May Bago Na'ko

2 0 0
                                    

may bago na'ko

meron na akong bagong mamahalin
mula sa araw na ito siya na ang aking uunahin
paulit ulit kong babatiin
ng magandang umaga kahit pa tanghaliin ako ng gising

may bago na akong pag-ibig
hindi na ikaw ang laging nasa isip
sa bawat lingon ko sa aking paligid
hindi na mukha mo ang nasa bawat gilid

mahal may bago nakong pinagkakaabalahan
ang pagmamahal ko'y hindi na sa'yo nakalaan
ang bawat minutong dati'y para sa'yo lang
ngayo'y hindi na hahayaan na sa'yo ay masayang

hindi na ako magpapadala
sa kislap na nakikita ko sa'yong mga mata
sa tuwing humihingi ka ng tawad at panibagong tsansa
may bago na ako kaya malaya ka na

ang dinulot mong sakit noon
ay nakalimutan ko na ngayon
ang atensyon ko't pag-ibig ay hindi na sa'yo nakatuon
pagkat mahal, may bago nako

pero hindi ko naman sinabi na sa maikling panahon
ay nahanapan ko ng tugon
ang mga tanong na nabuo nang iwanan mo ako noon
hindi ko rin sinabing hindi na kita ipinagdarasal sa Panginoon

mahal ko, wala akong sinabing ang puwang sa aking puso
na nakalaan para lang sa'yo
ay agad na napalitan ng ibang tao
ang espasyong iyon ay mananatiling sa iyo

ang pagmamahal sayo ay hindi kukupas
hindi ka mapapalitan at hindi lilipas
ang pag-ibig ko sayo'y mananatiling walang bawas
ipagdarasal ka pa din at iibigin ng wagas

pero sinta ang aking punto
ay magmula sa araw na ito
ay hindi na ikaw kundi ako
ako naman muna ang mamahalin ko


PARA SA BROKENHEARTEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon