Five

6.2K 108 0
                                    


NAKAPANGALUMBABA si Sassa sa kanyang drawing table habang nakatitig sa poster ni Tommy na nasa harap niya. Itinatapik-tapik niya sa kanyang kamay ang lapis na gamit niya sa pagdo-drawing. Ilang oras na siya sa ganoong posisyon na nakatitig lamang sa larawan nito. Hanggang nang mga sandaling iyon ay iniisip pa rin niya ang mga nangyari nang nagdaang gabi. Kasama na roon ang eksena pagkatapos nilang kumain sa isang convenience store. Kung titingnan niya iyon ng may positibong pananaw, puwede nang ituring na nag-date sila.

Napangiti siya sa naisip. A date was not such a bad idea. Kaya lang, tuwing maaalala niya kung ano lamang ang napag-usapan nila ni Tommy ay nabubura agad ang ilusyon niya. Ngayong nakapag-isip na siya nang matino, mas naintindihan niya ang dahilan ng pagkunot ng noo nito sa mga sinabi niya. She clearly stated she did not want to be with him, which was not true. Dahil gusto niya ito. Gustung-gusto niya ito. Pero...

"You hate me now, don't you?" tanong niya sa larawan nito. "Ikaw naman kasi. Bakit ganito na lang ang epekto mo sa akin? Matalino ako, makapal ang mukha, at malinaw ang pag-iisip. Pero kapag ikaw na ang kaharap ko ay lagi na lamang akong parang nawawala sa sarili. Lagi na lamang palpak ang mga ginagawa ko. Tingnan mo nga ngayon, kinakausap ko pa ang larawan mo. Praning na nga yata ako."

Tumayo siya at hinaplos ang mukha nito. "I really, really like you. Lalo na no'ng binilhan mo ako ng pagkain kanina para lang ma-relax ako. 'Tapos, sinagot mo pa ang lahat ng mga tanong sa questionnaire na iyon na ewan ko ba kung sinong sira-ulo ang nag-isip ng mga iyon."

Ang dami na pala nitong nagawa para sa kanya. No wonder na lalo pang tumindi ang paghanga niya rito. Siguro nga ay mali na lumayo siya rito. Kaya lang, baka sa susunod na may magawa siyang kapalpakan ay ito ang mapahamak. Ayaw niyang mangyari iyon.

"Tommy, ano'ng gagawin ko? Gusto uli kitang makasama. Gusto ko uling maramdaman ang pag-aasikaso mo. Gusto ko uling—"

"Ate, mukha ka na namang tanga riyan."

Binato niya ng lapis si Marvel na nakatayo na naman sa pintuan ng kanyang kuwarto. Ngumunguya ito ng bubble gum. "Paano mo ba nabubuksan ang kuwarto ko? Nakakandado 'yan, ah."

"Hindi po. Lagi mo kayang iniiwang nakabukas ang pinto mo kapag nandito ka."

Hindi siya lumayo sa poster ni Tommy nang balingan niya ito. "Ano na naman ang kailangan mo? Mamaya ka na maglaro sa computer. Busy pa ako sa pag-e-emote."

"Hindi naman ako maglalaro, eh. May gusto lang akong itanong sa 'yo."

"Ano 'yon?"

"Nililigawan ka ba ni Tommy?"

"Ba't mo naitanong 'yan?"

"Eh, kasi inihatid ka niya rito. Samantalang hindi naman kayo magkakilala."

"Bakit? Naiinggit ka?"

"Babae ba siya?"

"Ewan ko sa 'yo. Kung wala ka nang kailangan sa akin, iwan mo na ako rito at magpapakasenti pa ako."

"Kung hindi ka niya nililigawan, dapat hindi ka niya inihatid dito."

"Eh, pakialam mo ba? Sa gusto niya akong ihatid dito."

Nagkibit-balikat ito. "Para nagsasabi lamang ako ng obserbasyon ko."

"Na?"

"Na mukha kayong mag-boyfriend kanina. Kaya inulan ako ng tanong ng mga kapitbahay natin. Naiinggit yata sila sa 'yo. Sige, paalam."

"Marvelo, sandali!" Nilingon siya nito. Nilapitan naman niya ito. "Talagang magkasintahan ang tingin ng mga kapitbahay natin sa amin kanina ni Tommy?"

"Hindi. Joke ko lang iyon."

Binatukan niya ito ngunit nakailag ito. "Umalis ka na nga. Iniistorbo mo lang ako."

"Oo na. Siyanga pala, may tawag ka sa phone."

Kumabog ang kanyang dibdib. Iyon ang unang beses na na-excite siya nang labis sa isang simpleng phone call lamang.

"Sino raw? Si... Tommy ba?"

"Hindi naman 'kamo kayo mag-boyfriend kaya bakit ka niya tatawagan?" Tinalikuran siya nito. "Si Ate Rowena ang nasa phone."

Napalis ang excitement na nadarama niya nang marinig ang pangalan ng caller niya. Subalit sinagot pa rin niya ang tawag sa extension phone sa kanyang kuwarto. "Wenggay, napatawag ka?"

"Anong napatawag ka? Inday, nasaan na ang interview mo kay Papa Tommy mo? Puro lang mga pictures niya ang nandito sa desk ko."

"Ang interview?"

"Opo. Nasa'an ang recorded conversation ninyo? Puro lang mga pictures ito ni Papa Tommy. He looks hot, by the way."

"You mean hindi nadala ni Boggs?"

"Hija, photographer si Boggs. Wala siyang ibang nakikita kundi ang camera niya kapag nagtatrabaho siya." Saglit na tumahimik ito. "Oh, no. Don't tell me you forgot the recorder?" mayamaya ay sabi nito.

Napakagat-labi siya. "I think so?"

"You forgot! Jesusa Maria, maipapako kita sa krus nang wala sa oras! Sa dinami-rami ng puwede mong makalimutan, bakit iyon pa? Ano na ang gagawin natin ngayon? Napakahirap pa namang makakuha ng interview kay Tommy."

"Di babalikan ko na lang 'yong recorder sa Concorde Records."

"Dumaan ka na muna sa Quiapo Church. Ipagnobena mo ang recorder na iyon dahil doon nakasalalay ang kinabukasan nating dalawa."

Wala siyang sinayang na panahon. Nagbalik siya sa Concorde Records. Ngunit talaga yatang inaalat siya dahil wala ni isa man sa napagtanungan niya roon ang nakapansin sa isang maliit na tape recorder. Sa sobrang frustration niya, lahat na lamang ng makasalubong niya ay tinatanong niya.

"Tanungin mo si Tommy," sabi ng janitor na napagtanungan niya. "Baka alam niya dahil bumalik siya rito kahapon pag-alis mo. Baka nga nasa kanya iyon dahil kadalasan ay sa lost and found section ng Concorde dinadala ang mga gamit na nakikita ng mga empleyado rito."

Napabuntong-hininga siya. Malabong mahagilap niya ang napakailap na lalaking iyon. Pakiramdam niya ay masisiraan na siya ng bait nang may isang baklang lumapit sa kanya.

"Ikaw ba ang naghahanap ng naiwang tape recorder?"

Nakakita siya ng liwanag dahil sa sinabi nito. "Oo. Meron ka bang nakita?"

"Wala. Pero nagbilin sa akin si Sir Tommy na kapag may naghanap n'on, sabihin ko raw sa taong iyon na puntahan siya sa bahay niya."

"Nasa kanya ang recorder?"

"Siguro dahil pinapapunta ka niya sa bahay niya. Ay, ang suwerte mo naman, lola. Puwede kaya akong sumama? Mag-iiwan din ako ng tape recorder dito." Tatawa-tawang lumayo ito pagkatapos nitong ibigay sa kanya ang kapirasong papel na may nakasulat na address.

Napakunot-noo siya nang mabasa niya ang nakasulat doon. Tatanungin sana niya ang bakla kung tama ang address na ibinigay nito sa kanya. Subalit naglaho nang parang bula ito.

Crazy Little Thing Called LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon