Seven

6.7K 107 3
                                    


"I JUST couldn't get myself to forget your image when you cried and poured out your heart to me last night."

Gusto ni Sassa na lumubog sa kinatatayuan niya nang mga sandaling iyon. Pilit kasi niyang kinalimutan ang mga eksenang binanggit nito ngunit ipinaalala uli nito ang mga iyon sa kanya.

"Nasa kalagitnaan ako ngayon ng pagsusulat ng mga kanta para sa bagong album namin," sabi pa nito. "Pero dahil sa nangyari pagkatapos ng mga nangyari kagabi, hindi na ako makapag-concentrate sa pagko-compose. Ikaw na lang nang ikaw ang iniisip ko. Kung magpapatuloy iyon, siguradong hinding-hindi ako makakatapos kahit isang kanta. Ano na lamang ang pagkakakitaan ng banda namin?" Nagpamaywang ito. "Mula sa umpisa ay ako na ang nagko-compose ng mga kanta ng Sentinel. Wala akong balak na baguhin iyon ngayon... nang dahil lang sa iyo."

Napayuko siya at saka napakagat-labi. "S-sorry. A-ano ba ang gusto mong gawin ko para makatulong sa 'yo?"

"Nothing much. I just have to get used to you and your presence."

"Ha?"

"Ikaw ang dahilan kung bakit distracted ako." Bumuntong-hininga ito. "It seems like I couldn't write anything unless I see you. Isa na yata iyon sa mga ka-weirdo-han ng mga artists na nasagap ko."

Nagtatalon sa tuwa ang kanyang puso. Base sa mga sinabi nito, lumalabas na siya ang inspirasyon nito sa paggawa ng mga kanta. Ay, syet! Bongga!

"Kaya pansamantala, habang hindi ko natatapos ang pagsusulat ng mga kanta, dito muna ako. At dahil kasalanan mo ang nangyayaring ito sa akin, dapat lagi kang magpapakita sa akin kapag nagko-compose ako ng kanta."

"Paano 'yon?"

"Just be here when I call you."

Na-excite siya. Ikinasiya niya ang sinabi nito. Para sa isang lovestruck fan na kailanganin ng kanyang idolo, napakagandang pangarap na natupad ang bagay na iyon.

"S-sige. Walang problema sa akin iyon."

"Good. Don't worry, purely business lang ito. Walang anumang mangyayari sa iyo kapag magkasama tayo." Lumapit ito sa kanya at pinagmasdan siya. "Besides, you're not my type. Ano 'yang dala mo?"

Kahit hindi purely business iyon at may mangyayari sa akin habang magkasama tayo, okay lang'yon.

Bigla niyang naalala ang pagkain na padala ng kanyang ina. Iniabot niya iyon kay Tommy. "I-ipina-bibigay ng nanay ko. Welcome daw sa barangay namin. Pasensiya ka na. Tatakbo kasi sa susunod na local election ang nanay kong iyon bilang kagawad nitong lugar namin kaya..." Nagkibit-balikat siya.

Tinanggal nito ang takip ng Tupperware. Inamoy nito ang sarsiadong isda na punung-puno ng itlog.

"Mukhang masarap. Sumunod ka sa akin."

Tumalima siya. Nang makarating sa kusina ay naglagay ito ng dalawang plato, dalawang baso, at dalawang pares ng kutsara at tinidor sa mesa.

"Ikaw na lang ang kumain, Tommy. Kumain na ako sa bahay."

Walang imik na ibinalik nito sa lalagyan ang hindi gagamiting pinggan at mga kubyertos. Then he started his meal.

"Kailangan ba talagang nandito ako habang kumakain ka?"

"Oo. Bakit?"

"W-wala naman. Ang sabi mo kasi kanina, kapag nagsusulat ka lang kailangang naro'n ako."

Crazy Little Thing Called LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon