ang nakakapanlumong parte lang ay ang sa kanya dahil kasalukuyan siyang walang trabaho. Iniisip na lang niya na baka gumawa na ng sariling paraan ang tadhana para makapag-break siya sa stress ng buhay, ang hindi alam ng tadhana mas stressful ang buhay kapag walang trabaho. Saan siya kukuha ng ikabubuhay? May naipon naman siya sa bangko pero alam niyang hindi sasapat iyon kung mahabang panahon siyang hindi kikita ng pera. Kung gagamitin naman niya ang perang naipon para ipagsimula ng business, natatakot naman siya. Paano kung malugi ang business at hindi pa niya nababawi ang perang ipinuhunan?
Sa kaiisip niya nakalampas tuloy ang tricycle na sinasakyan sa tapat ng kanyang bahay.
Hinawakan niya ang braso ng driver, nagulat yata sa ginawa niya kaya biglang nagpreno. Mabuti na lang nakakapit siya, kung hindi naumpog na ang ulo niya. Basag ang bungo niya kung nagkataon.
"Bababa na 'ko, Manong." Dumukot siya ng baryang sampung pipisuhin sa bulsa ng bag niya. "Bayad po."
Muntik pang magsungaba si Pau pagbaba dahil nahalabid ang paa niya sa pising nakakabit sa tricycle. Sa isip niya, isinumpa niya ang pisi na iyon. Paano na lang kung natuluyan siya at napinsala ang mukha niya? Malaking pera ang magagastos. Saang kamay siya ng Diyos kukuha ng panggastos? Naiiling na binuksan ni Pau ang kandado ng gate. Kung ano-ano na ang pumapasok sa isip niya.
Ilang pulgada na lang ang layo niya sa pinto nang biglang matigilan siya. Isang ideya ang pumasok sa isip ni Pau at ngayon ay may katuturan na ang ideyang iyon. May tatlo pang bakanteng silid ang bahay, nabakante noong mag-asawa ang kapatid niya at noong sa mga ito na tumira ang mama niya. Ang isang kuwarto naman ay sadyang bakante para sa mga dumarating na bisita. Oras na para muling mapakinabangan ang silid na iyon, mapakinabangan na mag-aakyat ng pera sa kaban ni Pau.
Nasa city siya, marami ang naghahanap ng murang mauupahan. Papatok ang bed space sa mga estudyante at kahit sa mga nagtatrabaho.
Malapad ang ngiti niya nang pumasok sa loob ng bahay.
MAY ISANG oras na ring naglalakad si Wilmer, naghahanap ng maaaring tuluyan. Kung saan-saang paupahan na siya itinuro ng mga napagtatanungan niya pero wala pa rin siyang nakukuha. May kamahalan kasi ang mga apartment doon. Paano ay may kalakihan ang mga iyon, kakasya ang isang pamilyang may hanggang tatlong anak. Mag-isa lang naman siya. May mga boarding house na mas mura ang renta, iyon nga lang ay pang-female boarders. Malapit na sana siyang sumuko nang mabasa niya ang isang karatulang may nakasulat na mga katagang "ROOM 4 RENT" na nakasabit sa gate ng bahay na nadaanan niya. Kaagad na pinindot ni Wilmer ang doorbell.
Makalipas ang ilang sandali ay bumukas ang gate at bumungad sa kanya ang isang babae, nakasuot ito ng maluwang na pang-itaas na animo ay may pakpak ito at nakahanda nang lumipad, maikling shorts na nagbabandera ng makikinis nitong hita at binti. Magulo ang pagkakapusod ng mahaba nitong buhok at may ilang hibla pang nakalaglag. Bilugan ang katawan nito pero hindi maikakailang nasa tamang lugar ang mga curves, hindi lang iyon ang napansin ni Wilmer, maganda at maamo rin ang mukha nito. Bumagay ang mahahabang pilik-mata ng babae sa hugis ng mga mata nito. At ang mga labi nito, tila ba nang-aakit para sa isang matamis na halik.
"Ano 'yon?" Ang tinig ng babae ang nagpabalik sa naglalagalag na diwa ni Wilmer.
Itinuro niya ang karatulang nakasabit sa gate. "May bakanteng kuwarto pa ba?"
Kumunot ang noo ng babae. "Malamang meron pa, hindi ko naman siguro ibabandera 'yan diyan sa gate kung wala ng bakanteng kuwarto sa loob, 'di ba?"
Okay... May katarayan ito. Imposibleng nasa menopausal stage dahil sa tantiya niya hindi nagkakalayo ang mga edad nila ng babae.O kaya naman baka may buwanang dalaw ito ngayon. Napabuntong-hininga na lang si Wilmer. Girls...
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 2: Double Rainbow
RomanceLife is ironic, isn't it? Kung kailan feeling mo hindi ka na magmamahal uli, saka naman darating ang taong totoong nagmamahal sa 'yo. Kapag natutunan mo nang mahalin ang taong iyon, saka naman gagawa ng paraan ang tadhana para guluhin kayo. Will Pau...