IKA-PITONG KABANATA
PSYCHE'S POV
Biglang tumakbo si Akane palabas ng mansion. Napapikit ako nang mariin at hinabol siya.
“Akane!” tawag ko pero hindi niya ako pinansin at tumakbo lang siya at pumasok sa loob ng gubat.
Nagkatinginan kami ni Xiara, napailing na lang siya at sinundan si Akane, agad namang sumunod sa kaniya sila Clarence, Ian at Shine.
“’Wag na kayong sumunod,” sabi ko sa iba dahil susunod pa sana sila Chad ngunit pinigilan ko na sila upang may makasama pa ang iba.
Hindi biro ang mag-isa sa loob ng mansion na ito. Kung kailangan huwag magtiwala, huwag na huwag kang magtitiwala.
“Psyche nasaan sila Marco?” tanong ni Joanna, kaya lumingon ako sa buong salas at nanlaki ang aking mata dahil wala rito sila Marco at Hannah.
Nang biglang may narinig kaming sumigaw.
Hindi ito maaari.
MARCO'S POV
No’ng lumabas si Akane ay sumunod sa kaniya ang iba kong mga kaklase pero nanatili lang ako sa sala kasama si Hannah.
Nasaan na kaya sila Caleb?
Hindi ako halos maka-imik matapos kong makita kanina ang katawan ni ma’am. Hanggang ngayon ay nasa isip ko pa rin ito, at 'di hamak na nakapanlulumo talaga.
Tumayo ako at naglakad paalis sa sala.
“Marco, saan ka pupunta?” tanong ni Hannah na sumusunod na pala sa akin.
“Ayoko na rito, Hannah.” Tumigil ako sa paglalakad dahil hindi ko naman alam kung saan pupunta. Punong-puno ng problema ang aking isip.
Hanggang ngayon ay hindi ko maamin sa aking mga magulang ang tunay kong pagkatao. Napaka-tagal ko nang ninanais na sabihin sa kanila ang lahat, ngunit wala silang oras para makinig sa akin.
Dumaan ako sa pinto sa likod ng mansyon. Nakasunod pa rin sa akin si Hannah nang bigla siyang sumigaw.
May naka-maskara sa likod niya at nakatutok ang kutsilyo sa kaniyang leeg. Umiiyak na tiningnan ako ni Hannah. Nakakatakot ang presensya no’ng naka-maskara.
“B-bitiwan mo si Hannah!” sigaw ko. Lalapit pa sana ako ngunit mas idiniin niya ang hawak na kutsilyo sa leeg ni Hannah kaya napasigaw na naman ang kaibigan ko sa sakit.
“Tangina, wala naman kayong silbi sa klase natin e!” Bigla akong kinilabutan ng marinig ang boses niya. Totoo ba ito?
“B-bakit mo 'to ginagawa?” tanong ko.
Humalakhak siya nang tawa at pagkuwan ay tumahimik.
“Bobo ka talaga,” pagkasabi niya no’n ay isinaksak na niya nang tuluyan si Hannah sa leeg. Napatakip ako ng bibig at napaiyak.
Wala talaga kong k’wenta. Wala man lang akong nagawa.
“Bakla ka talaga, walang silbi!” Pagkasabi niya no’n ay binitawan na niya si Hannah at dahan-dahang lumapit sa ’kin. Umatras ako dahil natatakot ako na baka patayin niya rin ako.
Umagos ang dugo sa kaniyang leeg, nakakakilabot dahil nakatingin sa ’kin ang mga mata ni Hannah kahit nakahandusay na siya sa lupa.
Tatakbo na sana ako ngunit naabutan niya ako. Sinaksak niya ako sa tagiliran kaya napa-upo sa sobrang sakit.