CHAPTER TEN

13.4K 325 39
                                    

MALUNGKOT na pinagmasdan ni Sumi ang lapida na nasa harapan niya ngayon. Nakasulat doon ang buong pangalan ni Cristy. Naglandas ang mga luha niya. Nakakalungkot na sa hindi maganda nagwakas ang pagkakaibigan nila. Inakala niyang ayos na lahat sa buhay niya ng gumaling na sa sakit niya si Jepoy. At lalo siyang sasaya dahil nakilala na rin niya ang lalaking mamahalin niya at minamahal din siya. Pero kapalit lahat ng iyon ay ang buhay ng matalik niyang kaibigan. Alam niya sa sarili niya na wala siyang kasalanan sa mga nangyari. Tama si Cristy, isang naging malaking kasalanan niya ay ang wala siya sa panahon ng trahedya sa buhay nito.

Matapos ang gabing iyon na hinostage siya ni Cristy. Namatay din ito ng mismong araw na iyon. Dalawang beses itong nabaril, isa ay si Miguel ang bumaril at ang isa naman ay si Sanchez. Pero bago ito bumagsak ay nakapagpaputok pa ito ng isang beses, na siyang tumama sa balikat niya. Siya naman ay dinala sa ospital para matanggal ang bala sa balikat niya. Lahat ng iyon ay mahigit isang linggo na ang nakakaraan. Ngunit para kay Sumi, sariwa pa rin sa alaala niya ang gabing iyon. Lalo na ang itsura ng kaibigan niya habang wala na itong buhay. At hanggang ngayon, hindi pa rin niya lubos maisip na ito ang gustong kumitil ng buhay niya.

"Sumi," pukaw sa kanya ng kasama niya.

Pinahid niya ang luha sa pisngi niya. Tumayo sa tabi niya si Miguel.

"Ang laki ng pagkukulang ko sa kanya." Aniya.

"Wala kang kasalanan," sabi pa nito.

"Meron akong kasalanan, Miguel." Giit niya. "Tama siya, pinabayaan ko siya. Minsan lang sa buhay ni Cristy na siya naman ang mangailangan sa akin. Pero wala ako sa tabi n'ya."

"Hindi mo ginusto ang nangyari sa kanya. Nabulag lang siya ng galit. Naghanap lang siya ng mapapagbalingan ng sitwasyon." Paliwanag ni nito.

Umiling siya. "Kahit na ano pa ang ginawa niya. Kaibigan ko pa rin siya."

"Sumi,"

"Hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap na ako ang isa sa dahilan kung bakit nasira ang buhay niya."

"Hindi totoo 'yan." mabilis na kontra ni Miguel.

Hindi siya kumibo. Hinarap niya ito. "May gusto sana akong ipakiusap sa'yo." Aniya.

"Ano 'yon?"

"Huwag muna tayong magkita, Miguel."

Mabilis na bumaha sa mukha nito ang sakit. Napatungo si Sumi. Ayaw niyang saktan ito, dahil mahal na mahal niya ito. Pero wala siyang mapagpipilian. Kailangan niyang pansamantalang lumayo. Para matanggap ang nangyari. Isa pa, masyado na rin maraming gulo ang hinatid niya kay Miguel at sa pamilya nito. Pagkatapos ng binulgar ni Cristy ang buong pagkatao niya sa harap ng maraming tao. Wala na siyang mukhang maihaharap pa dito.

"Ano'ng sabi mo?"

"Pabayaan mo na muna ako makapag-isa. Baka sa pamamagitan nito, unti-unti kong matanggap ang mga pangyayari. Isa pa, masyado ng malaking gulo at kahihiyan ang hinatid ko sa pamilya mo. Alam na nila ang nakaraan ko."

"Sumi, huwag mong gawin sa akin 'to." Sabi pa ni Miguel. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. Pero inalis niya ang mga kamay nito sa balikat niya.

"Mahal na mahal kita, Sumi."

"Ganoon din ako, Miguel. Simula ng makilala kita, walang araw na hindi kita minahal. Pero kailangan kong lumayo. Hindi ko kayang maging masaya gayong ako ang dahilan kung bakit nakalibing na ngayon ang kaibigan ko. Hindi ko kayang maging masaya sa ngayon."

Car Wash Boys Series 2: Miguel Dustine DespuigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon