Two

8K 121 0
                                    


"PUWEDE na akong kunin ni Lord! Ang saya-saya ko talaga! Biruin mo iyon, George, kinantahan ako ng Papa Tommy ko! As in ako lang. Ako lang! Nasa akin lang ang buong atensiyon at puso niya habang kinakantahan niya ako!" Tinapik niya ang kanyang mga pisngi. "Mahal ko na siya!"

Napapangiti na lamang ang mga empleyado sa administration office ng Torrent Publishing Corporation dahil sa walang katapusang kuwento niya tungkol sa mga nangyari nang manood siya ng concert kung saan kasama sa mga performers ang Sentinel. May palagay siyang naririndi na ang mga ito sa paulit-ulit na pagkukuwento niya. Pero wala siyang pakialam. Basta, kailangan niyang maiparating sa madla na inalayan siya ng awitin ng pinakamamahal niyang si Tommy.

Hinila niya ang braso ng napadaan lamang na janitor nila. "At saka alam mo ba, Manong Rolly, siya na yata ang pinakaguwapo, pinakamabait, at pinaka-gentleman na lalaking nakilala ko sa buong buhay ko."

"Mas guwapo pa siya kaysa sa akin?"

"Mas guwapo pa siya kaysa sa inyo!"

"Nakakainis ka naman. Siyanga pala, magaling ba siyang maglinis ng maruming opisina? Kung hindi niya magagawa iyon, hindi pa rin niya malalagpasan ang kadakilaan ko."

"In short, tigilan mo na iyang pagbibida mo," wika naman ng feature writer ng Torrent Magz at kaibigan niyang si Rowena. Bukod sa children's books ay naglilimbag din ng iba't ibang babasahin ang kanilang kompanya. Tinapik siya nito sa noo sa pamamagitan ng folder na hawak nito. "Ilang araw mo nang ipinangangalandakan ang kuwentong iyan tuwing mapapadalaw ka rito sa office. Wala na bang bago?"

"Wala," sagot niya.

"Kung gano'n, umuwi ka na at magtrabaho. Marami ka pang illustration na dapat tapusin."

Kinuha niya rito ang mga bagong istorya na gagawan niya ng illustration. Pinasadahan lamang niya ng tingin ang laman ng folder bago niya binalingan si Rowena.

"Wenggay, 'di ba, 'destiny' ang tawag do'n? Biruin mo, sa dinami-rami ng mga babaeng umakyat sa stage para makalapit kay Papa Tommy, ako ang pinalad na makalusot at makantahan niya." Tila nangangarap na tumingala siya sa kisame. "At nahalikan niya..."

"Teka, bago 'yan, ah. Wala naman sa epic story mo ang halik na 'yan."

"Wala nga. Pero kung mangyayari lang naman..."

"Inday, illustrator ka, hindi romance writer kaya wala kang karapatang mag-imagine ng ganyan."

"Lahat ng tao ay may karapatang mangarap."

"Hindi ka naman nangangarap, eh. Nananaginip ka nang gising." Umupo ito sa harap ng mesa nito. "At lagi ka na lang nagmamalaki riyan pero wala ka namang maipakitang ebidensiya na nakadaupang-palad mo nga si Tommy Fontanilla."

"Nangyari talaga ang mga sinasabi ko!" buong giting na giit niya. "Wala lang akong picture dahil ako lang mag-isa ang nagpunta sa concert niya. Nakalimutan ko na kuhanan siya ng picture sa cellphone ko dahil sobrang starstruck ako."

Noon siya inulan ng pangangantiyaw mula sa mga empleyado roon. Lahat ay puro negatibo ang sinasabi.

"Ewan ko sa inyo. Basta, masaya ako. At least, may maikukuwento na ako sa mga magiging apo ko sa future."

"Mag-asawa ka muna bago mo isipin iyang mga apu-apo na 'yan."

"Magkakaroon din ako niyan. Si Papa Tommy na muna ang pag-usapan natin."

"Eh, purgang-purga na nga kami sa kakakuwento mo tungkol sa lalaking 'yon," reklamo ni Mildred. "Tama na, Sassa. Parang awa mo na."

Sinimangutan niya ang mga ito. "Palibhasa'y wala kayong kasingguwapo ni Tommy sa mga buhay ninyo."

"At least kami, hindi lang basta nangangarap. Ikaw, puro pangarap ka lang naman. Kaya hindi ka magka-boyfriend, eh."

"Naku, no comment na ako riyan." Tumayo na siya upang maghanda sa pag-alis. Natatalo na kasi siya sa argumento. "Wenggay, aalis na ako."

"Sandali, Sassa."

"Bakit?" Matamang pinagmasdan siya nito. "Hindi kita type, Wenggay. Gusto ko 'yong sariwa at wala pang mga anak."

"Huwag ka na munang magsalita, Sassa. Dahil kapag nainis ako, sige ka, hindi kita isasama sa bagong special project na ibinigay sa akin ng Torrent Magz.

"Special project? Ang sabihin mo, panibagong dagdag-trabaho na naman 'yan."

"Siguro nga. Pero alam kong matutuwa ka pa rin dito kung sakali." May kinuha itong isa pang folder mula sa drawer ng mesa nito. "Alam mo ba kung ano ito?"

"Folder."

"Hindi lamang ito folder. Dahil nilalaman nito ang mga questionnaires para sa pinakamamahal mong si Thomas Emmanuel Fontanilla."

Napasinghap siya nang marinig niya ang buong pangalan ni Tommy. Mabilis din siyang dumikit kay Rowena habang nakatutok sa mahiwagang folder ang kanyang mga mata.

"Wenggay, totoo ba 'yong narinig ko? I-interview-hin mo si Papa Tommy ko?"

"Yup. Ipi-feature sa susunod na issue ng Torrent Magz ang front man ng bandang Sentinel kasama ng iba pang winners sa katatapos lamang na MTV-Filipinas Music Awards. At dahil ang Sentinel ang nakakuha ng pinakamaraming awards kasama na ang band of the year, song of the year, at lead vocals of the year, maglalaan ng feature article ang Torrent para sa kanya."

Lalong nagningning ang kanyang mga mata sa sinabi nito. "Wenggay, gusto mo ng masahe?"

"Halikan mo ang mga paa ko."

Binatukan niya ito. Nagtawanan naman ang mga empleyado roon na kanina pa nakikinig sa kanila.

"Ikaw talaga, Wenggay, puro ka kalokohan. Sabihin ko kaya kay Ana na itakwil ka niya bilang kanyang ina? Makikinig sa akin iyon dahil ako ang pinakamagandang ninang niya." Si Ana ang tatlong taong gulang na anak nito na inaanak niya sa binyag.

"Sabi na nga ba, eh. Ikaw ang diktador na sinasamba ni Ana." Kinurot siya nito sa tagiliran. "Kaya ngayon, pati ang batang iyon, eh, ginawan na rin ng altar si Tommy sa kuwarto niya."

"Aba at dinaig pa talaga ako ni Ana, ha?"

"Huwag ka ngang masyadong magdididikit sa anak kong iyon dahil kung anu-anong kalokohan ang napupulot niya sa iyo."

"Isama mo muna ako sa interview mo kay Papa Tommy."

"Oo na."

Nanggigigil at tuwang-tuwang niyakap niya ito. Nang makontento ay kinuha niya rito ang folder at ni-review kunwari ang mga tanong na nakasulat doon.

"Bakit walang tanong dito tungkol sa status niya?" tanong niya. "Iyon pa naman ang pinakaaabangan kong sasagutin niya. Para malaman ng mga tao na wala na silang pag-asa kay Papa Tommy dahil ako na ang tanging babae sa buhay niya."

"Epal ka talaga kahit kailan, Jesusa Maria." Binawi nito ang folder. "Hindi sumasagot ng mga personal questions si Tommy. Kung tutuusin, edited na 'yan dahil napadalhan na siya ng paunang kopya ng mga tanong at siya mismo ang nag-approve ng mga puwedeng itanong sa kanya. I think he's a bit sensitive about the issue of him being the shadow of his famous brother. The last time na may nagtanong sa kanya tungkol sa personal na buhay niya ay nag-walk out siya. Nabitin tuloy ang interview nila. Iyon ang iniiwasan nating mangyari kaya 'yong mga gusto lamang niyang itanong natin sa kanya ang mga nakasulat diyan."

Tumangu-tango siya. "Dapat lang naman iyon. Matalino talaga ang Papa Tommy ko. Napakaguwapo pa. Hmm!"

"Bukas na ng tanghali ang interview. Kailangang mas maaga tayo sa oras ng usapan para hindi nakakahiya sa kanya. Kaya ikaw, umuwi ka na at matulog ka nang maaga. Lagi ka pa namang late sa mga usapan."

"Sige. Paalam na." Kinuha niya rito ang folder. "Puwede bang ako na lang ang magdala nito? Para kunwari close kami."

Umiling-iling ito. "Baliw ka na nga talaga."

"Ganyan talaga ang mga nagmamahal."

Crazy Little Thing Called LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon