#TatakPL
#Depression
#PsychedelicApril
#April4bAKIT AKO NAG-IISA?
Gumigising ako sa umaga, maliligo, babyahe papasok ng opisina. Maayos naman daw kinikita ko. Maayos naman daw posisyon ko. Mayroon akong asawa, matalino, masayahin, Laging handang sumuporta. Hindi siya perpekto pero wala na kong dapat hanapin pa. Mayroon din akong isang anak. Mabait, bibo at magalang. Malayo sa mga batang kalye na bastos at palamura.
Dahil sa pagta-trabaho sa ibang bansa, nakapag-ipon kami para makakuha ng bahay. Nang umuwi ako ay nakabili kami ng sasakyan. Kung tutuusin, malayo na ang estado ko ngayon, kumpara sa buhay ko noon. Dapat masaya ako.
Heto ako ngayon, naglalakad patungong opisina, mabigat ang loob. Hindi ko alam kung bakit. Dahil ba coding ako ngayon? O dahil nagtalo na naman kami ng asawa ko dahil mag-aasikaso ng gastusin sa bahay at sumasabay ang bulok kong sasakyan sa dami ng dapat palitan. Marahil mabigat ang dibdib ko dahil magkikita na naman kami ng amo kong napakagaling at walang makita kung hindi ang kamalian ko.
Hindi ko alam. Ang alam ko lang, masama ang loob ko. Naiinis akong pareho lang naman kami ng problema ng asawa ko pero nakikita ko ang mga post niya sa social media patungkol sa pasasalamat sa Panginoon at sa mga biyayang binigay Niya sa amin. Nakikita ko ang post ng anak ko na masaya dahl lang sa milktea na pasalubong sa kaniya kagabi. Nakikita ko ang post ng mga kasamahan kong nakangiti habang nag-iinom sa gabi matapos ng mahabang trabaho at sermon ng mga superior namin.
Bakit masaya sila at hindi ako?
Kanina sa tulay ng over pass nakita ko ang pulubing putol ang mga paa pero nakangiting nagkakape habang nakabalandra sa semento. Mas masaya ba ang buhay nila kaysa sa kalagayan ko ngayon? Anong mayroon sila na wala sa akin? Bakit ako ganito?
Naglalakad ako mag-isa sa kalyeng binabaybay ko. Tahimik. Malamig pa ang umaga. Pero masikip na ang dibdib ko at hindi makahinga. May mali, pero ano? Bakit parang ako lang ang nakakaramdam ng lahat ng mali? Ano ba ang mali? Marami akong kaibigan. Mayroon akong uuwiang pamilya. Pero bakit ako nag-iisa?
Wakas
BINABASA MO ANG
Psychedelic April
LosoweShort Stories about psychological experiences #Schizophrenia - psychotic na disorder na kung saan nagiging kakaiba ang perspective niya sa reality. Napaghahalo niya ang totoo sa hindi. #DejaVu- 'Yong pakiramdam na nangyari na noon ang isang event sa...