"Ang Pamilya Asuncion"
Ano ba ang nagawa ko?
Iyon ang tanong na paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan.
Nakaupo ako ngayon sa aking kama habang tinititigan ang sarili sa harap ng salamin. Hindi ko pa rin makalimutan ang mga nangyari kanina. Matapos ko kasing iwan si Mariano ay pinilit ko si Josefa na umuwi na lang kami. Hindi naman niya nagawang magtanong dahil agad ko siyang hinila palabas ng mansyon at dali-daling tumakbo hanggang sa makarating kami sa bahay.
"Emmanuela, nakikinig ka ba?"
Napatingin naman ako kay Josefa na nasa tabi ko pa pala. Nakalimutan ko na yatang nandito rin siya sa loob ng aking silid.
"A-ano nga ulit iyon?"
"Hay, naku! Hindi ka ba nakikinig?" Nakasimangot na sabi ni Josefa.
"Pasensya na, may iniisip lang ako." Napabuntong-hininga na lang ako.
"Ano ba kasi iyon at daig mo pa ang karagatan sa lalim ng iyong iniisip?"
Napailing naman ako. Kung papipiliin ako, mas mabuting tumahimik na lang ako kaysa ikuwento ko sa kanya ang lahat ng nangyari. Tiyak ako na pagtatawanan niya lang ang kahihiyang natanggap ko.
"Alam mo, kung ano man ang nasa loob ng iyong isipan ay kalimutan mo na muna iyan."
Tumayo si Josefa sa harapan ko at may kinuhang bayong mula sa isang kabinet.
"Nakikita mo ba 'to?" Itinaas niya ang kaliwang kamay kung saan bitbit niya ang bayong.
"Ano ba ang gagawin mo gamit iyan?"
"Ibig sabihin nito..." Napahinto muna siya bago ngumiti nang todo.
"Makakasama na kita ulit!" Kaagad siyang lumundag sa kama at tumabi sa akin.
Napangiti na rin ako kahit na hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya.
"O siya, Emmanuela. Ihanda mo na ang iyong mga gamit at bukas ay susunduin kita dito sa umaga."
"Saan ba ulit tayo pupunta?" Napakamot na lang ako sa ulo. Ang hirap palang magpanggap bilang Emmanuela.
"Oo nga pala, nakalimutan mo na. 'Di bale, bukas na bukas ay makikilala mo rin ang pamilya Asuncion. Doon tayo naninilbihan, matapos kasing mamatay ang iyong ina ay nalugmok sa pagkakautang ang iyong ama dahilan para manirahan ka sa bahay ng mga Asuncion bilang tagapagsilbi."
Namatay na rin pala ang ina ni Emmanuela?
Hindi ko naman mapigilang malungkot. Kaya pala may nakita akong bahid ng kalungkutan sa kanyang mga mata kasi pareho kaming naulila sa ina.
"Nasaan naman si ama?"
"Si Tatang Trinidad ay abala sa pagiging sundalo. Sa ngayon ay nasa Maynila siya kasama ang hukbo gayun din si Ginoong Emilio. Ang usap-usapan kasi, may balak na angkinin ng mga Amerikano ang ating bansa kaya agad na lumuwas papuntang Maynila ang buong hukbo para makipag-usap sa kanila."
Napaisip naman ako bigla.
Sa pagkakaalala ko, matapos ang naging Kasunduan sa Paris ay pumayag ang mga Amerikano na magbayad ng dalawampung milyong dolyar sa pamahalaang Kastila para sa nagastos ng Espanya sa pagpapaunlad sa Pilipinas. Subalit hindi raw kinilala ng dalawang bansa ang kalayaan natin kaya tinanggihan nilang magkaroon ng kinatawang Pilipino sa nasabing kasunduan. Ito ay dahil umano sa totoong hangarin ng mga Amerikano sa ating bansa. Ibig nilang gamitin ang bansa sa pagpapalawak ng kanilang kalakalan sa Silangan. Kapaki-pakinabang rin ang bansa bilang base ng mga Amerikano sa pagtatanggol sa Pasipiko. Sa kadahilanang ito ay mas ginusto ng Estados Unidos na angkinin ang bansa kahit na marami ang tutol sa ideyang ito.
BINABASA MO ANG
My Love from 1899
Historical Fiction1899, ito ang taon kung kailan naitatag ang unang republika ng Pilipinas. Ang panahon kung saan mapupunta ang manunulat na si Mia Quintos, sa katauhan ng isang dalagang nagngangalang Emmanuela, upang tuklasin ang katotohanan sa likod ng kuwento na m...