Chapter 3

3.6K 46 0
                                    

PABAGSAK na naupo siya nang makarating sa bahay. Ipinikit ni Pau ang kanyang mga mata at pinisil ang pagitan ng mga iyon, sumasakit talaga ang ulo niya. Naiinis siya sa hipag niya dahil nagpadala na nga siya at lahat ng perang kailangan ng mga ito ay nagrereklamo pa. Napapitlag siya nang maramdamang may humawak sa balikat niya, handa na sana niyang sapukin ang mukha niyon kung hindi lang niya naalalang may kasama na nga pala siya sa bahay—ang boarder niyang si Wilmer. Hinawakan niya ang kamay nitong nakahawak sa balikat niya at dahan-dahan iyong inalis. Hindi niya gusto ang pakiramdam na ibinibigay ng kamay na iyon sa kanya—mainit na nakakapagpakalma ngunit may kasamang nakakakiliting boltahe ng kuryente.Parang magta-transform anomang oras ang katawan niya sa isang kitikiti at magkikikisay.

Nanatili itong nakatayo sa likuran niya, hindi umaalis.

"Kanina pa kitang hinahanap pero hindi kita matagpuan dito sa bahay. Saan ka ba nanggaling, ha?"

Napabaling siya kay Wilmer sa naging tanong nito. Alam niyang hinahanap lang siya ng binata dahil baka may kailangan ito, kaya lang kahit pagbali-baliktarin, ang dating kay Pau ay para itong asawa na nag-uusisa sa mga ginagawa niya sa buhay.Subalit imbes na mainis sa iniaakto nito, nagustuhan pa iyon ni Pau.

"Galing ako sa bayan, may inasikaso lang. Ikaw, natuloy ka ba sa pag-alis mo?"

"Oo." Naupo ito sa armrest ng sofa. Dahil malapit pa rin ito sa kanya hindi pa rin maganda iyon. Siguro habang boarder niya ito kailangan din niyang magkaroon ng sapat na distansiya sa binata. "Okay ka lang ba? Sa hitsura mo kasi mukha kang hindi maayos, eh."

Bumuka ang bibig ni Pau sa labis na gulat. Si Wilmer ay isang estrangherong nagbo-board sa bahay niya, sa pangalan lang niya ito kilala. Pero hayun ito at nagpapakita ng simpatya, tinatanong kung maayos ba siya. Bumuntong-hininga si Pau. "Halata namang hindi maayos, 'di ba? Walang sense kung sasabihin ko pang okay ako."

Isinandal niya ang likod sa backrest at itinaas ang namimintig na mga paa sa center table.

"Come on, tell me." Tumaas ang kilay niya. "Look, alam kong hindi natin gano'n kakilala ang isa't isa. Pero alam mo, minsan mas nakakatulong 'yong naglalabas ka ng saloobin mo sa mga hindi mo kakilala."

"Gano'n? Sa palagay ko kasi mas magandang magsabi ng mga saloobin sa mga taong matagal ng kakilala at kaibigan."

"Don't get me wrong, sa tingin ko kasi kapag sa mga taong 'yon ka paulit-ulit na nagsabi ang magiging siste makikinig nga sila sa 'yo pero ang ending hindi ka rin nila mabibigyan ng magandang payo dahil ang kataas-taasang sasabihin nila sa 'yo ay 'nasa iyo naman palagi ang desisyon dahil buhay mo naman 'yan'." Nagkibit ng balikat si Wilmer. "Come on, Pau. Malay natin may mapulot kang aral sa 'kin."

Ngumiti ito, iyong ngiting nakakapagpagaan ng loob. Dahil din doon ay para bang nahipnotismo siya ng binata at napakuwento na nga siya rito.

"I... ahm... I was just pissed off." Nagbuga si Pau ng hangin. "Bakit kasi may mga taong tinulungan mo na nga pero hindi pa rin makuhang magpasalamat, bagkos magrereklamo pa? Iyong hipag ko na akala mo ang galing wala namang magawa, matapos kong padalhan ng pera para sa pagpapaospital ng anak niya tumawag sa 'kin kanina lang. Natanggap na niya ang pera, kasabi-sabi pa kulang daw 'yong pinadala ko at 'wag na raw akong magkuripot," pagsasalaysay niya kay Wilmer.

Nag-form ng letter 'o' ang bibig nito pagkatapos ay humalukipkip.

"May tawag sa mga gano'ng klase ng tao at nasisiguro ko namang alam mo na 'yon." Humagalpak siya ng tawa kaya napatawa rin ito. "Ang sarap naman ng tawa mong 'yon."

Nakaramdam si Pau ng pag-iinit ng mga pisngi kaya nag-iwas siya ng tingin sa binata. Nasarapan o nagandahan si Wilmer sa tawa niyang iyon. Talaga lang, ha? Para nga siyang retarded kung makatawa at pagpalakpak na lang ang kulang.Ngayon lang may lalaking natuwa sa paraan ng pagtawa ni Pau kaya hindi niya naiwasan ang mailang nang kaunti.

Chasing Hearts 2: Double RainbowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon