Part 2

24 2 0
                                    

Hindi niya na dapat inamin ang pagtingin dito dahil kahit na kaunti ay nanghihinayang siya sa pagsasamahang meron sila dati. Ngayon kasi ay kahit pagbati sa birthday ng isa't isa sa social media ay hindi niya na rin magawa. Samantalang ang mga kapatid niya ay todo ang bati dito. Mabuti pa ang mga ito at may koneksyon pa rin at mukhang maayos pa rin ang samahan. Malalapit lamang ang agwat nilang magkakapatid kaya nakilala ng kambal si Max sa iskuwelahan noong high school sila. Habang ang ate niya naman ay nakilala ito sa university na parehas pinasukan ng dalawa. Iba ang unibersidad na pinag-aralan niya dahil hindi na siya nakakuha pa ng scholarship sa iskuwelahan kung saan nag-aaral ang ate niya. Ang kaniyang bunsong kapatid naman ay likas na malapit sa kaniya lalo na sa social media kaya naging friend din nito si Max.

Oo, buong angkan niya ay friend ng lalaki sa FB maging ang account ng kaniyang ina na hindi naman ginagamit nito ng personal ngunit nakapangalan dito. At kahit na ang isa niyang pinsan na naging kaklase ni Max ay friend din nito hindi lamang sa social media kundi sa personal.

Hindi niya namalayang unti-unti ay nakapasok ang lalaki sa kaniyang mundo at unti-unti ay nahulog siya rito. Noong high school bago pa lamang sila magtapos ay nakumpirma niya ng may pagtingin siya sa lalaki ngunit hindi niya iyon ipinaalam dahil sa batid niyang walang patutunguhan iyon. Marami siyang pangarap sa buhay at hahadlang ang pag-ibig sa landas na tatahakin niya. Isa pa ay wala siyang kumpiyansa sa sarili.

Sino ba naman si Kristin Fernandez? Hindi na nga maganda ay mahirap pa. Walang-wala kung ikukumpara sa mga babaeng nagkakagusto sa lalaki. Likas kasing habulin ito ng kung sinu-sinong babae sa malaki nilang iskuwelahan. Half-German ito kaya lubhang angat ang hitsura sa ibang kalalakihan. Mabait pa at charming na kahit sino yatang babaeng nasa tamang pag-iisip ay mahuhulog sa lalaki. Ang mga babae nga na kahit sa malayo lang natatanawan at napagmamasdan ang lalaki ay nahuhulog dito, siya pa kaya na halos sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay kasama ito? Anong karapatan niyang labanan ang likas nitong gayuma?

Tinampal niya na naman ang noo.

Akala ko ba ay over ka na ha? Parang sirang tanong niya sa sarili.

Ibinalik niya ang atensyon sa screen ng computer at sinuri ang nakasulat doon.

Hindi active sa social media ang lalaki kaya nagtaka siya kung tungkol saan ang post.

'Happy engagement.'

Maikli ang post ngunit hindi niya na kailangan pa ng ibang detalye upang malaman kung ano ang nangyari sa buhay ng lalaki.

Sa nabasa ay doon niya lang napansin na may kasama pala ang lalaki sa picture. Palibhasa ay laging ito ang nakikita ng kaniyang mga mata kaya hindi niya nabigyang pansin ang magandang babae sa tabi nito at nakayakap sa braso ng lalaki. Nakangiti rin ng matamis ang babae sa larawan at nag-uumapaw ang kanilang mga mata sa kasiyahan.

Wow!

Oh edi sila na ang may pa-engagement.

Naiiritang tiniklop niya ang laptop nang hindi man lang isina-shut down iyon.

She's just tired. Puyat siya kagabi at kailangan niyang magpahinga, pagkumbinsi niya sa sarili.

Isang katok sa pinto ang nagpawala ng isipin niya.

"Kristin," tawag sa kaniya mula sa labas.

"Dinner's ready," sabi nito sa malambing ngunit malagom na tinig.

"Sure," sagot niya.

Habang umaandar ang van na minamaneho ng kaniyang ama ay mataman niyang pinagmasdan ang buong kapaligiran sa Atisan. Hindi siya pamilyar sa bawat sulok ng mga kalye at iskinita dahil sa hindi naman sila doon nakatira dati. Noong nasa Pilipinas pa lang siya ay sa iba sila nakatira at nangungupahan. Ngunit nang makapagtapos ang kaniyang ate ng kolehiyo ay nagsimula na silang magpundar ng sarili nilang tahanan. Iyon ata ang pinaka-unang family goal nila: ang magkaroon ng sariling bahay.

Always Always a FriendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon