Ikalima

9 1 0
                                    

   Alas-sais pa lamang ng umaga ay tirik na tirik na ang mga mata ng dalaga. Maaga itong nag-iimpake ng kaniyang mga dadalhin para sa paglilipat. Wala na siyang dahilan pa para manatili roon dahil na rin sa hindi nila pagkaka-ayos ng binata. Wala rin siyang ibang papasukang trabaho roon kaya handa siyang sumugal sa kaniyang pupuntahan kahit na anong mangyari.

Nasa kalagitnaan ng pagtutupi ng mga damit niya ang dalaga nang makita niya sa bulsa ng isang pantalon ang iginuhit niyang litrato ng binata. Pinlantsa niya ito ng tuwid gamit ang malambot niyang palad at pinagmasdan ng mabuti. Napangiti ito ng bahagya ngunit agad ding napalitan ng pighati ang kaniyang nararamdaman. Huli na nang makita ng dalaga ang sariling yakap-yakap ang piraso ng papel sa madilim na silid habang ang mga luha niya'y nagkakarera sa pagbagsak. Hindi niya kayang iwanan ng ganon-ganon na lamang ang binata ngunit wala nang paraan pa para kausapin siya nito.

Alas-dose ng tanghali nang matapos ang dalaga sa pag-aayos sa lahat-lahat. Mula sa mga kaniyang bibitbitin hanggang sa paglilinis ng tinirhan nila ng ilang taon ng kaniyang ina at ama. Napakaraming ala-ala ang hawak-hawak nang tahanan na ito simula pa lamang noong nabubuhay pa ang kaniyang ama hanggang sa paglisan niya rito. Handa na siguro siyang harapin ang mga hamon ng buhay ng mag-isa at hindi dumepende sa kahit sino. Gagawin niya ang lahat para makapagtapos para na rin sa kahilingan ng yumaong ama bago ito lumipas at gagawin niya rin ang lahat para sa muli niyang pagbabalik sa mga bisig ng binata kapag ayos na at hindi pa huli ang lahat.

Mataas na ang sikat ng araw nang handa nang umalis sa subdibisyon ang dalaga. Nakalagay na ang kaniyang mga damit at susuotin sa isang malaking 'back-pack' na nasa likuran niya na ngayon at isang malaking itim na maletang naglalaman ng iilang gamit na importante at mahalaga sa kaniya. Binuksan na ng dalaga ang gate ng bahay nila at sinulyapan ito sa huling pagkakataon. Hindi masaya ang mukha nito bagkus ay paiyak na at handa na namang agusan ng maraming luha ngunit bago pa man mangyari iyon ay tumungo na siya sa daan papalabas at hindi na lumingon pa.

Kakagaling lang ni Mrs. Feng at Sao sa karinderya upang bumili ng kanilang tanghalian ng makita ng binata kung sino ang malayo na ang nilalakad papalabas ng subdibisyon. Tiningnan ng binata ang ina sa mga mata nito at nakatanggap naman siya ng isang tango mula rito. Ibinagay na ng binata ang hawak nitong supot na naglalaman ng iba't-ibang putahe sa ina nito at dali-daling tumakbo upang habulin ang dalaga.

Huli na ang lahat ng makita ni Sao na gumagawa na ng daan paakyat ng bus ang dalaga. Nasa tapat siya ng gate ng maibaling ng dalaga ang mga tingin nito sa kaniya. Pipigilan niya pa sana ito nang mabilis na kumawala ang dalaga sa pagtitinginan nilang dalawa.

Nakapasok na ang dalaga sa loob ng bus at magsisimula nang umandar ito.

"Sandali! Huwag kang umalis!"

Sigaw pa ng binata habang pilit niyang hinahabol ang mabilis na pag-andar nito. Nakasubsob ang mukha ng dalaga sa hawak-hawak niyang bag habang patuloy na bumubuhos ang kaniyang mga luha. Wala siyang iba pang magawa kung hindi ang masaktan sa sarili niyang mga desisyon. Muli niyang sinulyapan ang binata sa repleksiyon nito sa bintana ng sasakyan at kita niya ang pagpupursigi nitong maabutan ang bus. Nagsimula nang wala ang repleksiyon nito sa salamin na agad na nagpadungaw sa wala na ngayong humpay sa pag-iyak na dalaga. Nakita ng dalawang mata niya ang nakayuko at hingal na hingal na ngayong binata habang hinahabol ang hininga nito. Gustuhin niya man itong balikan at tulungan ngunit hindi niya magawa dahil sa mas nananaig ang sigaw ng kaniyang utak sa kaniya. Bumalik na siya mula sa pagkaka-upo at lalong lumakas ang pagbuhos ng mga luha sa kaniyang mga mata.

Tumatagak-tak ang pawis ni Sao sa kalsada habang nakayuko ngunit hindi niya rin inaasahang sasabay ang mga luha niya sa pagtulo sa daan. Hindi niya nagawang pigilan ang kaisa-isang dalagang nakasungkit ng kaniyang puso. Ngayon, hindi niya na alam pa ang dahilan ng kanilang pananatili roon dahil sa paglisan ng dalaga sa tabi niya. Hindi niya na rin maintindihan kung ang sadya pa ba nila ng kanilang paglipat sa bansang ito ay ang pagtatago mula sa mga mapang-api at mapang-abusong mortal na ang tanging hangad ay ang ubusin ang kanilang lahi. Ngunit hindi rin siya makasisigurado kung may paraang makakasama niya ang mortal na minamahal habang palipat-lipat sila ng pagtataguang lugar. Hindi siya mortal at alam niya iyon sa kaniyang sarili.

Ciao, SaoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon