Prologue

112 3 0
                                    

Sa huling pagkakataon ay hinawakan ko ang kanyang mga kamay. Alam ko na sa oras ng pagbitaw ko, magiging alaala na lamang ang lahat. Masakit man para sa akin na iwan siya sa ganitong paraan, ito ang makakabuti para hindi na siya muling mapahamak nang dahil sa'kin. Nais ko mang makasama siya nang mas matagal ay hindi ko na kayang makita siyang nagdurusa lalo na kung ako ang puno't dulo nito. Ayoko nang dagdagan ang sakit at hirap na kanyang nararamdaman kaya ako na mismo ang unang bibitaw.

"Patawarin mo ako, Mariano."

Iyon lang ang aking nasabi habang nakatitig sa kanyang mga mata. Batid kong hindi sapat ang mga salitang ito upang bawasan ang kirot na nararamdaman niya. Labag man sa aking loob na makita siyang umiiyak, ito lang ang tanging paraan para mailigtas ko siya... Ang wakasan ang lahat ng aking sinimulan.

"H-hindi pa huli ang lahat, Emmanuela." Mas lalo niyang hinigpitan ang paghawak sa aking kamay. "Sumama ka lang sa'kin, itatakas kita." Pagmamakaawa niya.

Kasabay ng mga katagang kanyang ibinigkas ay ang marahang pagpatak ng luha mula sa aking mga mata.

"Mahal kita, Mariano...Iyan ang lagi mong tandaan." Mahina kong sambit bago ko inalis ang aking kamay mula sa kanya. Tumalikod na rin ako upang maglakad papunta sa gitna ng plaza kung saan maraming mga sundalo ang nakatayo. Ngunit bago pa ako magsimulang humakbang ay naramdaman ko ang kanyang mahigpit na yakap na tila ba'y sinasabing huwag nang ituloy ang balak kong gawin.

"Emmanuela, huwag mo 'kong iwan..." Humahagulgol niyang pahayag. At kahit nakatalikod, ramdam ko ang kanyang mga hikbi na siyang nagpadurog sa puso ko.

"Kailangan mo nang bumitaw." Pabulong na sabi ko habang pilit na pinipigilan ang malakas na pagbuhos ng aking mga luha. "Para sa'yo ang ginagawa kong ito."


Para lamang ito sa'yo...


Kinuha ko na ang kanyang mga kamay na kanina pa nakapulupot sa aking bewang. Nais ko mang lumingon ay hindi ko na ginawa sapagkat mas lalo lang akong mahihirapang umalis kung makikita ko siyang umiiyak. "Paalam, mahal ko." Bulong ko sa sarili bago ko sinimulang maglakad.

Ilang metro na ang layo namin sa isa't-isa. Nagsimula na ring bumuhos ang ulan na tila ba'y nakikisama sa aking pagdadalamhati. Unti-unti na ring nanghihina ang aking mga tuhod at isang hakbang na lamang ay bibigay na ito. Bigla ring nanlabo ang aking paningin nang makarating na ako sa pinakagitnang bahagi ng plaza.

Napahawak ako sa aking dibdib nang maramdaman ang pagsikip ng aking hininga.

Ito na nga ba ang wakas?



Muli kong nilingon ang kinaroroonan ni Mariano at sa panahong iyon ay pareho na kaming nakaluhod sa damuhan.

Pinilit kong ngumiti bago ko maramdaman ang sunod-sunod na pagtagos ng bala sa aking katawan.

Mahal kita, Mariano... Sana'y tama ang naging desisyon ko.

My Love from 1899Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon