Liham ng Isang Ina

18 5 0
                                    

Para sa pinakamamahal kong mga anak

Anak, sana'y mapatawad niyo ang nanay
Kung wala siya noong kailangang-kailangan niyo ng gabay
Hindi ko alam kung paano humantong sa ganito
Gayong kapakanan niyo lang naman ang nasa isip ko

Habang dugo't pawis niyo ay inaaalay
Iniwan ko kayo nang walang kamalay-malay
Tinitiis bawat araw at gabing puno ng lumbay
Mabigyan lang kayo ng masagananv buhay

Patawad dahil sumama ako sa iba
Isa, dalawa, hindi ko na alam kung ilan sila
Kumapit sa patalim at kayo'y inabanduna
Baka tama nga sila, wala akong kwentang ina

Oo, nagpagamit ako kung kani-kanino
Wala, desperadang ambisyosa ang ina niyo
Nagpababoy, winasak ang dating buo
Putang ina, bakit ba ganito kung umikot ang mundo

Patawad kung wala akong nagawa
Ako'y natakot, naduwag, naging mahina
Patawad kung hindi ko kayo ipinaglaban
Dahil mas nanaisin ko pang masaktan ng lubusan
Kaysa kayo ang makitang nahihirapan

Inaamin ko, nagkamali ako
Nagpauto, nagpaloko
Ngunit walang mangyayari kahit magsisi pa ako
Kaya kahit labag sa loob ko, ito'y akin nang paninindigan
Ito, ito ang kapalit ng paghangad ko sa kasarinlan
Na hindi ko na alam kung atin pang makakamtan

Mga anak, sana'y wag niyong tularan ang nanay
Magsilbi na sana itong leksyon sa inyong buhay
Gawin niyo sa inyong magiging mga anak ang bagay na hindi ko nagawa
At ang pagkakamali ko'y sana gawin niyo nang tama

Hanggang dito na lang ang aking liham
Sana kahit papaano ako'y inyong pinakinggan
At lagi niyo sanang pakatatandaan
Siglo man ang dumaan
Nakatatak kayo sa aking puso't isipan

Mahal na mahal ko kayo

Nagmamahal,
Inang bayan

WrittenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon