Chapter 4

3.4K 46 0
                                    

MAAGANG gumising si Pau nang umagang iyon dahil marami siyang labahin, halos dalawang linggong marumi ang dapat niyang itumba. Noong mga nagdaang araw kasi ay nagging abala siya sa paghahanap ng trabaho, at parang gusto na niyang sumuko dahil hanggang sa ngayon tila ba napakailap pa rin ng trabaho sa kanya. Mabuti na nga lang at matino kung magbayad ang mga nakuha niyang boarders, kahit paano ay may naipapadala siyang pera sa ina at pamangking may sakit para sa pang-maintenance ng gamot nito. Nagdedelikado na ang ipon ni Pau, kailangan na talaga niyang makahanap ng trabaho.

Paglabas ng dalaga ng silid ay kaagad siyang nagtuloy sa kusina upang magtimpla ng kape para sa kanyang agahan. Nagkakasya na lang siya sa isang mug ng mainit na kape tuwing almusal para makatipid siya. Pero nagulat na lang si Pau nang pagdating niya sa kusina ay may nakahaing sinangag, pritong itlog, bacon strips, hotdog at toasted bread sa ibabaw ng mesa. Pumihit siya at inakyat ang mga boarder niya ngunit hindi niya inabutan ang mga ito sa kanya-kanyang silid. Puno ng pagtataka, bumalik siya sa kusina. Nilampasan niya ang mesa at nagtuloy sa pagtitimpla ng kape. Isinasalin na niya ang mainit na tubig sa mug nang biglang marinig niya ang paghugong ng washing machine na nagmumula sa likod ng bahay kung saan naroon ang laundry area. Mabilis na kumunot ang noo niya. Sino kaya sa mga boarders niya ang naglalaba? Ngayon lang yata siya nagkaroon ng kasama sa araw gayong weekday, araw ng pasok sa eskuwela at trabaho. Dali-daling hinalo niya ang kape, dala ang mug nagtungo si Pau sa laundry area.

Ang hindi inaasahan ni Pau ay ang tanawing babati sa kanya. Iyon na yata ang pinakamagandang sculpture na kanyang nakita sa buong buhay niya! At gusto niyang mag-freak out nang pumaling ito sa kanya paharap, tumambad tuloy sa kanya ang halos perpektong hubog ng katawan nito. Broad shoulders, firm biceps, wash board stomach and a handsome face.Ganoon na nga kaganda ang katawan nito nginitian pa siya, iyong ngiti na kasing liwanag ng araw na sumisikat pagkatapos ng isang malakas na bagyo. Daig pa tuloy ng sistema niya ang nasalanta ng bagyo. Oh my gulay! Parang nag-e-evaporate ang feeling ni Pau dahil sa mapang-akit na ngiting kumurba sa mga labi ni Wilmer! Naramdaman niyang nanginig nang bahagya ang kanyang kamay nang gumalaw ang kape sa loob ng hawak niyang mug. Wala sa sariling nainom niya iyon na pumaso sa kanyang dila.

"Ouch!" daing niya. Sa pagpapantasya niya sa guwapo at nagliliwanag yatang nilalang sa harapan niya ay nalimutan na niyang mainit pa ang kape!

"Hey," anang binata na hindi na niya namalayang nakahakbang na pala palapit sa kanya.

"A-ano?" aniya, disoriented kaya biglang napaurong.

Tumama ang sakong niya sa step sa tapat ng pinto ng kusina, dahil sa pagkabigla nawalan siya ng balanse. Kung hindi lang naging mabilis ang kilos ni Wilmer baka bumagsak na ang pang-upo niya sa simentadong sahig. Parang tinatambol ang dibdib niya sa pagkakalapit nilang iyon, halos nasasamyo na nga niya ang bango ng hininga ng binata. Ibig niyang mapapikit kung hindi lang niya naalala ang mug na ngayon ay nagkapira-piraso na, pinalad siyang masalo ng binata pero minalas ang mug niya. Inalalayan siya ng binata hanggang sa nabawi na niya ang sariling balanse.

"Okay ka lang ba, ha?" Bakas sa tinig ni Wilmer ang pag-aalala sa kabila ng pagkakakunot ng noo nito.

"O-oo naman, ganito lang talaga ako minsan kapag bagong gising at hindi pa nalalamnan ang sikmura. Medyo lutang." Napatingin siya sa paa ng binata at nanlaki ang mga mata nang makitang dumudugo iyon. "Shit, ang paa mo!"

Nagbaba ng tingin ang binata sa sariling paa. "Dumudugo, siguro nata—"

"Halika, dadalhin kita sa ospital!" Mabilis na hinila niya ito papasok sa loob ng bahay.

"Ospital? Nah, hindi na kailangan. Daplis lang naman 'to, kaya nang gamutin dito sa bahay."

"Daplis? Eh, paano kung kampanteng-kampante ka may habilin pala?" Hindi pa rin niya pinakawalan ang kamay nito.

Chasing Hearts 2: Double RainbowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon