03: Purok Tres (Mambulao)

29 1 0
                                    


Jose Panganiban, Camarines Norte; kilala rin sa tawag na Mambulao. Ito ang bayan kung saan ako lumaki. Dito ako unang natutong maglayas. Dito ako unang sumuway; sumayaw. Dito ako unang humanga. Dito unang nagsulat. Dito namulat. –Sa sentro ng buong bayan. Purok Tres.

Ilang taon na rin akong malayo sa lugar na ito at tuwing umuuwi ako ay palaging may bago o nagbago. Parami nang parami ang matataas na bahay, matataas na gusali. Dumarami ang masasarap na kainan. Nakikpagsabayan sa mabilis na pag-abante ng panahon at teknolohiya. Nakakatuwa na nakakatakot. Na baka sa patuloy na pagbabago ay isang araw sa aking muling pagbalik, baka wala na akong makilala. Baka wala na akong makita na magpapanumbalik ng masasaya kong alaala. Madali akong nakapagpasya; kukunan ko ng larawan ang ilang lugar upang kahit sa mga litrato man lamang ay mayroon akong mai-preserba.

Sa simbahang Katoliko na bagama't hindi kami katoliko ay palaging bukas ang pinto tuwing nagpapamisa ang eskwela at kailangang pumunta para sa attendance. Kung saan madalas napapasama ako sa mga kaibigan tuwing ipu-prusisyon ang inaalagaang santo nina Kevin. Kung saan minsan, noong musmos pa ako, ay nagtatanong ako kung saan doon ang kusina ng Panginoon.

Ang munisipyong palagi naming pinunpuntahan noong lumalaban kami sa streetdance tuwing Pista ng Bayan. Nandyan pa rin ang voter's card ko hanggang ngayon.

Ang rebulto ni Jose Maria Panganiban (Jomapa). Dito kami naglalaro noon. Sinisipsip ang katas ng mga bulaklak ng Santan, saka ginagawang kuwintas ang mismong mga bulaklak. 'Yun ang foodtrip namin dati.

Ang Social Center. Dito ginaganap ang malalaking pagtatanghal. Dito, naranasan kong sumayaw, kumanta, maggitara at tumugtog ng flute. Naalala ko pa. Nakatutok sa akin ang malakas na ilaw sa harap ng napakaramung manunuod; opening speech. Umiyak daw si mama.

Sa tabing dagat kung saan minsan na rin akong nalunod. Madalas na tambayan kasama ang matatalik na kaibigan. Palipasan ng oras tuwing galing sa inuman; magpapa-umaga. Pagpagan tuwing nakilamay sa patay. P'wedeng puntahan. Bawal liguan. Magkaroon ka ng kung anu-ano sa balat.

Sa Fil-Nippon Park, o mas kilala sa tawag na 'Fountain'. Tambayan galing sa school. Tambayan kapag walang pasok sa school. Tambayan ng mga naglandi na lang kesa mag-school.

Ang palengke kung saan lagi kaming namimili ni Mama, o kaya ay ako lang mag-isa. Minsan ay tambay ako sa bigasan nina May Anne. Minsan ay sa bilyaran sa taas. Nagbenta kami rito ni Paolo ng mga kangkong na pinitas namin sa kanal. Hindi nila napansin.

Ang rebulto ni Roy Padilla Sr; dating mayor ng bayan ng Panganiban. Tatay ni Robin; lolo ni Daniel. Matinik sa babae. Mahilig sa kabayo.

May rebulto rin si Donya Ponay; isang prinsesa galing sa Pranses na tinalikuran ang marangyang buhay upang tulungan ang mga Mambuleno kung paano maghahanap ng mga ginto. Dito kami nagsuntukan ni Rosdon nang walang dahilan. At sa wala ring malinaw na dahilan, palaging nawawala ang mga kamay ng rebulto kahit laging nilalagyan.

Ang Mababang Paaralan ng Jose Panganiban (JPES). Dito ako nag-elementarya. Dito unang nakita ang mga multong gawa-gawa ko lamang sa isip ko ngunit napaniwala ang mga kaklase. Dito unang nakakuha ng medalya at panlalait; unang napatunayang mahalaga ako at hindi mahalaga. Palagi akong pareho. Depende.

Ang Mataas na Paaralan ng Jose Panganiban (JPNHS) kung saan mas nakilala ko ang aking sarili at mga tunay na kaibigan. Naging paborito ng ilang guro. Naging kaaway ng ilan. Naggamas ng damo dahil na-late sa klase. Na-"arutan" ni Sir Magana. Nasigawan ni Madam Mago. Naglakad sa labas nang hindi nahubad ang footsock.

Malaking bahagi ko ang nahubog sa mga lugar na ito. Parehong magaganda at mabuti. Mga binago ko man ngayon o mas niyakap. Ito na ako ngayon. Ito na tayo ngayon.

Umuwi ako sa bahay nang may magkahalong lungkot at saya sa dibdib. Ganoon talaga siguro; sa pagluma ng panahon ay magbabago ang lahat. Sa patuloy nating paggawa ng mga bagong alaala ay mabubura ang mga bagay na magpapaalala sana sa atin ng nakaraan. Nasa Maynila ang aking kasalukuyan, at ang Mambulao ay hindi isang lugar na palaging maghihintay sa aking pagbabalik. Magbabago at magbabago ang lahat. Mabubura ang pinagkakapitan ng mga alaala. Ang Mambulao, naisip ko, ay kagaya ko. Hindi ako mananatili sa nakaraan. Palaging uusad. Hindi ako maghihintay sa mga taong bumabalik para lamang magbakasyon. Nandito ako para sa mga nais dumating at hindi na aalis. Aayusin ang sarili. Magtatapon ng mga alaala. Ihahanda ang lahat para sa mga karapat-dapat. Pipiliing magbago para sa ikabubuti.

Binuksan ko ang kwarto kung saan natutulog si Mama. Napatigil ako. Napatitig sandali saka mabilis na tumibok ang puso. Nakayakap sa kanya, habang natutulog din, ang aking batang sarili – si Bait. Pitong taong gulang; iyong pinangakuan n'ya na bibigyan ng regalo kapag pumuti na ang uwak. Mahimbing ang dalawa. Naisip ko, magbabago ang lahat, ngunit hindi ito. Magbabago ang bayan ngunit alam kong palagi akong may uuwian. Ito. Dito. Sa mga braso ni mama, mananatili roon ang isang bahagi ng pagkatao ko.

Nilapitan ko si Bait na mahimbing pa ring natutulog. Hinawakan ko ang kanyang kamay at mabilis s'yang sumanib –dumaloy- sa mga ugat ko. Hindi nagising si mama. Humiga ako kung saan nakahiga kanina ang bata saka ako yumakap at pumikit. Tatanda ang lahat ngunit sa mata ng mga magulang na sa atin ay nagpalaki, mananatili tayong mga bata.

AT IBA PATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon