00: Wakas Sa Umpisa; Umpisa Sa Wakas

27 4 1
                                    


                 Alas-cinco ng hapon. Tahimik akong naka-upo sa opisina kaharap ang sandamakmak na trabahong kailangan kong tapusin. Ngunit ang aking utak, nasa iyo; nasa hawak kong telepono habang binabasa ang mga salitang binitawan mo upang wasakin ako. O wakasin tayo.

Nakakatawang kung paano tayo buohin ng pag-ibig ay s'ya ring pagsira nito sa atin. Kung paano tayo nito nahanap ay s'ya ring pagligaw nito sa kung sino nga ba talaga tayo noon. Kapag nagmahal ka, dahan-dahan kang magbabago, mapabuti man o mapasama, hanggang sa hindi mo na pala kilala ang iyong sarili. May mga multo. May mga boses. Bawat bagay na gagawin mo ay magpapaalala sa'yo na hindi na ikaw ito. Iba ka na. Iba ka na pala.

Sa loob ko'y nakatayo ang isang napakalaking pintuan; matataas na pader na aking binuo sa loob ng napakahabang panahon upang ilayo ako sa delubyong dulot ng pagtitiwala sa maling tao. Dito kita pinapasok at pinakilala sa mga naninirahan sa loob. Dahil sa likod ng mga pader ay ang tahanan ng labing pitong magkakaibang bersyon ng aking sarili. Minahal ka nila. Tinanggap. At kahit nga na ngayong wala ka na ay ikaw pa rin ang kanilang hinahanap. Nag-uusap-usap pa rin sila.

Iiyak ba ako?

H'wag! Magmumukha kang mahina!

Pero masakit!

Guys, nagugutom ako.

Epal ka?

Bitch, can you stop talking like ano ba?!

Ngunit natahimik ang lahat nang bumukas ang malaking pintuan. Habang winawasak mo ang puso ko'y gumuguho ang mga pader. Humahangin nang malakas. Lumilindol sa loob. Nagtakbuhan paalis ang labing pito kong pagkatao. Maski ako ay tumakbo palabas ng opisina at habang nakaupo sa labas, kaharap ang madilim na salamin ay tinititigan ko ang aking sarili. Wala akong maramdaman. Nakabibingi ang katahimikan. Narito pa ako ngunit alam kong wala na ang aking mga katauhan sa loob. Ako ito ngunit hindi na ako ito. Narito pa ako ngunit wala na ako rito.

At sa mga panahong wawasakin ka ng pag-ibig at iiwan ng mga taong minsan mong pinatuloy, sarili ang pinaka-una mong makakapitan. Gabay ang iba pang kapangyarihan sa mundo, sarili ang iyong maaasahan. Hanapin mo ito. Hanapin mo sila.

Hindi ito Card Captor Sakura at ang pag-ipon sa mga Clow Cards. Hindi ito Inuyasha at pagbuo sa banal na hiyas. Ito ang aking kuwento. Ako at ang paghahanap sa mga bersyon ng aking sarili na nalimot nang makilala kita.

At magsisimula ako sa Baguio.

AT IBA PATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon