[April 30, 2019]
Limang taon. Limang taon ko ng palihim na pinagmamasdan si Nico mula sa malayo. Grade six ako noong simulang maging crush ko siya, pero hanggang ngayon wala pa din ako magawa kundi palihim na tignan siya.
"Isa, dalawa. Gusto kita." madiing sambit ko nang dumaan ako sa harap niya. Hindi niya na naman ako pinansin o sadyang hindi niya lang talaga ako narinig?
Araw araw ko siyang dina-daan daanan para sabihin ng mahina kung gaano ko siya kagusto. Pasensya na, ako na ang nagfifirst move. Mukhang wala naman siyang balak magfirst move sa aming dalawa.
Nasa library kami, kasama ko si Charles—bestfriend ko. Muli ko na namang nakita ang kaisa-isang crush ko. Nagbabasa siya sa pinakasulok ng library.
"Charles, nandyan na naman si Nico." kinikilig na sabi ko sabay hampas pa sa braso ng kaibigan ko. Ngumuso pa ako para ituro ang kinaroroonan ni Nico.
"Hindi kaba nagsasawang sabihing gusto mo siya?" walang emosyong tanong ng bestfriend ko.
Nagkibit balikat ako saka muling pinasadahan siya ng tingin.
"Gusto ko siya."
"Gusto ka ba?" I rolled my eyes. Alam ko kasing hindi niya ako gusto. Halata naman. Ni hindi nga siya interesado sa akin.
Namilog ang mata ko saka bumilis ang tibok ng puso ko nang magtama ang paningin naming dalawa. Hindi ko na pinalampas ang pagkakataon kaya kinawayan ko siya ng bongga ngunit nilagpasan niya lang ako ng tingin saka ngumiti.
Kinilig ako.
Halos magtatalon na ako habang sinusubukang kumalma at pigilan ang tili ko.
"Bes, nakita mo ba?" impit na tanong ko ngunit halata namang hindi maitago ang kilig sa boses ko.
"Oo, nakakadiri siya." Napatigil ako sa sinabi ni Charles. Sinamaan ko siya ng tingin ngunit binalik niya lang sa libro ang kanyang atensyon.
Kinabukasan, muli ko na naman siyang nakita. Ngingiting tinignan ko siya kahit nasa malayo ang kanyang paningin. Bahagya pa akong lumapit papunta sa kanya.
"Tatlo, apat. Gusto kita."
Muling tugon ko bago lagpasan siya.
Hindi niya ako nilingon kaya napasimangot ako. Kailan niya kaya ako mapapansin?Naglalakad siya sa hallway nang makita ko ulit siya. Nakangiti ako nang magtama ang paningin naming dalawa. Kinawayan ko siya ngunit tinanguan niya ako.
Sapat na sa akin 'yon, at least napansin niya ako.
"Lima, anim. Gusto kita." nakangiting sambit ko bago lagpasan siya.
Alam ko, narinig niya dahil napatigil siya.
Nanigas ako saka huminto din. Kinakabahan ako. Namamawis ang mga kamay ko. Humarap ako sa kanya at nakatingin siya sa akin.Shit!
Kinikilig ako.
"Hanggang kailan mo sasabihing gusto mo ako?" Ngumisi siya. Mabilis na tumibok ang puso ko.
Sabi na! Naririnig niya araw-araw ang pagsabi ko na gusto ko siya!
"Pito, walo. Gusto kita." masayang tugon ko kahit nanginginig na ang kamay ko.
Namamawis ang buong katawan ko.Gusto kong sumigaw. Gusto kong tumili. Kausap ko ang crush ko.
Ngumiti siya. Nagwawala na ang sistema ko dahil sa usapan naming dalawa.
Heto na ba yon?
Aamin na din ba siyang gusto niya ako?"Siyam, sampu. Wala akong gusto sayo." nakangising aniya.
Tumigil ang pagtibok ng puso ko. Tumigil ang paghinga ko at halos malaglag ang balikat ko nang marinig ko ang sinabi ni Nico.
"Siya ang gusto ko." ngumuso pa ito at may kung anong tinuturo sa likod ko.
Nanlalaki ang mata ko dahil sa gusto kong makilala ang taong gusto niya, saka ko nilingon kung saan bumaling ang mga mata niya.
Napatigil ako at napanganga nang makita kung sino ito.
"Sorry, I don't like you. Hindi tayo talo. Gwapo ako, pero gwapo din ang hanap ko. Now, die bitch!" maarteng sabi ni Nico saka nilagpasan ako. Dumiretso siya sa kanya. Sa bestfriend kong si Charles.