Chapter 8

2.9K 44 0
                                    

PARANG gusto nang isipin ni Pau na hinahadlangan siya ng tadhana sa pagtatapat niya ng nararamdaman kay Wilmer, dahil kung kailan naman siya nagmamadali ay saka naman nagkaroon ng mga aberya. Una, hindi kaagad siya nakaalis ng beach resort dahil walang bangka ang pumapalaot dahil sa malakas na alon. Napilitan tuloy siyang bumalik sa Sanctuario para palipasin ang malakas na alon. Mabuti na lang at pinalalakas ng mga kaibigan ang loob niya. Nang makarating naman siya sa kalupaan na-flat-an ng gulong ang sinasakyan niyang jeep. Nakakapaiyak na nakakatakot ang mga nangyayari kay Pau pero hindi niya tinanggap ang mga iyon bilang pangitain, bagkos ay kinonsidera niyang pagsubok ang mga iyon. Marahil sinusubok ang kanyang hangganan at ang determinasyon niya. Sorry na lang ang tadhanang kontrabida sa love life ng mga nilalang sa planetang Earth dahil ngayon na nagkaroon na siya ng enlightenment ay wala ng kahit na ano pa ang makakapigil sa kanya. Kanina habang nakasakay siya ng bangka may napagtanto siyang isang mahalagang bagay. Bahagi talaga ng pagmamahal ang masaktan, kung hindi ka masasaktan at kung hindi ka magkakaroon ng failure hindi ka matututo.

Excited pa siya nang dumating sa bahay. Sarado ang kabahayan kaya mukhang hindi pa dumarating ang mga boarders niya. Tumuloy na si Pau sa pagpasok, mayamaya lang darating na galling sa school ang dalawang estudyante at kapag sumapit na ang dilim ay si Wilmer naman ang darating. Nagtungo siya sa likod-bahay para isampay ang mga basa niyang damit, hindi pa siya nagtatagal doon nang marinig ang pagtunog ng doorbell. May pagtataka man, muling pumasok sa loob ng bahay si Pau upang pagbuksan ang dumating.

Nang bumukas ang pinto isang babaeng may kasamang bata ang bumungad sa kanya, buhat nito ang bata. Tumingin siya sa mukha ng babae, maganda ito at balingkinitan pero mapapansin sa hilatsa ng mukha nito na may dinadala itong problema dahil mukha itong pinagsakluban ng langit at lupa. Sanay na siyang may dumarating doon na nanghihingi ng tulong o kaunting donasyon. Pero minsan hindi siya mapagpatol sa ganoon lalo na at nababalita ngayon sa telebisyon at radyo na ginagawa na rin iyong modus ng mga masasamang loob para magnakaw. Plano na sana ni Pau na tanggihan ito at pagsarhan ng pinto nang bigla itong magsalita.

"Miss, nandiyan po ba si Wilmer?"

Nanlaki yata ang tainga niya ng mga sampung ulit dahil sa narinig na pangalang binanggit ng babae, at pino-"po" siya nito gayung mukha namang hindi nagkakalayo ang kanilang mga edad. Baka nga mas matanda pa ito sa kanya ng mga tatlong taon sa tantiya niya.

"Wala siya dito."

"Please, 'wag mo na siyang itago sa amin, Miss. Alam kong dito siya nakatira dahil may kakilala kaming nakakita sa kanya na dito umuuwi."

Sa tono ng pananalita ng babae lalong kinutuban si Pau. Sinuri niya ang mukha ng batang dala nito at para siyang binayo ng martilyo sa dibdib nang makitaan niya ng pagkakahawig si Wilmer at ang bata. Diyos ko, Lord, nangangalunya po ba 'ko? Kung asawa ito ni Wilmer at anak nito ang bata ibig sabihin lang niyon ay ilusyon lang ang kanyang forever. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon unti-unti siyang pinapanawan ng lakas.

"H-hindi ko siya itinatago," wika ni Pau, may diin ang mga salita. Hindi niya alam kung para saan ang galit niya. Dito ba? Kay Wilmer dahil inilihim nito sa kanya ang tungkol sa mag-ina nito? O sa kanya dahil nahulog ang loob niya sa lalaking pamilyado na? In the first place, wala naman siyang alam. Dapat inalam mo! sumbat ng isip sa kanya. "Ano kasi... nasa trabaho pa siya ng ganitong oras."

"Hihintayin ko na lang si Wilmer hanggang sa makauwi siya," anang babae. Tumalikod ito na labis niyang ipinagtaka.

"Sandali, Miss!" Hinabol niya ito, bumaling ang babae sa kanya nang hawakan niya ito sa balikat. "A-akala ko ba hihintayin mo si Wilmer, bakit aalis ka na?"

"Doon na lang kami maghihintay, may waiting shed akong nakita malapit dito."

"No, doon na kayo maghintay sa pagdating niya sa loob ng bahay." Papagabi na at malamig na ang klima dahil papalapit na ang pasko, may kasama pa itong bata at baka makasagap pa ng sipon at ubo. Kahit hindi gusto ni Pau ang biglang pagsulpot ng mag-ina sa bahay niya hindi naman siya masamang tao para hayaan ang mag-inang maghintay kay Wilmer sa labas.

Chasing Hearts 2: Double RainbowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon