HINDI maintindihan ni Sumi ang pakiramdam niya. Ngayon lang siya nakaramdam ng kapanatagan ng loob. Sa buong buhay niya, hindi na yata niya matandaan kung kailan siya huling na-relax ng ganon. Saka may tanong na sumulpot sa utak niya. Ano nga ba ang mayroon ang Tanangco Street na iyon?
Pinagmasdan niya ang kahabaan ng kalye. Sa unang tingin ay isa lang itong tipikal na kalye. Ngunit ng maobserbahan niya ang kakaibang relasyon ng mga residente doon, saka niya naisip na kaysarap tumira doon. Parang wala yata siyang nakita na kahit isang nakasimangot. Karaniwa'y pawang nakangiti ang mga tao doon. Bukod pa doon, pulos magaganda at guwapo ang mga tao doon.
Isa pang nakatawag pansin sa kanya ay ang pamilya ni Miguel. Partikular na ang mga pinsan nito. Nakita niya ang karangyaan nito sa buhay, pero nakakatuwang pagmasdan na ang mga ito pa rin ang nagta-trabaho sa Lolo nito bilang mga Carwash Boys. Wala siyang nararamdamang yabang mula sa kahit na sino sa miyembro ng Pamilya. Napapailing na lang siya ng makitang nakatanghod sa may tindahan na malapit ang mga kababaihan at mga kabadingan, habang pinagpapantasyahan ang magpi-pinsan. Pero sa nag-iisa lang napako ang mga mata niya. Kay Miguel. Wala sa loob na napangiti siya. Kahit na kakikilala pa lang niya dito, ng nagdaang gabi. Alam ni Sumi na mabait itong tao. Mabuti ang puso nito.
"Ayieee! May gusto ka sa kanya, no?" tukso sa kanya ni Marisse, sabay sundot sa tagiliran niya.
Napapitlag siya. "Ay kamote! Hoy, ano ba? Huwag ka naman mangiliti!" saway niya dito.
"May gusto ka kay Miguel, ano?" ulit pa nito.
"Ha? Wa-wala ah!" kandautal na tanggi niya.
Natawa si Marisse. "Wala ka dyan! Eh bakit ka nakatitig sa kanya?"
"Wa-wala. Masama ba?" depensa niya sa sarili.
"Asus!"
"Natutuwa lang ako sa kanya, sa inyong magpi-pinsan. Ang gu-guwapo nila para maging carwash boys." Pagdadahilan niya.
"Bawal kay Lolo Badong ang tatamad-tamad, kundi, mapu-pukpok sila ng tungkod nito!" sabad naman ng babae na nagbabantay ng tindahan na tinatambayan nila. Ngumiti ito sa kanya, sabay lahad ang isang kamay nito. "Hi, ako si Kim." Pagpapakilala nito sa sarili.
"Sumi," sagot naman niya.
"Hep! What's happening there?" tanong pa ng isa pang babaeng parating. Gaya ni Kim, ay maganda din ito. May pagka-mestisa nga lang ito, si Kim naman ay chinita.
"Sumi, si Sam. Sam, si Sumi." Pagpapakilala naman ni Marisse sa bagong dating. Kinamayan siya nito. "Lakas maka-tongue twister ng pangalan n'yo!"
"Sumi, Welcome sa aming pinakamamahal na lugar. Ang Tanangco Street!" sabi ni Sam sa kanya.
Napapangiti siya. "Salamat, ang babait n'yo naman." Aniya.
"Ay, huwag kang papabola sa mga 'yan! Ako lang ang mabait dito!" singit ng isa pang babaeng magand att mestisa. Pero pamilyar sa kanya ang mukha nito. Hindi lang niya maalala kung saan niya nakita ito.
"Hi Sumi, I'm Jhanine." Anito saka nakipagkamay sa kanya.
"Hi, pamilyar ka sa akin." Sabi niya dito.
"Ay Oo, siya lang naman ang sinisinta ng sikat na si Daryl Rivera na siya ring pinsan ko." Sagot ni Marisse.
"Tama!" sang-ayon ni Kim.
"Oo, naalala ko na." sagot niya.
"Mabuhay! I'm back!"
Napalingon sila sa biglang sumigaw na iyon. Nagulat siya ng biglang magtilian ang mga kasama niya, sabay sugod ng yakap sa bagong dating. Base sa mga pilantik ng daliri nito. Alam niyang bading ito.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 2: Miguel Dustine Despuig
RomanceTEASER: Nang dahil matinding pangangailangan sa pera. Napilitan si Sumi na balikan ang isang gawain na matagal na niyang tinalikuran at pinangako na hindi na muling babalikan pa. At ang naging target niya, ay ang guwapo at mayaman na si Miguel Dust...