ABALA sa pagdo-drawing si Sassa sa kanyang silid nang bulabugin siya ni Marvel. Ngunit kung noon ay napapraning siya sa hitsura nito, ngayon ay hindi na. Kasi naman, halatang si Tommy ang ginagaya nito.
"O, bakit?"
"May naghahanap sa 'yo, 'Te."
"Marvelo, hindi ba't sinabi ko sa iyong walang mang-iistorbo sa akin kapag nagtatrabaho ako?"
"Oo nga. Kaso, naisip ko na baka matuwa ka kapag nalaman mo kung sino ang naghahanap sa iyo."
"Sabihin mo, busy ako. Bumalik na lang 'kamo siya bukas kapag tapos ko na ang trabaho ko." Binalikan niya ang ginagawa niya.
"Kahit si Tommy Boy mo pa iyon?"
Binitiwan niya ang lahat ng kanyang hawak at kinalimutan ang kanyang ginagawa. "Si Tommy? Hinahanap ako? Bakit ngayon mo lang sinabi? Batukan kita riyan, eh!" Tumayo siya at nagmamadaling inayos ang sarili.
"Ate, ha? Mukhang iba na 'yan, ah. Ipinagpapalit mo na ako sa ibang lalaki. Isusumbong kita kina Nanay."
"Magsumbong ka hanggang gusto mo." Hinarap niya ito. "Maganda na ba ako?"
"Oo. Palaro ng computer."
"Sige."
"Ate."
"O, bakit?"
"May gusto ka ba kay Tommy? As in totoong gusto?"
"Oo naman. Matagal na. Bakit mo biglang naitanong 'yan?"
"Wala naman." Nagkibit-balikat ito, saka humarap na sa computer. "Sa nakikita ko kasi, hindi na lamang simpleng pagkagusto iyang nangyayari sa iyo. Noon, kahit may lindol o bagyo ay hindi ka mapaalis sa harap ng drawing table mo. Ngayon, pangalan lang ni Tommy ay kinakalimutan mo na ang lahat."
Natigilan siya sa sinabi nito. Binalingan niya ang nakatiwangwang na trabaho niya na itinuturing niyang tanging pinakamahalagang trabaho sa buong mundo. Basta na lamang niya iniwan iyon pagkarinig niya sa pangalan ni Tommy.
"Ate, ingat ka. Baka kung ano na 'yan."
"Anong ano na 'yan?"
"Alam mo na. 'Yong..." Humarap ito sa kanya at eksaheradong tinampal ang sariling dibdib. "Love. Baka hindi mo namamalayan, in love ka na pala kay Tommy Boy."
"Sira-ulo ka talaga, ano? Paano ako mai-in love doon?" Natigilan siya. Ngayong naungkat ang tungkol sa estado ng damdamin niya para kay Tommy, saka lamang naging malinaw sa kanya ang lahat ng nangyayari sa kanya kung saan involved ang binatang band vocalist. "Wala 'yon. Okay lang ako," mayamaya ay sabi pa rin niya.
"In love ka na sa kanya, ano?" pangungulit nito. "Iyan ang nagagawa ng pakikipag-usap mo sa poster ni Tommy. Sabi na sa iyo, dapat nakikipag-interact ka sa mga tao. Hay, naku."
"Hoy, Marvelo. Ano ba iyang pinagsasasabi mo riyan? Hindi ako in love kay Tommy."
"Ilakas mo, Ate. Hindi kita marinig."
"Hindi ako in love," kaila pa rin niya pero mahina na ang kanyang tinig.
"Ano?"
"Ewan ko sa 'yo." Iniwan niya ito sa kanyang silid. "Sira- ulong iyon, ah."
Wala na si Tommy nang labasin niya ito kaya nagpasya siyang magtungo sa bahay nito. Ngunit hindi na niya makalimutan ang napag-usapan nilang magkapatid. Was she really in love with Tommy? Iyon ba ang dahilan ng pagkailang niya rito tuwing magkasama sila? Kung bakit napakabait niya kapag magkasama sila o kahit mabanggit lamang ng ibang tao ang pangalan nito? Kung bakit sobra ang kabang nararamdaman niya kapag tinititigan siya nang mataman? Kung bakit handa siyang iwan ang lahat ng ginagawa niya para lamang pagbigyan ang kapritso nito?
![](https://img.wattpad.com/cover/186839657-288-kabe623.jpg)
BINABASA MO ANG
Crazy Little Thing Called Love
RomanceCrazy Little Thing Called Love By Sonia Francesca