Part 27

7 2 0
                                    

'May awarding sa kapitolyo para sa mga mahuhusay na arkitekto ng lalawigan. Makadalo ka sana.' Iyon ang text sa kaniya ni Max kinaumagahan. Tumawag ito kagabi ngunit hindi niya nasagot. Nakailang beses itong tumawag muli ngunit hindi niya na rin sinagot dahil ang katuwiran niya sa sarili ay pagod na siya.

"Kayo na ni Max?" hindi makapaniwalang tanong ng kaniyang ate. Linggo ngayon kaya wala itong pasok. Napagpasyahan niyang ikuwento rito ang lahat tutal ay mukhang may super-power ang kapatid niya tungkol sa mga bagay na nangyayari sa buhay niya. Kahit na hindi niya siguro sabihin ay malalaman din naman nito.

"Oh bakit parang mukha kang nalugi?"

"Ako? Masaya ako."

"Ows? Bakit parang hindi?" kumuha ito ng libro sa shelf at naupo muli sa kama nito.

"Thomas has feelings for me too."

"Ano?" bulalas nito at isinara na muli ang libro na kabubukas pa lang. Hinarap siya nito at natagpuan ata nito na mas makulay ang ikukwento niya kesa sa librong babasahin pa lang nito.

"Tapos?"

"Wala."

"Anong wala?"

"Kaibigan ko lang si Thomas."

"Friends lang din kayo ni Max dati, di ba?"

"Oo."

"Pero kung friend lang ang tingin mo kay Thomas, bakit para kang nakipaglamay sa lungkot ngayon? Daig mo pa ang biyernes santo."

"Hindi, puyat lang ako."

"Bakit ka napuyat? Eh ang aga mo ngang umuwi kagabi. Siguro, hindi ka nakatulog kakaisip kung tama bang pinakawalan mo si Thomas?" inilapit pa nito ang mukha sa kaniya.

Bahagya siyang lumayo sa may pagkamanghuhula niyang ate. "Hindi. Babalik na siya sa Canada bukas."

"At hindi mo na siya makikita pa kahit kailan? Komportable ka ba sa isiping yun?"

"Baka minsan ay dumalaw din siya sa Pinas."

"Pero hindi mo sigurado kung kailan."

"May pamilya siya rito."

"Hmmm...you're not being honest about how you feel."

"Paano mo nasabi?"

"Mahal mo ba talaga si Max?"

"O-oo."

"Pero sinong iniisip mo ngayon?"

Tumayo siya at kinuha ang tuwalya sa aparador.

"Maliligo muna ako. Pupunta pa ako sa kapitolyo."

"Hay naku Kristin," usal ng kapatid ngunit iniwan niya na ito.

Hindi pa man siya nakakatapos ng pagtutuyo ng buhok ay narinig niya na ang ingay ng mga kapatid niya sa labas. Nang bumalik siya sa kuwarto ay hindi niya roon nadatnan ang ate niya. Ang hinala niya ay nasa labas din ito.

Nagmadali siyang magbihis upang makiusyoso rin sa kaguluhan ng pamilya niya.

"Kaninong kotse to?" tanong niya nang mabungaran ang isang pulang mitsubishi strada sa may bakuran nila. Ang tatlo niyang kapatid na babae ay naroon kasama ng ina at ama nila.

"Surprised!" ani Kevin na lumabas mula roon.

"Wow! Sayo yan?" tanong niya at lumapit sa bago at makinis nitong sasakyan.

"Yup, pero may monthly installment pa."

"Naks, ang gara," komento ni shielo.

"Pasakay minsan," dagdag ni Shiela.

"Bumili na rin kaya ako?" ang sabi naman ng ate niya.

"Magpagawa muna kayo ng garahe," ang sabi ng mama nila.

Sabay-sabay silang nagtawanan.

"Saan ka pupunta at bihis na bihis ka?" tanong sa kaniya nang ama ng matuon sa kaniya ang pansin nito.

"Sa kapitolyo po."

"Bakit?"

"May date," sagot ng ate niya. Pinandilatan niya ang kapatid.

"Sino? Yung foreigner ba na dumalaw sa bahay? Yung si Thomas ba yun?" pag-uusisa ng ama.

"Si Max ," tugon na naman ng ate niya.

"Si Max?" sabay-sabay na bulalas ng mga ito.

"Pero di ba..." si Shielo na hindi na naipagpatuloy ang sasabihin dahil sa gulat.

"Paanong si Ma..." si Shiela ay ganoon din.

"Yung kaibigan mo nung high school?" pagtitiyak ni Kevin.

Kahit naiilang ay tumango siya.

"Mabait naman ang batang yun," sabi ng ina.

"Pero mukhang masyadong habulin," komento ng kaniyang ama.

"Ay teka, hindi ba't kinasal na yun?" takang wika ng mama niya.

"Hindi po natuloy dahil hindi sinipot ng bride," paliwanag niya.

"At ngayon ay nobyo mo na siya? kay bilis naman ata."

"Hay ma, walang mabilis sa pag-ibig. Okay na yun basta nagmamahalan, ano Te Kristin?" wika ng bunsong kapatid at inakbayan pa siya.

"Dahil diyan, ihatid mo ako sa kapitolyo," nakangiti niyang utos kay Kevin.

"Ha? Teka, sandali. Katatapos pa lang ng traning ko. Pagod ako ate."

"I-test drive mo muna yang kotse mo."

"Pero na-test drive ko na yan."

Hindi niya pinansin ang mga sinabi nito at nagtuloy na sa loob.

"Ingat," sabay na sabi ng mga magulang niya.

"Kay Max lang pala to eh," kantiyaw ni Shielo.

"Pero mas bagay ata sila ni Thomas?" narinig niyang bulungan ng magkakambal.

Pumasok na rin ang kapatid niya at binuhay ang makina.

"Sa kapitolyo lang ha," sabi nito.

"Oo."

Nagsimula na itong paandarin ang sasakyan at nakita niya pang kumaway ang pamilya niya sa kanila.

"Ate Kristin, sigurado ka na ba dyan kay Kuya Max?"

"Ha?" nagtataka niyang binalingan ng tingin ang kapatid. Hindi ito pala-sali sa mga ganoong usapan. Madalas ay sila-sila lang na mga babaeng magkakapatid ang nag-uusap tungkol sa buhay pag-ibig.

"Bakit mo natanong?"

"Kasi narinig ko kay mama nung minsang inimbitahan mo yung kaibigan mo...si Thomas ba yun? Hindi kami nagkita eh. Pero ang sabi ni mama ay halatang in love ka raw sa lalaking yun. Kaya nakapagtaka na si Kuya Max ang nobyo mo."

"In love ako kay Thomas? Si mama, sinabi niya yun?"

"Naikuwento niya. Kaya siguro hindi ka raw naho-home sick sa Canada ay dahil kasama mo si Thomas."

"Imposible."

"Ang sa akin lang naman ay basta masaya ka."

"Masaya ako."

"Yung tipong kapag kasama mo siya, hindi ka nag-aalala. Wala kang ibang iniisip. Komportable at relax ka lang."

"Teka, saan mo ba nakukuha yang mga hugot mo?"

Ngumisi ito.

"Sinagot na kasi ako ni Louise. I'm just spreading the love."

"Congratulations. Kaya naman pala love guru ka na rin katulad ni Tho..."

"Ni Thomas?"

"O-oo."

"And here we are!"

Napatingin siya sa labas at nakitang nasa tapat na nga sila ng malaking kapitolyo ng probinsiya nila.

"Thanks," sabi niya at saka binuksan ang pinto ng kotse. Papalabas pa lamang siya ng sasakyan ay nakita niya ng papalapit sa kinaroroonan niya si Max. Malapad ang ngiting ibinungad nito sa kaniya.

Always Always a FriendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon