Akala ko Nawala ka na sa Akin

14 0 0
                                    

Sa tuwing tititigan ko ang mga mata mo
Hindi ko na nakikita ang paraiso na madalas mong ipasilip sa akin noon
Yung magandang hardin na sabi mo'y itinayo mo para sa akin
Yung binuo mong kaharian na sabi mo'y paghaharian nating dalawa
Lahat ng bagay na magkasama nating binuo, tinatag, ginawa
Dahan-dahan nang nawawala
Akala ko, hindi ka na sa akin

Kahit anong hanap ko sa kislap ng ngiti mo noon
Tuwing namumutawi ang mabubulaklak na salita
At lumalandas ang matatayog na pangakong sinabi mo pa'y
Itaga ko sa bato, hindi magbabago, hindi maglalaho
Diyan sa mga labi mo, diyan mismo kung saan pilit kong inaaninag
Ang mga ngiting unti-unti nang lumalabo
Akala ko, hindi ka na sa'kin

Hindi ko alam kung dapat ko bang ikatuwa
Ang init ng iyong mga kamay
Siyang nanatiling mainit sa pagmamahalang nanlalamig
Ngunit
Anong hapdi ang hatid sa kamay kong nangangapa ng pag-ibig
Akala ko, hindi ka na sa'kin

Hindi ko na mamukhaan
Ang dating kisig ng pag-ibig na sinabi mo'y walang kupas
Bawat ngiti'y napapawi
Lumalamig na ang gabi, dumidilim na ang paligid
Hindi magbabago, hindi maglalaho, hindi magbabago, hindi maglalaho
Nagbago, naglaho, nawalan ng mukha ang pagsinta mo
Akala ko, hindi ka na sa'kin

Ayoko nang isipin pa kung paano
Ayoko nang hanapin pa kung ano yung talagang naglaho
Ayoko nang magtaka kung paano nagiging sintunado
Ang awitin ng saya na sabay nating hinanapan ng tono
Hindi ko gusto na hindi mo na ako gusto
Ayokong tanggapin na talo ako sa labang ito
Dahil sinabi mo noon na sabay tayong mananalo
At ang kalaban ay hindi ikaw o ako
Kundi ang mga pagsubok ng mundo
Ngunit nasaan na nga ba tayo
Hindi ko alam kung dapat na ba akong sumuko sa isang laban na wala naman palang panalo

Halik mong matamis, unti-unting pumapait
Kumakalas na ang iyong pag-ibig
Pati na ang yakap mo na napakahigpit
Bakit naman parang kay bilis?
Kanina lang mahal mo ako
Ngayon hindi na yata ako parte ng buhay mo
Akala ko hindi ka na sa akin

Kaya pala hindi kita kalaban
Kasi laro mo ito
Ikaw ang gumawa ng mga bagay na nagpahirap sa akin sa buhay ko
Ang pag-aakala kong hindi ka na sa akin ay kahibangan
Pagkat aking natuklasan
Hindi ka naging akin kailanman

Sabi nila
Lahat ng hindi inaalagaan, nawawala
Ingatan mo ang pag-aari mo
Upang hindi mawala sa iyo
Maaaring hindi nga kita iningatan
O maaaring hindi naman pala kita pagmamay-aari noon pa man

PLEASE VOTE AND COMMENT AFTER YOU READ. VOTES CAN MOTIVATE ME IN WRITING BETTER STORIES AND POEMS. THANK YOU SO MUCH!

PARA SA BROKENHEARTEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon