06: Kasal, Lakas (Batangas City)

10 1 0
                                    

                Kasal. Isang seremonyang isinasagawa upang gawing isa ang dalawang pusong nagmamahalan ngayon hanggang kamatayan. Kasal. Isang napakahalagang bagay na bagama't habang tumatagal ay unti-unting nalilimutan ng iba ang tunay na halaga, ay marami pa rin naman ang nakaaalala. Kagaya na lamang ngayong inimbita ako sa kasal ng isa sa aking mga katrabaho. Dito, sa Batangas City.

"Bakit nga ba may mga ikinakasal ngunit nauuwi pa rin sa hiwalayan?" Tanong ng pari. "Sa totoo lang, maraming dahilan. Kadalasan, dahil hindi nila lubusang naintindihan ang kahalagahan ng seremonya."

"Sus, pinaganda pa. Walang poreber." Pabiro ngunit mapait na sinambit ng isang lalaki sa aking likuran. Agad naman s'yang sinaway ng kanyang kasama. Hindi ko sila pinansin. "Bakit?" Pagpapatuloy n'ya habang kausap ang kasama. "Totoo naman, 'diba?"

"Naririnig mo ba ang sarili mo?" Pabulong na sagot ng kausap. Maingat na tila ayaw maka-istorbo sa ibang taong nasa paligid. "Hindi ka dapat nagsasalita ng ganyan sa kasal ng ibang tao."

"Hindi naman sila ang tinutukoy ko. Tayo. 'Yung ex mo. At kung paano tayo pinaasa na pakakasalanan din tayo bago s'ya naghanap ng iba."

Napatigil ako saglit saka mabilis na nilingon ang nagsasalita. Takte! Agad kong ibinalik ang tingin sa harapan; nagpapanggap na walang nakita. Pigil ang hininga habang bumibilis ang tibok ng puso. Dahil nasa aking likuran ang dalawa kong sarili; sina Diether at Amang.

"Kunwari pa s'ya sa pagpaplano ng kasal sa Taiwan. Ano? Nasaan ang Taiwan? Naiwan!" Mapait na namang nakasinghal si Deither; ang bugnutin kong pagkatao. Maraming pinaglalaban sa buhay; maraming napupuna. Numero unong reklamador lalo na pagdating sa pag-ibig. S'ya 'yung tipong nagdadabog ng mouse o ng keyboard kapag hindi gumagana. O kaya ay tititig sa'yo nang masama kapag sumingit ka sa pila.

"O, 'diba't maigi na nga na hindi 'yun natuloy? Ang mahalaga d'yan e nalaman mong hindi s'ya para sa'yo." Ito namang si Amang ang tatay ng lahat ng aking pagkatao. Hindi man literal na ama ay s'ya na ang tumayong tagapayo at tagapagbalanse kapag mayroong mga pagtatalo sa bawat isa. Maingat na pinakikinggan ang bawat boses at tinitingnan ang bawat anggulo. Rasyonal sa paggawa ng desisyon. Matured. Mas matanda pa sa edad kung mag-isip. Kaya't tuwing magdadabog ng mouse si Diether ay tatanungin n'ya, "kapag nasira mo, may ipambabayad ka ba?" Mapapasinghal na lang ang isa saka mahinahong ibababa ang mouse.

Naririnig ko pa rin silang nag-uusap habang ang tingin ko'y nasa unahan. Ngunit wala roon ang aking isip. Nasa malayo. Nasa nakaraan. Oo nga. Minsan din nga pala akong umasang pakakasalan. Masyadong maaga ngunit minsan nga pala akong umasang doon iyon patungo. Hindi ko rin naman inasahang mas gugustuhin n'yang magpakasal sa iba. Doon daw sa mas stable. Sa may mas maayos na buhay. Doon sa hindi magiging responsibilidad.

Pero tama nga siguro si Amang. Mas mabuti nang iwan tayo ng mga tao habang hindi pa tayo ikinakasal. Mas mabuti nang umatras sila sa mga sumpaan hangga't hindi pa sa harap ng Diyos sumusupa, o sa harap ng bata na sila mismo ang gumawa. Mas mabuti na sigurong siguraduhin muna ang nararamdam bago tuluyang magpakasal. Dahil sa kasal, pag-iisahin ang dalawang puso. At kung ang isang puso ay pipilitin mong hatiin pabalik sa dalawa, tiyak itong masisira. May masasaktan. May luluha.

Bumalik sa akin ang lumilipad kong isip saka ko lang napansing wala na sina Diether at Amang sa aking likuran. Wala rin naman sila sa loob ko. Kaya't pagkalabas na pagkalabas ko ng simbahan ay agad ko silang hinanap. Inikot ang buong simbahan. Sinuyod ang park. Nilabanan ang init ng hapon sa kahabaan ng parking lot. Wala. Naglakad ako upang sumilong sa ilalim ng puno sa gilid ng simbahang hindi ko naisipang daanan kanina. Doon ko nakita si Diether; mag-isang nakatayo habang inip na inip na naghihintay sa akin.

"Ang tagal ha?" Bungad n'ya sa akin habang tumitingin-tingin pa sa relo.

"Bakit ikaw lang?"

"Ayaw mo ba?" Hindi ako sumagot. "Ang init. Bilis, kunin mo na 'ko."

Tumawa ako nang sarkastiko. "Bakit kita kukunin? Pagkakataon ko na 'to para ayusin ang sarili ko at alisin ang mga bahagi kong dapat mabago."

"Uhmm..." Nagpanggap s'ya na nag-iisip saka sumandal sa puno. "Baka kasi wala ka namang choice kundi kunin ako?"

"Paano kung meron?"

"Si Amang na ang nagsabi. Pinapauwi na n'ya ako dahil baka raw may makakita sa akin."

Huminga ako nang malalim. May punto s'ya. Mas malaking gulo nga iyon. "Teka, nasaan si Amang?"

"Ayaw pa n'ya umuwi."

Kumunot lang ang noo ko.

"Kilala mo naman 'yun. Ayaw nu'n na nagiging pabigat s'ya."

"Ha?"

Bumuntong-hininga si Diether na may kasamang paggulong ng mata. "Umalis s'ya para hanapin ang iba. Para pagbalik n'ya, kumpleto ka na."

Natahimik ako. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman. Bakit nga ba madalas ay hindi natin nakikita 'yung bahagi nating palaging nagmamalasakit sa iba pa nating mga bahagi? Bakit hindi natin napapansin kung paano tayo magmalasakit sa ating mga sarili? Kung paanong nakakalimutan nating pasalamatan ang mga bahagi ng ating sarili na natatataling matatag dahil hindi tayo maaaring sumuko? Dahil ayaw nating sumuko. Dahil alam nating hindi tayo susuko.

"Saan s'ya pupunta?"

"Mangako ka muna na papapasukin mo ako."

"Oo." Mabilis kong sagot.

Tinitigan ako ni Diether. Alam kong hindi ito magandang balita. "Sa Northern Visayas."

AT IBA PATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon