15: Ang Korona

11 0 0
                                    


Mag-isa akong nakaupo sa isang restaurant habang tahimik na naghihintay, sa hindi ko alam kung ano. Ni hindi ko nga alam kung ano'ng ginagawa ko rito. Pinagmasdan ko ang paligid. Kahel ang kulay ng ilaw; mukhang mamahalin ang mga bumbilya. Normal ang lahat. Kakaunti ang mga tao ngunit masyadong maraming ingay. Nasa paligid ba ito o nasa isip ko? Tumunog ang telepono ko't agad ko naman itong kinuha sa aking bulsa. May text. Letrang "B" lamang ang nakarehistro sa contact list. "Malapit na ako."

"Excuse me, sir" Pagbati ng waiter." Here's your order." Isa-isa n'yang nilapag ang mga pagkain sa mesa. Pandalawang tao, saka s'ya umalis bago pa man ako makapagtanong.

Ibinalik ko ang atensyon sa telepono saka sinimulang basahin ang mga lumang palitan namin ng mensahe ni "B." Mukhang marami na kaming napag-usapan; maraming beses nang nagkita. Para bang kilalang kilala na namin ang isa't isa. May mga palitan ng mensahe habang nagtatawanan. Meron din na tila nag-aaway. Ngunit sino nga ba s'ya? Bakit hindi ko s'ya maalala?

At mukhang mas marami pa akong magiging katanungan nang may biglang umupo sa aking harapan. Ibinaba n'ya ang bag saka ngumiti sa akin habang hinihingal. "Sorry, I'm late." Si Beige. Nakatulala lang ako sa kanya. Ano'ng ginagawa n'ya rito? Tumawa s'ya. "Huy, ano na naman bang iniisip mo?"

Umiling ako saka pinilit ngumiti.
"Ano'ng wala?" Hinawakan n'ya ako sa kamay. "Kausapin mo 'ko, Gibbie."
Gibbie? Napatitig ako sa kanya nang may gulat sa mga mata.

Muli s'yang tumawa saka kinuha ang isang plato. "O baka naman iba na naman ang pangalan mo ngayon?" Nagsimula s'yang kumain. "Florence? Gene? Isaac?"
"Paanong--?"
"Joke!" Patuloy s'ya sa pagkain nang nakangiti. "Akala mo hindi ko masasakyan ang trip mo ha?"

"Nandito na tayo!" Nagising ako sa sigaw at tapik ni Marie. Papungas-pungas akong bumaba sa sasakyan at maingat na nag-unat. Masakit ang katawan gawa ng halos dalawang oras na pagkaka-upo at pagkakatulog sa pigil na posisyon. Nandito na nga kami: sa sakayan ng bangka patungo sa isla ng Lakawon.

Upang makarating sa nasabing isla, kailangan munang bumili ng card at pa-loadan ito ng kahit magkano. Maaari itong gamitin upang bumili ng pagkain, ng inumin, kape o kahit mga pang-souvenir. Doon ko lang nalaman na hindi tumatanggap ng totoong pera ang mga tindahan sa isla.

Mabilis ang byahe mula sa sakayan patungo sa mismong lugar. Bumaba kami sa isang lumulutang na kubo at umakyat sa hagdan patungo sa mahabang sementong tulay. Bughaw na bughaw ang tubig at maganda ang sikat ng araw. Kulay puti ang buhangin at mahinahon ang hangin. Sa hindi kalayuan ay may floating bar sa ginta ng dagat. Sa dalampasigan naman ay umaalingawngaw ang malakas ngunit magaang musika na nanggagaling sa bilihan ng mga alak. Kakaunti ang mga tao kaya't mas nangingibabaw ang kagandahan at kapayapaan ng lugar. Nagpatuloy kami sa paglalakad.

Habang papalapit kami nang papalapit sa mismong isla ay unti-unti akong nakaaamoy ng halimuyak ng bulaklak. Ngunit ang nakapagtataka'y wala namang mga bulaklak sa paligid. Wala rin namang naaamoy ang mga kasamahan ko.

At pagkatapak na pagkatapak ko sa buhanginan ay agad kong nalaman kung saan nanggagaling ang amoy. Sa isa kong pagkatao; sumasayaw sa awiting bumabalot sa kabuuan ng lugar. At sa bawat hakbang nito'y mabilis na tumutubo ang mga bulaklak sa kung saan man tumatapak ang kanyang mga paa.

Ito si King; ang katauhan kong mataas ang kumpiyansa sa sarili. Malakas ang loob sa pagharap at pagkausap sa iba't ibang uri ng tao. Walang lugar ang hiya sa katawan. Ngunit kung minsa'y nasosobranahan ang kumpiyans kaya't may mga pagkakataong pakiramdam n'ya ay s'ya ang palaging tama. S'ya ang palaging magaling. S'ya ang palaging mananalo. Kaya rin siguro s'ya palaging may suot na korona. Magandang bagay ang pagmamahal n'ya sa kanyang sarili ngunit kung minsa'y nagdudulot ito ng pagiging makasarili at hindi pag-unawa sa ibang bagay sa kanyang paligid. Marami akong nakuhang karangalan at oportunidad nang dahil kay King, ngunit marami ring nakagalitan dahil sa kanya. At dahil sa sobrang pagmamahal sa sarili, bawat bagay na kanyang hinahawakan ay tinutubuan ng buhay sa anyo ng mga bulaklak at halaman; simbolo ng paghanga sa kung sino s'ya.

Mabagal itong naglakad palapit sa akin nang makita akong nakatangin sa kanya; tila ba inaasahan at hinihintay n'ya akong dumating. Pinagmasdan ko kung paanong tumubo ang mga bulaklak sa kanyang paanan sa bawat hakbang n'yang ginagawa. At nang kaharap ko na s'ya ay agad kong itinaas ang aking kamay. "Sumama ka sa'kin."

Tumawa s'ya nang sarkastiko habang umiirap, at itinuro ang suot na korona. "Hindi mo ako kailangang utusan." Saka s'ya pumikit. Nabasag s'ya sa anyo ng mga talulot ng bulaklak at agad na pumasok sa aking palad. Mabilis din s'yang nag-anyong tao nang makapasok at makasama ang iba ko pang mga katauhan.

Mabagal n'yang pinagmasdan ang buong paligid; tila nandidiri. Bakas pa rin ang pagkawasak ng mga pader. Kulay-semento lamang. Walang ibang kulay. Bumuntong-hininga s'ya saka binulungan ang mga bulaklak sa kanyang paanan. Sumunod ang mga ito sa utos n'yang gumapang sa kabuuan ng lugar at ilang saglit lang ay nababalot na nila ang mga pader. Makulay nang muli sa loob. Mas buhay. Mas kaaya-aya. Iba pala talaga ang gandang naidudulot ng pagmamahal sa sarili. Napupuno na ng bulaklak ang bawat sulok maliban sa isa. Sa sulok kung saan nakatayo ang malamig na pader ng may mababang kumpyansang si Mavic, at kung saan s'ya nalalagi. Lalo pa n'yang nilawakan ang kanyang teritoryo. Namamatay ang mga bulaklak na napapadikit sa pader.

Pinagmasdan ko ang matalas na pagtitigan nina King at Mavic, dahil noon pa ma'y hindi na sila magkasundo. Pinagmasdan ko ang bawat isa sa aking mga katauhan. Tama nga ako. May ilan sa aking mga negatibong pagkatao ang narito hindi upang ipahamak ako; ngunit upang balansehin ang aking kabuuan. Ang matinding pagmamahal ni King sa kung sino s'ya ay binabalanse ng pagkaawa ni Mavic sa kanyang sarili. Ang masyadong pagkapositibo ni Agustos ay pinipigil ng pagiging negatibo ni Diether. Ang masyadong katapangan ni Apa katapat ang kaduwagan ni Bait, at ang pagiging immature ni Bait laban sa pagiging rasyonal ni Amang. Bawat isa ay may mahalagang gampanin. Bawat isa ay kakailanganin ko upang mabuo.

Papalubog na ang araw nang magpasya kaming umalis sa isla. Kulay kahel ang lahat. Bigla kong naalala ang panaginip tungkol kay Beige, at kung paanong tila totoo ang lahat.
"Sigurado ka bang panaginip lang ang lahat ng 'yon? Tanong ni Amang nang ibahagi ko sa kanila ang panaginip.
"Oo, sigurado ako."
"Hindi," Tumawa nang mahina si King. "Hindi ka sigurado."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 24, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

AT IBA PATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon