07: Mga Naiwan sa Ere

6 1 0
                                    


Matapos ang ilang araw ng pag-iisip ay napagdesisyunan kong ituloy ang pagpunta sa nasabing destinasyon upang sundan si Amang at hanapin ang iba ko pang mga sarili. Kasama ko sa pagpunta ay lima sa aking mga kaibigan sa trabaho; si Jon, ang aking supervisor. Si Net, ang supervisor ko noong bago ako malipat ng team. Ang aking mga kagrupo na sina Mariz at Lea, at ang matalik kong kaibigan sa opisina na si Justine.

Sa opisina ang napag-usapang tagpuan kaya't mula sa bahay ay dinala ko na ang aking mga gamit sa pagpasok sa trabaho nang umagang iyon. Naglalakad ako papasok nang matisod ako ng isang tali –tila puting sinulid na hindi ko alam kung saan nakakabit. Matagal ko nang napapansin ang mga ito kahit saan ako magpunta ngunit ngayon ay mas dumadalas. Nilaktawan ko ito saka ipinagpatuloy ang paglalakad. Muli akong napahinto. Hindi dahil mayroon na namang puting sinulid. Wala. Ngunit dahil nakatitig sa aking harapan, na halatang maski s'ya ay nagulat, si Beige. Hindi kami agad nakapagsalita.

Kinausap ko ang aking sarili; si Florence. "Bakit s'ya nandito?"

"Ay hindi ko ba nasabi?" Tumatawa. "Dito rin s'ya nagtatrabaho."

Kumunot ang aking noo. "Sa building na 'to?"

Mas lumakas ang pagtawa ngunit pigil. "Sa mismong opisina n'yo."

"Magkatrabaho kami?!"

"Uh-huh."

Napalunok na lang ako saka nagbuntong-hininga. Bakit hindi ko man lang s'ya napapansin? Ibinalik ko ang tingin kay Beige. Hindi pa rin n'ya inaalis ang titig n'ya sa akin. May mga kinakausap din ba s'ya sa loob n'ya? Muli kong kinausap ang sarili.

"Isaac?"

"Oh?" Tinatamad nitong sagot, hindi man lang iminulat ang mga mata.

"P'wede bang ikaw muna rito sa pwesto ko?"

"Ok." Mabagal s'yang tumayo saka kinuha ang control mula sa akin. Pumikit ako saglit at nang pagmulat ko'y ako na si Isaac. Naglakad ako nang walang pakialam palapit kay Beige. Naramdaman ko ang nagbabadya n'yang pagngiti na naghihintay lamang na muli ko s'yang tingnan. Ngunit nilagpasan lamang s'ya ni Isaac. Walang ngiti. Ni walang pagtingin. Parang hindi magkakilala. Parang wala lang.

Ngunit may mga bahagi akong nasasaktan. Ano nga kaya ang nararamdaman n'ya?

Bandang alas-kwatro ng madaling araw nang lumipad kami sakay ng eroplano. Ito ang unang beses kong sasakay sa ganito at bagama't kinakabahan si Bait ay nagagawa namang maging matatag ni Apa. Mas nangingibabaw ang pananabik kaysa pagkatakot.

Ganito pala ang pakiramdam ng lumilipad. Nakikita mo ang lahat. Pero sa malayo. Nakikita ko ang mga ilaw ng buong siyudad ngunit hindi ko nakikita ang mga tao sa ibaba, ang kanilang mga mukha at emosyon sa mga ito. Ganito pala ang pakiramdam. Noo'y kumakaway lamang ako sa mga eroplano mula sa lupa. Ngayon kaya ay may kumakaway rin sa akin mula roon? May nakatingala kaya ngayon habang humihiling, inaakalang bituin ang mga ilaw ng eroplanong ito? Maririnig ko kaya ang kanilang mga hiling? Matutupad ko kaya?

At nang akala ko'y nakita ko na ang pinakamagandang maaaring makita rito ay dahan-dahang sumikat ang araw mula sa abot-tanaw. Nagtatalo ang gabi at umaga. Ang dilim at ang liwanag. Ang malalim na bughaw at matingkad na kahel. Ito na yata ang pinakamagandang pagtatalo. Mas kumapal ang mga ulap. Mas nakikita ko ang mga bundok. Patuloy kami sa paglipad na sana'y hindi na nga ito matapos. Biniro ko ang sarili, masusundo ko na ngayon lahat ng mga taong iniwan sa ere. Tumawa ako nang mahina.

Ngunit nang ibalik ko ang tingin sa bintana – sa himpapawid – ay laking gulat ko nang makitang may nakalutang nga roon. Nakangiting nakatanaw sa malayo. Unti-unting dumami ang mga nakalutang. Iba-ibang tao. Alam nating lahat na hindi literal na naiiwan sa ere ang mga taong iniwang umaasa, pero pucha ano 'to?!!

Napabaling sa akin ang tingin ng lumulutang kong sarili at nang makilala ako ay mas lumawak ang kanyang ngiti; mas lalong kuminang ang kanyang mga mata. Mabagal s'yang lumutang palapit sa bintana kung saan ako nakasilip habang lumulutang pa rin kasabay ng pag-andar ng eroplano. At sa kislap ng kanyang mga mata ay mas lalo ko s'yang nakilala.

Ito si Agustos; punong-puno ng pag-asa sa katawan. Para sa kanya, lahat ng mabuti ay mabuti; lahat ng masama ay maidudulot pa ring mabuti. Isugod mo sa bagyo at magsasayaw pa s'ya rito. Batuhin mo ng bato, at gagawin n'ya itong keychain.

Mas naiintindihan ko na ngayon kung bakit ito narito. Dahil nakalilipad lang naman tayo tuwing natututo tayong umasa. Tuwing natututuhan nating kumapit sa matataas na pangarap. At kapag tayo na ang binitiwan, doon na tayo maiiwan sa ere. O hindi kaya ay diretsong lalagapak sa lupa kung saan tayo nanggaling. Dahil noong ako ang iniwan, lumagapak pabalik sa lupa ang labing anim kong pagkatao. Maliban sa isa; maliban sa nag-iisa pa ring puno ng pag-asa. Si Agustos. Hindi pag-asang balikan. Hindi pag-asang mahalin ulit. Kundi pag-asang sa pagkawasak na ito ay ang pagsibol ng mas maayos na bersyon ng sarili. Na pagkatapos ng mga pagsubok ay pabuya. Pagkatapos ng ulan ay mas malinis na hangin.

Maingat na inangat ni Agustos ang kanyang kamay saka inilapad sa bintana. Inangat ko rin ang sa akin saka itinapat sa kanyang palad. Tumagos s'ya sa salamin sa dumaloy sa aking pagkatao. Nararamdaman ko s'ya. Nagkaroon ako ng pag-asa.

Tumingin akong muli sa labas."Paano sila?" Tinutukoy ang iba pang nasa ere.

"Kaya nila 'yan. Walang ibang makatutulong sa kanila kundi kanilang mga sarili."

Lumapag ang eroplano. Binuksan ko ang telepono upang tingnan ang mga mensahe. Mayroong isa. Nagpapakilalang galing kay Amang. "H'wag ka nang tumuloy rito. Delikado."

Hindi ko ito sinagot. Binura ko lang kaagad saka naghandang bumaba. Ito ang negatibong epekto ng sobrang pagkapositibo at umaapaw na pag-asa; binabalewala natin ang mga babala.

"Delikado raw, sabi ni Amang." Pangungulit ni Bait.

"Sigurado ka na ba?" Panigurado ni Damian.

"Bumalik na tayo!" Diin naman ni Diether. "Sinabi nang delikado!"

Ngunit masyadong malakas ang kapit sa akin ni Agustos. "Tutuloy tayo."

Nakangiti akong lumabas ng eroplano saka tiningnan ang nakasulat sa pinakabungad ng airport.

"Welcome to Iloilo!"       

AT IBA PATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon