One

28.8K 252 5
                                    


NAG-INAT si Sassa mula sa pagkakasubsob niya sa harap ng drawing table. Ilang gabi na rin niyang pinaglalamayan ang mga illustrations para sa tatlong children's books na ibinigay sa kanya ng publishing company kung saan siya nagtatrabaho bilang illustrator. Iyon ang latest project niya bago siya makaungot ng bakasyon. Halos limang taon na rin naman siyang nagtatrabaho at ngayon lamang siya makakapag-bakasyon nang matagal-tagal.

Noon kasi ay lagi niyang iniintindi ang mga gastusin sa bahay nila at kung anu-ano pa. Ngayong nakapag-asawa na ang tatlong nakatatandang kapatid niya, ang mga magulang na lamang niya ang iniintindi niya. Hindi naman demanding sa kung anu-anong bagay ang mga ito kaya nakaluwag na rin siya kahit paano. May maayos na bahay at munting negosyong pinagkakaabalahan ang kanyang mga magulang. Hindi raw kasi sanay ang mga ito na walang ginagawa kaya hinayaan na lamang niyang magtrabaho ang mga ito sa maliit na karinderia sa harap ng bahay nila.

Napatingala siya at napangiti. "Hello, Tommy boy," bati niya sa poster ng lead vocalist ng bandang Sentinel. Paborito niya ang nasabing banda at sa mga miyembro niyon ay si Tommy ang pinakagusto niya. "Naku, huwag mo akong tingnan nang ganyan. Ikaw talaga. Sige ka, iisipin ko na patay na patay ka sa akin." She tucked her hair behind her ear and smiled sheepishly. "Ano ba, Tommy? Alam kong maganda ako pero hindi mo na kailangan pang—"

"Hoy, Boy Praning."

Agad na nalukot ang kanyang mukha nang malingunan niya ang bunso nilang si Marvel. "Ano 'yon, Totoy Dyutay?"

"Dyutay" ang tawag sa probinsiya nila sa Iloilo sa maliit. Late bloomer kasi ang kapatid niya dahil nang magbinatilyo ito ay hindi agad ito tumangkad. Napag-iwanan tuloy ito ng mga kapitbahay nilang kaedad nito. Bagaman tumangkad na ito ngayong beinte anyos na ito, hindi na nawala pa sa kulitan nila ang tirahin ang height nito.

"Wala naman, Ate." Sinunud-sunod nito ang pagnguya sa kinakaing singkamas. "Naririnig na naman kasi kitang nagsasalitang mag-isa. Ayaw mo pa rin ba talagang magpadala sa Mental?"

"Ikaw na lang kaya ang magpasok sa sarili mo ro'n? Tutal, ikaw naman ang nakaisip niyan."

"Hindi ako nakikipag-usap sa sarili ko. Si Tommy ang kausap ko." Napangiti uli siya nang balingan niya ang malaking poster ng kanyang ultimate crush. "Kaya umalis ka na, Boy Dyutay, kung ayaw mong maging dyutay na lang forever ang height mo."

"Ikaw talaga, Ate." Pumasok ito sa kanyang kuwarto. "Bakit pinagtitiyagaan mo ang isang poster? Maghanap ka nga ng totoong tao at nang makapag-asawa ka na rin. Tandaan mo, Ate. Nasa kritikal na kondisyon ka na. Next month ay magbebeinte-otso ka na, 'di ba? Naku, makunat ka na. Wala nang papatol sa iyo."

Pinalagpas niya ang sinabi nito. Hindi kasi niya magawang magalit o magpakita ng anumang negatibong ugali sa harap ni Tommy, kahit poster lamang iyon. Pakiramdam kasi niya ay lagi na lamang siyang pinagmamasdan ng guwapong mukhang iyon.

"Wala akong pakialam kung kumunat man ako o hindi. Basta, si Tommy lang ang gusto ko."

"Hindi ka papansinin niyan, Ate. Unang-una, sikat na sikat iyan. Maraming magagandang babaeng siguradong nagkakandarapa na mapansin niya. Pangalawa, super-yaman niyan. Ikaw ba naman ang maging kapatid ng isang bilyonaryo, ewan ko na lang kung hindi mo maisipang bilhin ang Pilipinas."

"Wala akong pakialam. Basta hindi mo na madudungisan pa ang imahe sa akin ni Tommy ko. Pero ikaw, bakit mo ba pinag-iinitan si Papa Tommy ko? ha? Ano'ng problema mo?"

"Wala naman."

"Gusto mong magkaroon ng problema?"

Ngumiti lamang ito, saka dahan-dahang inilabas ang isang tila maliit na piraso ng papel mula sa bulsa ng cargo pants nito. "Hindi mo ako puwedeng saktan ngayon, Ate."

Crazy Little Thing Called LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon