"Mensahe ng Isang Estranghero"
Maaga akong nagising ngayong umaga. Plano ko kasing pumunta muna sa sementeryo para dalawin ang puntod ni Mommy dahil birthday niya.
Pagkatapos kong maligo at magbihis ay agad akong lumabas ng bahay para bumili ng makakain sa convenience store. Isang canned coffee at cup noodles lamang ang kinuha ko.
Habang kumakain ay napasulyap ako sa picture frame kung saan makikita sina Mommy at Daddy habang hawak-hawak ako. Kapapanganak pa lamang ako noon at sabi nila ay inakala nilang lalaki ako. Noong una raw ay nadismaya sila dahil gusto kasi ni Daddy na ipangalan ako sa aking lolo. Ngunit nang marinig nila ang aking pag-iyak ay lumambot bigla ang kanilang puso. Naaalala ko pa nang ikuwento nila sa'kin kung paano sila nag-away habang pinag-uusapan ang aking pangalan. Ayon kay Mommy, nakuha nila ang aking pangalan mula sa "Princess Diaries". Iyon raw ang pelikulang paulit-ulit na pinanonood nila ni Daddy habang pinagbubuntis niya ako.
***
12 years ago...
"Daddy, gisingin na natin si Mommy!" Sabik na sabik kong pahayag habang tumatalon sa tuwa.
Birthday kasi ngayon ni Mommy at hiningi ko ang tulong nina Daddy at yaya para sorpresahin siya. Pumayag rin naman si Daddy at sinabihan si yaya na tulungan akong maghanda. Eight o'clock na nang matapos kaming magluto ni yaya at kararating lang ni Daddy habang hawak-hawak ang chocolate cake na paborito ni Mommy.
"Okay, sweetie. Just make sure not to make any sound." Nakangiting sagot ni Daddy pagkatapos niyang lagyan ng candle ang cake.
Tahimik lang akong sumunod kay Daddy. Ayoko kasing makagawa ng ingay gaya ng sinabi niya kanina.
Nang marating namin ang kwarto kung saan mahimbing natutulog si Mommy ay dali-dali ko itong binuksan.
"Happy birthday, Mommy!" Akmang yayakapin ko na sana siya ngunit natigilan ako nang makita ang dugong nakabalot sa kama ni Mommy dahilan para mapatingin ako kay Daddy na ngayon ay nabitawan ang cake na bitbit.
"D-daddy?" Hindi ko na namalayan nang mga oras na iyon ang mga luhang umaagos mula sa aking mga mata. Ang tanging alam ko lang ay maaaring hindi ko na muling masilayan si Mommy.
Naging mabilis ang mga pangyayari at nalaman ko na lang na nasa ospital na kami habang naghihintay sa labas ng emergency room.
"KASALANAN MO ANG LAHAT NG ITO!" Napalingon ako sa pinagmulan ng boses at nakita ko si lola na ngayon ay galit na galit habang kaharap si Daddy.
"Hindi sana magpapakamatay ang anak ko kung hindi niya nalaman na may iba kang babae!"
Hindi ko na pinakinggan ang mga sumunod na sinabi ni lola. Inilagay ko na lang ang aking mga kamay sa magkabilang tenga habang humahagulgol sa pag-iyak. Kasabay ng huling patak ng luha mula sa'king mga mata ang pagkawala ng pag-asa na makakasama ko pa si Mommy.
"I'm very sorry, Mr. Quintos. We did our best."
Iyon na lamang ang aking narinig bago ako nawalan ng malay.
***
Pinahiran ko na ang aking mga luha. Kanina pa pala ako umiiyak habang inaalala ang pagkamatay ni Mommy sa mismong kaarawan niya. Kahit ilang taon na rin ang nakalipas ay hindi pa rin mawala sa puso't isipan ko ang sakit at pangungulila na dulot ng nangyari. Ito ang dahilan kung bakit ako nag-iisa ngayon.
Lumabas na ako ng bahay bago pumara ng taxi. Ilang minuto rin ang itinagal bago ko marating ang sementeryo.
Nang malapit na ako sa puntod ni Mommy ay napahinto ako sa paglalakad.
Nakatayo si Daddy sa harap nito habang sinisindihan ang kandila sa dala nitong cake. Napatingin naman ito sa akin nang maramdaman ang aking presensiya.
"A-anak?" Hindi makapaniwalang tanong niya. Akmang lalapit na siya sa'kin ngunit nauna ko na itong pigilan.
"Huwag mo 'kong tawaging anak." Talagang nilakasan ko ang pagkakasabi ng mga katagang iyon.
Anong akala niya? Inaasahan ba niyang yayakapin ko siya matapos ang ginawa niya?
"Anak, hindi mo pa ba ako napapatawad?"
Oo, inaamin kong nasasabik akong makita si Daddy. Pero mas nangingibabaw ang galit sa puso ko, ang galit na naramdaman ko nang malaman ko na siya ang dahilan kung bakit namatay si Mommy.
"Humihingi ka ng kapatawaran?" Huli na nang mapagtanto kong umiiyak na pala ako.
"Maibabalik ba nito si Mommy? Kung patatawarin ba kita, babalik na ba sa dati ang buhay natin?"
Binitawan ni Daddy ang cake na hawak at nagulat ako sa sunod niyang ginawa.
"Mia, pakiusap..." Nakaluhod na pagmamakaawa ni Daddy na mas lalong nagpakirot sa puso ko. "Bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon para iwasto ang lahat ng pagkakamali ko."
Sana nga ganun lang kadali.
"I'm sorry, Daddy. Kailangan na siguro nating kalimutan ang isa't-isa." Mabigat man sa loob ko ay nagsimula na akong maglakad palabas ng sementeryo. Kasabay nito ay ang unti-unting pagbuhos ng ulan.
"Ma'am, may problema ka ba?"
Napatingin ako sa katabi kong driver. Medyo matanda na ito at maputi na rin ang buhok nito.
"Magmula kasi kanina ay hindi ka tumitigil sa pag-iyak."
Agad ko namang tiningnan ang mukha sa rearview mirror ng taxi. Umiwas naman ako ng tingin nang mapagtanto na ang pangit kong tingnan habang umiiyak.
Ganito ba talaga kahirap talikuran ang mga taong mahal mo?
"Kung ano man po ang inyong problema, lagi ninyong tandaan na nandiyan ang mga taong nagmamahal sa'yo upang damayan ka."
"Paano niyo naman po nasabi iyan?"
"Kasi naranasan ko na rin ang umiyak." Seryosong pahayag nito dahilan para muli akong mapalingon sa kanya.
Huminto naman ito sa pagmamaneho at humarap sa akin.
"Para sa'yo po ito." Inabot niya sa'kin ang isang panyo kung saan may nakalagay na pangalan. Isang pamilyar na pangalan--Emmanuela
Hindi ko maipaliwanag kung bakit may kakaiba akong naramdaman nang hawakan ko ang panyong ibinigay ni manong. Ewan ko pero parang may ipinahihiwatig ang tingin na ipinupukol niya sa akin.
"Pahiran niyo na po ang inyong mga luha." Nabaling naman ang atensyon ko sa kanya na ngayon ay nagmamaneho na ulit.
Imbes na gawin ang sinabi niya ay ibinalik ko sa kanya ang panyo. "Hindi ko po kailangan ang panyong ito."
"Ayaw mo bang baguhin ang iyong kapalaran?"
Bago pa ako makasagot ay muli na naman siyang nagsalita.
"Maraming mga misteryo sa mundong ating ginagalawan at ikaw ang isa sa mga ito..."
Kasabay ng mga salitang binitawan niya ay ang pagsalubong ng isang humaharurot na sasakyan patungo sa aming kinaroroonan.
BINABASA MO ANG
My Love from 1899
Historical Fiction1899, ito ang taon kung kailan naitatag ang unang republika ng Pilipinas. Ang panahon kung saan mapupunta ang manunulat na si Mia Quintos, sa katauhan ng isang dalagang nagngangalang Emmanuela, upang tuklasin ang katotohanan sa likod ng kuwento na m...