05 (1/2): Office Chismis (Tagaytay)

6 1 0
                                    


"Two-timer."
"Isa sa umaga, isa sa gabi."
"Mukha lang inosente, pero nasa loob ang kulo."

Naririnig ko ang mga bulungan habang papasok ako sa opisina. Walang nilalabas na pangalan ngunit alam kong ako ang pinag-uusapan nila. Hinuhubaran ako ng mga tinginan. Tumatawa ang mga titig. At gaya ng isang normal na araw, nilawakan ko ang pagngiti.

Masaya sa opisina kung saan ako nagta-trabaho. Magaan ang paligid. Magkakaibigan ang lahat. Ito rin siguro ang dahilan kung bakit madaling kumalat ang mga usap-usapan. Wala naman sigurong opisina ang walang chismisan na nagaganap. Karamihan ay walang pakialam sa mga naririnig na kwento kaya't tinatanggap na lamang ang mga impormasyon nang hindi binabalida sa taong nasasangkot. Mayroon din namang magtatanong sa'yo nang pabiro kaya't hindi mo alam kung sasagutin mo nang seryoso o bibiruin mo na lang din. At kahit na alam mo sa sarili mong walang katotohanan ang mga paratang, mahirap ikalat kung ano ang totoo nang hindi ka nagmumukhang desperado.

Nilapitan ako ng isang katrabaho habang kumukuha ng mainit na tubig. Nakangiti s'ya sa akin na tila hinihintay akong ngumiti rin pabalik. Nakasandal s'ya sa water dispenser. Ngumiti lang ako saka umurong nang bahagya upang maramdaman n'yang naiilang ako sa kanyang kinikilos.

"Good morning... Florence." Binati n'ya ako sa pangalang hindi naman sa akin. May sapat na diin ang pagbanggit n'ya rito para maramdaman kong may nais s'yang palabasin.

"Florence?"

Inikot n'ya ang mga mata saka agad na kinuha ang telepono sa bulsa. May hinanap dito sandali saka ito iniharap sa akin. Naroon ang isang Tinder profile. Florence ang pangalan. Bente-kwarto anyos kagaya ko. At nang makita ko ang mga larawan ay agad akong nagulat. Bakit ako ito?! Wala akong kinalaman dito! Kaya't mabilis kong tiningnan ang lokasyon sa profile ni Florence at agad na nagdesisyong pupuntahan ito rito– sa Tagaytay.

Si Florence ang aking malanding sarili. Mahilig makipagharutan. Mahilig makipaglaro. Ayaw ng seryosohan. Palaging kaaway ni Damian. Palaging kasundo ni Apa; na tuwing tinotopak nang sabay ay nakagagawa ng mga bagay na pagsisisihan ko kinabukasan.

Makalipas ang ilang oras na byahe ay nakarating ako sa Tagaytay. Malamig. Mahamog. Takbuhan ng mga gustong tumakas. Ngunit naisip ko, baka nga matagal na akong nasa Tagaytay. Baka nga matagal na akong malamig. Baka nga pinalalabo na ng hamog ang mga mata kong nagpupumilit humanap ng katotohanan maliban sa mga katotohanang nakapila sa aking harapan. Baka hindi talaga ako 'yung tipo ng taong dapat minamahal. Baka takbuhan lang ako. Baka libangan lang. Baka pinipili lang habang naghihintay ng mas karapatdapat piliin.

Ginamit ko ang nasabing social dating app upang tukuyin kung ilang kilometro ang layo ko kay Florence. Katulad lang din ng iba; gumagamit ng mga social dating apps sa pag-asang mahahanap doon ang sarili nila. O mga taong bubuo sa kanila. Naghahanapan lang tayong lahat.

At doon nga, sa pinakasikat na branch ng isang coffee shop sa Tagaytay ay nakita ko s'yang umiinom ng kape. May kasama. Nagtatawanan. Masaya. Nagtago ako sa likod ng isang pader habang pasulyap-sulyap na inaabangan ang pag-alis ng isa sa kanila. Halos kalahating minuto na akong nakatago nang tumayo si Florence at naglakad patungo sa CR. Sinuot ko ang hood ng aking jacket saka ito sinundan papasok at bago n'ya maisara ang pinto ay naitulak ko ito at nakapasok ako sa loob. Ini-lock ko ang pinto saka ko s'ya tinitigan sa mga mata. Hindi s'ya nagulat na nandito ako.

"Florence, ano'ng ginagawa mo?"

"Ikaw, ano'ng ginagawa mo?"

"Sinusundo ka."

Tumawa s'ya ngunit halatang napipilitan. "Para ano? Para ikulong na naman ako sa mga patakaran mo?"

"Hindi kita kinukulong."

"Talaga?" Inirap n'ya ang mga mata. "Regulasyon. Reputasyon. Mga relasyon na hindi rin naman maayos na nagtatapos. Kinukulong mo ako sa lahat ng 'yan. Ayaw ko na. Mas gusto ko na ang maging malaya."

"Pero nakakasakit ka ng ibang tao, Florence. Ilang tao na ba ang pinaasa mo't iniwan dahil lang ayaw mo na?"

"Hindi ko sila pinaasa. Hindi ko naman alam na seryosohan pala ang hinahanap nila."

"Pero nasaktan mo sila."

"Natin. Nasaktan natin. Baka nakakalimutan mong ikaw ay ako. Ako ay ikaw."

"Hindi. Bahagi kita, alam ko. Pero hindi ako ikaw. Kahit sino naman siguro'y may bahaging kagaya mo." Humakbang ako palapit. "Kaya nga tayo may iba pang katauhan sa loob para balansehin ang mga katauhang gaya ng sa'yo. Nakikiusap ako, Florence. Samahan mo kaming buuhin ako – buuhin tayo."

"Ayaw ko."

"Please." Hinawakan ko s'ya sa braso.

Tiningnan n'ya ang pagkakakapit ko saka bumuntong-hininga. "Okay, okay. Pero sa isang kundisyon." Yumuko s'ya saka ngumiti sa akin. "Bibigyan n'yo ako ng oras para ilabas kung sino ako. Kahit tuwing kailangan ko lang. O kapag kailangan lang natin."

Sandali akong nag-isip. Malaki rin naman ang naitutulong ni Florence tuwing kailangan kong libangin ang sarili ko kapag nilalamon ako ng sakit at lungkot. Kaya n'yang makipaglaro sa mga bahagi ng ibang tao na ang nais lang din ay makipaglaro. May ibang bahagi lang din talaga tayong nahuhulog ang loob kung minsan kaya mas humihirap ang sitwayson. Gayun pa man, ibinalik ko ang tingin ni Florence saka ako ngumiti. "Deal."

"Ayun!" Tumawa s'ya. Mas totoong tawa. Kusa n'yang inabot ang mga kamay ko saka s'ya pumasok sa aking mga ugat. Maya-maya lang ay nasa loob ko na s'ya.

Huminga ako nang malalim saka nagsimulang maglakad palabas ng CR; palabas ng coffee shop upang umuwi. Aabot pa naman siguro ako sa byahe pabalik sa Maynila. Ngunit may biglang humawak sa kaliwa kong kamay. Napalingon ako.

"Saan ka pupunta?" Nakangiti s'ya sa akin. "Kanina pa kita tinatawag, hindi mo yata naririnig." Binaling n'ya ang tingin sa suot ko saka mabilis na binalik sa aking mga mata. "Ay, nagpalit ka ng damit?"

Hindi ako makasagot. Unang una ay hindi ko s'ya kilala, pangalawa ay –Teka! S'ya 'yung kasama ni Florence kanina!

Kumunot ang kanyang noo. Puno ng pagtataka sa aking kinikilos. "May problema ba?"

"Ah, eh, wala." Hindi ko na alam kung paano ang tamang pagtakas sa ganitong klase ng sitwasyon kaya't bigla na lang akong tumalikod upang tumakbo. "Sorry."

Ngunit hinawakan n'ya akong muli sa kaliwang kamay saka ako hinila, "Babe, ano ba?"

Napatigil ako sa sinabi nito. Dahan-dahang lumingon saka inulit kung tama ba ang narinig ko. "Babe?!"

AT IBA PATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon