Pamagat: Bahaghari sa Dilim
Tagu-taguan nagdidilim ang buwan
Wala sa likod, wala sa harap kundi nasa loob.
Alas dose na ng tanghali, naririnig ko na ang mga hiyaw ng mga taong sumasabay sa indayog ng mga masasayang tugtog, gusto kong makisaya, gusto kong makisama, pero hindi ko pa kaya.Nadaanan ako ng parada, narinig ko ang mga hiyaw ng mga baklang ipinagmamalaki ang hawak nilang bandera, narinig ko ang mga sigaw ng mga lesbyanang ipinagmamalaki ang kung anong meron sila, narinig ko ang mga sigaw ng mga babaeng dating lalaki na nagsasaya dahil sa wakas napunan na nila ang kulang sa pagkatao nila.
Nadaanan ako ng parada... at napaisip ako. Sana nandun ako. Nagsasaya at nilulubos ang mga oras na kasama ko ang mga taong katulad ko sa lugar kung saan walang saysay ang salitang diskriminasyon. Sa lugar kung saan hindi ko kailangang magkulong sa loob ng madilim na aparador. Lugar kung saan hindi ko na kailangang magmukmok sa lugar na nakakasulasok.
Saglit kong binuksan ang pinto ng aparador at sa puntong yon nasilaw ako sa liwanag ng makulay na paligid. Nasilaw ako sa mga ngiti ng mga taong may hawak ng banderang bahaghari, nasilaw ako sa liwanag ng bahaghari.
Hindi ko namalayang lumagpas na ang parada lumagpas na ang mga taong ipinagmamalaki kung ano sila. Tila tuldok nalang sila sa aking mga mata pero hagip ko parin ang kinang ng mga banderang bahaghari na iwinawagayway ng mga taong sumasabay sa indayog ng tugtog. Rinig ko parin ang sigaw ng mga bakla at lesbyanang nagsasayaw habang isinisigaw ang mga katangang "Pag-ibig ay pag-ibig"
Sa puntong yon ay humarap ako sa salamin upang pagmasdan ang sarili kong matagal na nagmukmok sa lugar na nakakasulasok.
Matagal tagal din akong umiwas sa mga talim, ngayon ay panahon na para bigyan ng liwanag ang bahaghari sa dilim.
Tagu-taguan lumiwanag ang buwan, wala sa likod.... wala sa harap.... tapos na sa loob... ngayon ay lalabas at sa puntong ito sa takot ay di magpapataob..
BINABASA MO ANG
100 Tula
PoesieLahat ng tulang nakapaloob dito ay akin pong nilikha. Kung sakali po sanang gagamitin ninyo ay ipagbigay alam ninyo. Maraming salamat!