TULALA pa rin si Sumi habang nakatingin siya sa kahabaan ng Tanangco. Nandoon siya sa mag-isa sa may garahe ng bahay ng mga Mondejar. Palibhasa'y alas-nuwebe na ng gabi kaya wala ng customer na magpapa-carwash. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubos akalain na makakatanggap siya ng death threat. Iyon na ang ikalawang araw magmula ng matanggap niya ang text message na iyon. Pilit niyang inalala kung kanino siya may malaking atraso. Ngunit wala siyang maisip kung sino. Gaya ng sabi niya ng nagdaang gabi kay Miguel, malaki ang posibilidad na isa ito sa mga naging biktima niya.
"Okay ka lang?"
Napatingin siya. Si Marisse ang naroon, kasama sila Sam, Kim at Jhanine. Bumuntong-hininga siya pagkatapos ay umiling siya. "Hindi." Sagot niya.
"Huwag kang mag-alala, Girl. I'm sure hindi ka papabayaan ni Miguel." Sabi naman ni Sam.
"Oo nga, mahal ka kaya no'n." sang-ayon ni Marisse.
"May ideya ka ba kung sino ang nagpadala ng death threat?" tanong pa ni Kim sa kanya.
"Wala." Usal niya.
Pumalatak si Sam. "Ang hirap naman n'yan. Para kayong nangangapa sa dilim. Nakakatakot, hindi mo alam kung sino ang kalaban mo." Komento pa nito.
"I believe that God will protect you. And so is Miguel." Ani Marisse.
"Umalis na lang kaya ako." Aniya.
"Ay bakit?" gulat na tanong ni Kim.
"Ayokong madamay kayo. Ako ang target ng kriminal na 'yon. Ayokong sa pagbalik niya, may isang madamay sa inyo." Sagot niya.
"Ano ka ba, Sumi? Huwag ka ngang baliw baliwan diyan! Kapag umalis ka dito, mas malaki ang posibilidad na mapahamak ka. Huwag mo kaming alalahanin. Lumaki kami na alam kung paano ipagtatanggol ang mga sarili namin." Sermon pa sa kanya ni Marisse.
"Besides, sa laking bakulaw ba naman ng mga pinsan nito. Kayang-kaya nilang proteksiyunan ang mga sarili nila." Dagdag pa ni Sam.
"Saka parang papayag si Miguel na umalis ka dito." ani Kim.
"Teka, matanong ko lang nga sa'yo. May nakaaway ka ba?" tanong ni Sam.
Nagkibit-balikat siya. "Wala."
"Kung wala, eh sino 'yon?" tanong din ni Kim.
Huminga siya ng malalim. "Ang pakiramdam ko tuloy, ano mang oras puwede na lang akong barilin dito sa kinauupuan ko." Komento niya.
Saka bigla niyang naalala ang bilin ni Miguel sa kanya kanina bago ito pumasok sa trabaho kaninang umaga. Kabilin-bilanan nito na huwag siyang lalabas ng bahay. Baka daw kasi bumalik ang suspect at matyempuhan siya nito kung nasa labas siya. Pero nababagot na siya sa loob ng bahay, dalawang araw na siyang hindi pinapalabas ni Miguel dahil sa pangyayari. Wala na rin naman siyang gagawin sa loob. Kaya minabuti na lang niyang lumabas at magpahangin.
"Huwag ka ngang magsalita ng ganyan! Ako ang natatakot sa mga pinagsasabi mo." Kontra ni Marisse.
"Joke lang, 'to naman!" natatawang sabi niya. "Tara, kape na lang tayo sa Jefti's." yaya niya.
"Sige," pagpayag ng mga kasama niya.
Nakalabas na sila ng gate ng mapansin niya ang isang paparating na motorsiklo. Dalawa ang nakasakay doon pawang nakasuot ng itim na damit, nagtaka siya ng malapit na ito sa tapat nila ay may binunot ito mula sa likod nito ang naka-back ride. At ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya ng mapansin na baril pala ito. Nagulat pa siya ng biglang sumigaw si Marisse.
"Dapa!" sigaw nito. Mabilis na nagpulasan at nagtago ang mga taong naroon pa rin sa kalye at nakatambay. Kasunod ng sunod-sunod na pagputok ng baril. Mabilis silang nagtago sa likod ng mga sasakyan na nakaparada sa kahabaan ng Tanangco. Napasigaw sila ng dahil sa takot, hanggang sa narinig na lang nila ang pagsagitsit ng gulong ng motor. Ilang sandali pa ay muling nabalot ng katahimikan ang buong kalye ng Tanangco. Agad na naglabasan ang mga tao sa kanya kanyang bahay.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 2: Miguel Dustine Despuig
RomanceTEASER: Nang dahil matinding pangangailangan sa pera. Napilitan si Sumi na balikan ang isang gawain na matagal na niyang tinalikuran at pinangako na hindi na muling babalikan pa. At ang naging target niya, ay ang guwapo at mayaman na si Miguel Dust...