14: Mitochondria (Bacolod City)

4 0 0
                                    


Bumagsak ako kaagad sa kama pagkauwing pagkauwi dala ng sobrang kapaguran. Ganu'n din ang lima kong mga kasamahan na hindi pinaglagpas ang mga kaganapan sa pinagdiriwang na pista. Unti-unti na naming nararamdaman ang pagod na dala, hindi lang ng maghapong ito, maski na rin noong mga nakalipas na araw na inilagi namin dito sa Western Visayas. Ngunit iba ang pagod ko. Nakakapagod pala 'yung ganito? Ang maghanap ng sarili sa mga lugar na hindi mo pa napupuntahan noon. Nahanap ko na ang labing-tatlo. Apat na lang ang makukumpleto na akong muli. Mag-iisang taon na simula nang mawasak ako at ngayon nga ay mabubuo na. Pero kaya ko pa ba? Kailangan ko ba talaga itong gawin? Hindi ba ako p'wedeng makumpleto kahit labing-tatlo lang ang pagkataong nasa loob ko? Tiningnan ko ang mga kasamahan kong nakahiga rin sa kama. Bawat isa sa amin ay may kanya-kanyang klase ng pagod na nararamdaman. Hindi lang dahil sa paglalakbay na ito; kundi sa hiwa-hiwalay naming paglalakbay sa sariling mga buhay. Pero nandito pa rin sila; nagpapatuloy. Magpapahinga kapag napapagod. Magtatanong kapag naliligaw. Pero hindi sumusuko. Hindi umuurong.

Magmula nang mahuli ko si Lei ay nakapagtatakang mas nagagamay ko na ang mga ugaling pinaiiral ko sa bawat sitwasyon. Iniisip ko noon na isa si Lei sa mga katauhan kong dapat ko nang alisin ngunit nagbago ito nang mas makilala ko s'yang mabuti. Payapa ito at tahimik (siguro'y dahil wala s'yang bibig?) At nagbabago lamang ng anyo tuwing may kinakailangan sa sitwasyon, o may nais sabihin, o hindi kaya'y tuwing inuutusan ko. Hindi ko sinasabing mabuti s'yang katauhan. Ngunit hindi ko rin maaaring sabihing masama. May kakayahan s'yang makibagay, makisama at umiwas sa mga desisyong maaaring magsanhi ng mas malalaking problema.

Bumangon ako at lumabas sa balkonahe upang magpahangin. Nakatulala lang sa madilim na damuhang katapat ng bahay nang may napansin akong kumikislap; palapit nang palapit. Tinitigan ko itong mabuti ngunit bigla itong nawala. Maya-maya'y may nagsalita sa aking likuran. "OMG, kumusta ka na?!" Malakas ang boses nito; halatang sabik na sabik. At nang makilalang isa ito sa aking mga katauhan ay agad kong sinilip ang mga kasamahan kong nasa loob ng bahay upang siguruhing walang nakakita o nakarinig sa kanya; pasalamat namang abala silang lahat sa kani-kanilang mga telepono. Hinila ko ang isa kong sarili patungo sa isang gilid ngunit pagkahawak ko pa lamang sa kamay nito'y bigla akong nakuryente; mahina ngunit sapat upang mapabitaw ako. Tumatawa s'ya habang humihingi ng tawad.

Si Gene ang pagkatao kong may nag-uumapaw na enerhiya; na sa sobrang tindi ay lumalabas na ito sa kanyang katawan. Kumbaga sa cell, s'ya ang mitochondria. Ang powerhouse. Palabiro, palakaibigan at napakalikot. Walang kapaguran lalo na sa pagsasalita. Maraming gustong ikwento; maraming gustong sabihin. Biglang sasayaw kapag naisipan. Kasundo ni Agustos sa pagiging positibo ngunit kinaaayawan ni Isaac dahil sa pagiging malapit nito sa ibang tao. Kung saan nanggagaling ang enerhiyang taglay nito ay isang malaking katanungan pa rin para sa akin. Hindi ko alam. Hindi ko pa alam. O baka hindi na kailangang malaman. Ngunit ano'ng ginagawa n'ya rito sa Bacolod? Kung ang mga nauna kong katauhan ay natagpuan ko sa mga lugar na may kinalaman sa kung sino sila, ano'ng ginagawa n'ya rito?

Nagkibit-balikat lang s'ya nang tanungin ko. Ngumiti saka nagsimulang magkwento. Habang pinanunuod ko s'ya ay hindi ko maiwasang mapansin ang kinang sa kanyang mga mata; kumikislap-kislap na tila mga Christmas lights. 'Yung tipong hindi ko nakikita sa aking mga mata nitong mga nakaraang buwan tuwing pinagmamasdan ko ang aking sarili sa salamin. At ang paraan ng kanyang pagngiti na halatang pinipigilan dahil baka mapunit sa sobrang lawak. Para bang sobrang nanggigigil s'ya sa pananabik na ikwento ang mga nais n'yang sabihin. Napapangiti akong pauorin s'ya. Nakakatuwa kapag nakikita ko ang sarili kong masaya. Ngunit isang bagay na wala sa akin- na kay Gene lamang matatagpuan- ay ang paraan kung paano s'ya tumawa, kiligin o manabik. Dahil tuwing nakadarama ito ng matitinding emosyong gaya ng mga nabanggit ay bigla-biglang may mahinang kuryenteng bumabalot sa kanyang katawan sa loob ng ilang segundo saka agad na mawawala. Hindi ito nakikita ng ibang tao. Ngunit nararamdaman nila.

Dito ko napagtanto ang lahat. Ito ang koneksyon ni Gene sa lugar na ito. Binansagan ang Bacolod City bilang "City of Smiles." Ang Lungsod ng mga Ngiti. Dahil na rin siguro sa uri ng mga taong naninirahan dito. Masiyahin at matutulungin. Totoo! Sa katunayan nga ay wala kaming mahanap na tutuluyan dito sa Bacolod City dahil punuan na ang mga hotel gawa ng Masskara Festival. Hindi siguro kami matutuloy rito kung hindi kami nakatanggap ng tulong sa tagabantay ng bahay na tutulugan namin ngayong gabi. Pinag-aral daw ito noon ng ina ni Kent, at tumatanaw lamang ng utang na loob kahit na napakahabang panahon na ang lumipas.

Ngunit hindi ito ang nakikita kong rason sa kung bakit narito si Gene. Hindi lang dahil palaging nakangiti at masiyahin ang mga tao rito; kundi dahil sa istorya kung paano ipinanganak ang Masskara.

Nilikha ang Masskara Festival sa kalagitnaan ng isang malaking krisis na kinahaharap ng Bacolod noong 1980. Dahil sa pabagsak na industriya ng tubo at paggawa ng asukal na s'yang pangunahin nilang produkto't hanapbuhay. Dagdag pa rito ay ang pagkamatay ng mahigit 750 katao dahil sa lumubog na ferry. Nagluluksa at naghihirap ang buong lungsod dala ng nagpapatung-patong na kaganapan, ngunit sa gitna ng kadilimang ito ay sumibol ang makulay na pagdiriwang. Ang dahilan? Upang ibalik ang ngiti sa mukha ng sambayanan. Upang muling gisingin at ipaalala sa kanila ang dahilan kung bakit ito tinawag na Lungsod ng mga Ngiti.

At ito ang nakikita kong dahilan kung bakit narito si Gene. Dahil sa espiritu at enerhiyang tinataglay ng mga narito.

Napatigil s'ya sa pagsasalita nang mapansing may iba akong iniisip. "Nariyan na ba si Agustos?" Malawak pa rin ang kanyang ngiti. Tumango ako. "Gusto ko na s'yang makita."

Ngumiti ako saka inabot ang isang kamay. Tumingin s'ya akin na tila tinatanong ako kung handa na ba ako. Kumukuryente ang katawan n'ya sa sobrang pagkagalak. Muli ko s'yang tinanguan saka n'ya ako hinawakan. At sa mismong pagkakataong iyon ay naramdaman ko ang malakas na kuryenteng dumaloy sa buo kong pagkatao. Para akong teleponong lobat na biglang na-recharge. Dali-dali akong bumalik papasok ng bahay saka sumigaw, "what's up, madlang pipoooooool?!"

14 down. 3 personalities left.

AT IBA PATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon