09: Langit-Lupa (San Joaquin, Iloilo)

128 1 0
                                    


Mula sa Iloilo City ay bumyahe kami ng halos dalawang oras patungo sa San Joaquin, Iloilo, upang bisitahin ang Garin Farm na matatagpuan sa mataas na bahagi ng nasabing lugar.

Sa pagpasok pa lamang ay makikita na ang iba't ibang klase ng mga halaman at alagang hayop. May mga kuneho, baka, kalapati. Iba-iba. Ang daan patungo sa pinakasentro ng Farm ay nababalot ng bubong na tila kweba ng mga baging at halamang gumagapang. Pataas nang pataas habang lumalayo. Nakakahingal.

Nakarating kami sa mas mataas na bahagi ngunit hindi pa ito ang pinakamataas. Nakasulat sa pader: "PILGRIMAGE: A Journey From Creation to Ascension." At kapag nilagpasan mo ang pader ay makikita mo ang isang napakalaking puting krus; nakatayo sa pinakatuktok ng bundok na ito. Upang makarating sa paanan nito ay kailangang akyatin ang hagdang may 480 baitang. Sa pag-akyat ay masasaksihan ang mga kaganapang isinaad sa bibliya; mula sa paglikha kina Eba't Adan hanggang sa pagkakabuhay na muli ng Kristo.

Nakarating kami sa paanan ng krus ngunit hindi pa rin iyon ang pinakataas. Sa isang gilid ay may lagusan na kung tawagin ay Dark Meditation Tunnel. Ang lugar na ito raw ay nilikha upang ibahagi ng may-ari ang karanasan nang minsang ipinasyal ng Dios ang kanyang kaluluwa sa langit. Lahat ng makikita sa loob ay hango sa kung ano ang nakita n'ya sa nasabing pamamasyal.

Maya-maya ay pinapasok na kami sa nasabing lagusan. Madilim. Walang ibang makita kundi ang mga kulay asul na ilaw sa sahig bilang gabay sa paglalakad. Nakakatakot. Kung anu-ano ang pumapasok sa aking isip. Mabuti't sa dulo ng lagusan ay dahan-dahang lumiliwanag ang lahat; dahil sa labas nito ay ang sinasabi nilang totoong hitsura ng langit. Nagliliwanag sa puti ang buong paligid. Mahapdi sa mata ngunit ni hindi ko ninais pumikit. May kulay puting hagdan paakyat sa napakataas na gate kung saan naghihintay si San Pedro. Sa gilid ng hagdan ay may mga anghel na tumutugtog ng trumpeta. Umaalingawngaw sa buong lugar ang musika, "Hallelujah! Hallelujah!" Pagpasok sa gate ay naroon ang iba pang mga anghel at ibang nananampalataya. Nakatingin ang lahat sa mga ulap; kung saan nakatuntong ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo. At sa pinakasulok ng lugar ay may hagdanan pababa na may nakasulat: "Back To The World."

Lumakad ako patungo sa hagdan upang maghanda nang bumaba, ngunit may narinig akong nagsalita mula sa likod ng mga sementong ulap. "Aalis ka na agad?" Napalingon ako. Nakatayo roon si Queru. "Hindi mo man lang dinama ang mensahe ng lugar?"

Nahiya ako sa sarili ko. Tiningnan ko ang buong lugar. Nagkukuhaan ng larawan ang mga naroon. Ilan nga kaya sa mga narito ang tunay na nakaiintindi sa tunay na layunin ng lugar na ito?

"Sige," Pagbasag ni Queru sa aking pananahimik. "Sumilip ka at tanawin mo ang ibaba." Ginawa ko ang sinabi n'ya saka muling naalalang narito na nga pala ako sa pinakataas. Tanaw na tanaw ko ang buong kapaligiran; loob man at labas ng Garin Farm.

Hindi ako relihiyosong tao. Ngunit si Queru ang katauhan kong may matinding pananampalataya. Malakas ang paniniwala sa kapangyarihan ng mga panalangin; malaking job interview man o maski bawat paggising sa araw-araw. May mga panahon mang nagrereklamo ako sa mga nangyayari sa buhay ko, ay pinaiintindi n'ya sa aking mayroong mas malawak na plano. Sa mga panahong naku-kwestyon ko ang Banal na Salita ay inihaharap n'ya ako sa kalikasan. Ito; ang kalikasan, ang pinakamatibay na patunay na totoo ang Manlilikha. Sa kung paanong perpekto ang disenyo ng lahat; sa pakpak ng mga ibon at hasang ng mga isda. Sa photosynthesis at hitsura ng nyebe sa malapitan. Si Queru ang bumubulong sa akin na kung ang lahat ng ito ay nailikha nang maayos, ano ang karapatan kong pagdudahan ang daang nilikha para sa akin?

Muli kong pinagmasdan ang paligid at kinilala ang disenyo; ang replika ng langit na gawa ng tao at ang tanawin ng kalikasan sa ibaba na gawa ng Mataas na kapangyarihan –ang lahat sa lugar na ito ay nagkakasundo sa iisang mensahe. Totoo Siya. Hindi tayo dapat mangamba.

Nakangiti sa akin si Queru nang ibaling ko ang tingin sa kanya. Ngumiti rin ako sa kanya. Dahan-dahan s'yang nagliwanag, naging alikabok saka lumipad patungo sa aking palad; papasok. Dala ko na ngayon sa aking loob ang gabay ng pinakamataas na kapangyarihan.

If God is with us, who can be against us?

AT IBA PATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon