NAALIMPUNGATAN si Sumi ng biglang tila mauntog siya sa kung saan. Agad niyang minulat ang mata niya. Pakiramdam niya ay medyo nahihilo siya, para kasing umuuga ang kinauupuan niya. Bahagya niyang pinilig ang ulo. Ganoon na lang gulat niya ng makita niyang nasa isang sasakyan siya at umaandar iyon. Ang mas ikinagulat niya ay ang nakalagay sa mga kamay niya. Nakaposas siya.
Si Miguel ang nalingunan niyang nagmamaneho ng sasakyan.
"Walanghiya ka! Bakit ako naka-posas? Saan mo ako dadalhin? Nasaan si Cristy? Anong ginawa mo sa kaibigan mo? Pakawalan mo ako dito!" sunod-sunod na tanong niya. Nagsisimula na siyang mag-panic.
"Hey, easy...ang dami mo agad tanong. But first, ano ang tunay mong pangalan?" tanong pa nito sa kanya. At nakakainis na tila ba kalmado ito.
"Sumi. Sushmita Mae Librada." Sagot niya.
Tumango-tango ito. "Sige. Isa-isahin natin ang mga tanong mo, okay? Kaya ka nakaposas kasi arestado ka sa salang pagnanakaw. Pangalawa, sa presinto kita dadalhin. Pangatlo, hindi ko alam kung nasaan ang kaibigan mong 'yon. Hinabol ko pa nga siya, pero natakasan ako." Mahabang paliwanag nito.
Nataranta siya ng marinig ang salitang "presinto". Hindi siya puwedeng makulong. Kapag nakulong siya, paano ang Nanay niya? Lalong lalo na si Jepoy? Baka may mangyaring masama sa kapatid niya.
"Parang awa mo na Sir. Huwag mo naman ako ikulong. May dahilan naman kung bakit ko ginawa 'yun eh." Pakiusap pa niya dito.
"Tinanong na kita kanina, pero nagsinungaling ka pa rin. Kung hindi sa walang preno mong kaibigan, hindi kita mahuhuli." Sabi pa nito.
Nanlaki ang mga mata niya ng matanaw niya sa hindi kalayuan ang presinto. Lalo siyang nag-panic.
"Mamang Pulis! Parang awa mo na! Huwag mo na akong ikulong. Nasa ospital ang kapatid ko at kailangan siyang maoperahan. Kailangan ko ng malaking pera sa lalong madaling panahon, ito lang ang naisip kong gawin para kumita ng malaki ng mabilisan." Pagmamakaawa pa niya.
"Puwede ba, Miss? Narinig ko na 'yan! Ganyan palagi ang katwiran ng mga kawatang gaya mo! Palagi n'yong dahilan 'yan!"
"Hindi ako nagdadahilan lang. Maniwala ka sa akin." Giit pa niya.
"Kung totoo man o hindi ang rason mo. Hindi dahilan ang pagnanakaw. Marami diyan puwedeng pagkakitaan. Bakit hindi ka magtrabaho? Sayang! Ang ganda mo pa naman. Iyon pala—"
"Wala kang alam sa pinagdaanan ko! Wala kang alam sa hirap ng buhay ko! Kaya huwag mo akong papangaralan na akala mo ako ang kauna-unahang magnanakaw na nahuli mo!" singhal niya dito. Kasunod niyon ay kumawala ang mga luha niya.
Natahimik ito. Siya naman ay hindi na muli pang nagsalita at tahimik lang na umiyak habang nakatanaw sa gilid ng daan. Kailangan niyang makaisip ng paraan para makatakas. Ilang sandali pa ang nagdaan ng mag-ring ang cellphone niya. Naka-posas man ang magkabilang kamay ay nakuha pa rin niya iyon mula sa bag niya na sa ibabaw ng hita niya. Nang makita niyang ang Nanay niya ang tumatawag, agad na sinagot niya iyon. Ni-loudspeaker pa niya iyon para marinig ng walang modong pulis na ito na sa pagkakataong ito. Hindi siya nagsisinungaling.
"Hello 'Nay," bungad niya.
"Anak, Nasaan ka na ba?" tanong nito. Nasa boses nito ang labis na pag-aalala.
"Bakit po? May problema ba?"
"Kinausap ako ng doctor ulit kanina, Sumi. Tinatanong nila yung pambayad sa pang-opera ni Jepoy. Kapag hindi daw naoperahan agad ang kapatid mo, baka daw hindi na tumagal ang buhay niya." paliwanag ng Nanay niya, kasunod niyon ay napahagulgol na ito sa kabilang linya.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 2: Miguel Dustine Despuig
RomanceTEASER: Nang dahil matinding pangangailangan sa pera. Napilitan si Sumi na balikan ang isang gawain na matagal na niyang tinalikuran at pinangako na hindi na muling babalikan pa. At ang naging target niya, ay ang guwapo at mayaman na si Miguel Dust...