Pamagat: Mayo trese
Bakit ka bumoboto?
Bakit ba kailangan mong pumili ng kandidato?Bago ka gumising ng maaga bukas para bumoto, isipin mo muna ang sagot sa dalawang tanong kong ito.
Sa mga nakalipas na araw, sana binuksan mo ang mata mo at nagmasid sa paligid, tinignan ang bangketa na may mga matatandang nagtitinda kahit hirap ng makakita. Kumakayod mula pagsinag ng araw hanggang sa dumating na naman ang panibagong araw.
Sana binuksan mo ang mata mo at nagmasid sa paligid, ginawi ang tingin sa mga batang natutulog sa lansangan, gigising kinaumagahan at sisimulan ng maglakbay dala dala ang isang piraso ng lata para paglalagyan ng barya na magpapatahimik sa nagwawala nilang bituka.
Sana binuksan mo ang mata mo at nagmasid sa paligid, tinignan ang mga kaawa awang bata na maagang nagbabanat ng buto para may ipambuhay sa pamilyang ang kinakain sa isang araw ay nakalagay lamang sa iisang plato. Mga batang dapat ay nasa loob ng silid aralan, pero heto sila, nagtatrabaho dahil sa kahirapan.
Bakit ka bumoboto?
Para kanino ka bumoboto?Bago mo itiman ang napili mong kandidato, isipin mo muna ang dalawang tanong kong ito.
Sa mga nakalipas na araw, sana binuksan mo ang mata mo at nagmasid sa paligid, ginawi ang tingin sa mga anak ng dagat na tila tinatanggalan ng karapatang kumuha ng kabuhayan sa sarili nating karagatan
Sana binuksan mo ang mata mo at nagmasid sa paligid, iniliko ang tingin sa mga magigiting na taong may hawak ng pananim na kung di dahil sa kanila ay wala kang kinakaing kanin. Mga taong walang sawang nagtatanim pero sa dulo ng araw ay tila sila pa ang walang makain. Mga taong bigas ang nginangawa pero bala ang minsang nakukuha.
Sana binuksan mo ang mata mo at nagmasid sa paligid, tinignan ang gawing kanan kung saan merong nakakalbong kagubatan, nasisirang kabundukan at kapatagan na dapat sana ay sinasakahan pero tila napapalitan na ng kabahayan. Mga lugar na dapat ay pinagyayaman pero parang gusto pang tayuan ng kumpanya ng dayuhan.
Sana binuksan mo ang mata mo at nagmasid sa paligid, inikot ang paningin at sana nakita mo ang isang babae na tila lumuluha, nakagapos ang bibig at ang kamay ay nakaposas nang tanungin ko ang pangalan niya ang sagot niya? "Pilipinas".
Bakit ka bumuboto?
Bakit ba kailangan mong pumili ng kandidato?Para kanino ka bumoboto?
Kapatid, kapamilya, kapuso... kababayan gumising ka na at itigil mo na ang pakikinig sa ritmo ng kanilang kasinungalingan.
Nasa kamay mo ang susi na pwedeng magtapos sa pahihirap na iniinda ng ating bayan. Bukas, Mayo trese pupunta ka sa lugar ng pagboto. Parang awa mo na wag kang tatanggap ng limang daan sa mga leche.
Bakit ka bumoboto?
Para kanino ka bumoboto?Ngayon, babaguhin ko.
Gumiaing ka ng maaga para bumoto, at piliin mo ang karapat dapat na kandidato.
Siguraduhin mong ang gagamitin mong tinta ay sa karapat dapat na kadidato mapupunta.
#Eleksyon2019
BINABASA MO ANG
100 Tula
ŞiirLahat ng tulang nakapaloob dito ay akin pong nilikha. Kung sakali po sanang gagamitin ninyo ay ipagbigay alam ninyo. Maraming salamat!